Tanong
Ano ang progresibong kapahayagan ng Diyos (progressive revelation) at ano ang relasyon nito sa kaligtasan?
Sagot
Ang ‘progresibong kapahayagan ng Diyos’ ay isang terminolohiyang tumutukoy sa ideya at katuruan na unti-unting ipinahayag ng Diyos ang iba’t ibang aspeto ng Kanyang kalooban at pangkalahatang plano para sa sangkatauhan sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan na tinutukoy bilang ‘dispensasyon’ ng ilang mga teologo. Sa mga naniniwala sa dispensasyon, ang dispensasyon ay isang nakikilalang yugto ng panahon (o isang isinaayos na kundisyon ng mga bagay) sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos. Bagama’t pinagdedebatehan ang bilang ng dispensasyon na naganap sa kasaysayan, naniniwala ang lahat na ipinakita lamang ng Diyos ang ilang aspeto ng Kanyang sarili at ng Kanyang plano ng kaligtasan sa bawat dispensasyon kung saan itinatag naman ang sumunod pang mga dispensasyon.
Habang naniniwala ang mga dispensasyonalista sa progresibong kapahayagan, mahalagang tandaan na hindi kailangang maniwala ng isang tao sa dispensasyon upang yakapin ang progresibong kapahayagan. Kinikilala ng halos lahat na magaaral ng Bibliya na ang ilang mga katotohanan na nasa Kasulatan ay hindi lubos na inihayag ng Diyos sa mga henerasyon sa nakaraan. Kahit sino sa ngayon ay hindi na magdadala ng hayop na susunugin kung nais niyang lumapit sa Diyos o sumamba sa unang araw ng sanlingo sa halip na sa huling araw ng sanlinggo at nauunawaan na ang gayong pagkakaiba sa gawa at kaalaman ay progresibong inihayag at inilapat sa pagdaan ng panahon.
Bilang karagdagan, may mas mabigat pang mga katuruan patungkol sa konsepto ng progresibong kapahayagan. Ang isang halimbawa ay ang pagtatatag at komposisyon ng Iglesya na ipinaliwanag ni Apostol Pablo: “Dahil dito, akong si Pablo na bilanggo ni Cristo Jesus alang-alang sa inyong mga Hentil, ay dumadalangin sa Diyos. Marahil naman, nabalitaan na ninyong dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay ipinagkatiwala niya sa akin ang tungkuling ito para sa inyong kapakinabangan. Ipinahayag sa akin ng Diyos ang kanyang lihim na panukala, tulad ng nabanggit ko na sa dakong una. At habang binabasa ninyo ito, malalaman ninyong nauunawaan ko ang hiwaga tungkol kay Cristo. Ang hiwagang ito'y hindi ipinaalam sa mga tao noong mga nakaraang panahon, ngunit inihayag ngayon ng Diyos, sa pamamagitan ng Espiritu, sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta. At ito ang lihim: sa pamamagitan ng Mabuting Balita, ang mga Hentil, tulad din ng mga Judio, ay may bahagi sa mga pagpapalang mula sa Diyos; mga bahagi rin sila ng iisang katawan at kahati sa pangako ng Diyos dahil kay Cristo Jesus” (Efeso 3:1-6).
Sinasabi ni Pablo ang halos parehong bagay sa aklat ng Roma. “Purihin ang Diyos na makapagpapatibay sa inyo sa pamamagitan ng Mabuting Balita tungkol kay Jesu-Cristo na ipinangangaral ko sa inyo. Ang Mabuting Balitang iyan ay isang hiwaga na nalihim sa loob ng mahabang panahon, at sa utos ng walang hanggang Diyos ay nahayag ngayon sa mga Hentil upang sila'y manalig at tumalima kay Cristo. Ang lahat ng iyan ay ayon sa mga sulat ng mga propeta” (Roma 16:25-26).
Sa mga diskusyon tungkol sa progresibong kapahayagan, ang unang tanong ng mga tao ay kung ano ang kaugnayan nito sa kaligtasan. Ang mga nabuhay ba bago dumating si Kristo ay naligtas sa ibang paraan kaysa sa mga tao sa panahon ngayon? Sa panahon ng Bagong Tipan, sinabihan ang mga tao na ilagak nila ang kanilang pananampalataya sa natapos na gawain ni Kristo at manampalataya na binuhay Siya ng Diyos mula sa mga patay at sila ay maliligtas (Roma 10:9-10; Gawa 16:31). Ngunit sinabi ng isang eksperto sa Lumang Tipan na nagngangalang Allen Ross, “Napakaliit ng tsansa na ang mga taong nanampalataya para sa kanilang kaligtasan [sa Lumang Tipan] ay nauunawaan at naniniwala sa katubusan ng kasalanan sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo, ang Anak ng Diyos.” Idinagdag pa ni John Feinberg, “Hindi si Hesus kilala ng mga tao sa Lumang Tipan bilang Mesiyas, at hindi nila alam na Siya ay mamamatay at ang Kanyang kamatayan ang magiging basehan ng kaligtasan.” Kung tama si Ross at Feinberg, Ano ngayon ang eksaktong ipinahayag ng Diyos sa mga taong nabuhay bago dumating si Kristo at paano naliligtas ang mga tao sa panahon ng Lumang Tipan? Ano ang nagbago, kung mayroon man, sa paraan ng kaligtasan sa Lumang Tipan kumpara sa paraan ng kaligtasan sa Bagong Tipan?
Progresibong Kapahayagan — Dalawang daan o isang daan sa Kaligtasan?
May mga nagaakusa na ang mga nanghahawak sa progresibong kapahayagan ay nagtuturo ng dalawang magkaibang paraan sa kaligtasan – ang isa ay bago dumating si Kristo at ang isa ay pagkatapos ng Kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli. Ang ganitong akusasyon ay pinabulaanan ni L. S. Chafer na sumulat ng ganito: “Mayroon bang dalawang paraan para sa kaligtasan ng indibidwal? Bilang sagot sa tanong na ito, dapat na tanggapin na ang kaligtasan sa anumang anyo nito ay laging gawa ng Diyos para sa tao at hindi kailanman masasabing gawa ng tao para sa Diyos. Kaya nga, mayroon lamang iisang daan upang maligtas ang tao at iyon ay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos na ginawa Niyang posible sa pamamagitan ng paghahandog ni Hesu Kristo.”
Kung totoo ito, paano mapagkakasundo ang kapahayagan sa Lumang Tipan at Bagong Tipan patungkol sa kaligtasan? Nilagom ni Charles Ryrie ang sagot sa ganitong paraan: “ang basehan ng kaligtasan sa bawat panahon ay ang kamatayan ni Kristo; ang kinakailangan para sa kaligtasan sa bawat panahon ay pananampalataya, ang pinaguukulan ng pananampalataya sa lahat ng panahon ay ang Diyos; ang nilalaman ng pananampalataya lamang ang nagbabago sa iba’t ibang panahon.” Sa ibang salita, kahit na sa anong panahon nabuhay ang tao, ang kanilang kaligtasan ay nakadepende lamang sa ginawa ni Kristo at ang kanilang pananampalataya ay inilalagak nila sa Diyos, ngunit ang laki ng kaalaman na mayroon ang tao patungkol sa mga partikular na aspeto ng plano ng Diyos ay umuunlad sa paglipas ng panahon dahil sa progresibong kapahayagan ng plano ng Diyos.
Tungkol sa mga banal sa Lumang Tipan, inihain ni Norman Geisler ang mga sumusunod: Sa maiksing salita, makikita na ang kinakailangan para sa kaligtasan sa Lumang Tipan (patungkol sa paniniwala) ay (1) pananampalataya sa kaisahan ng Diyos, (2) pagkilala sa pagiging makasalanan ng tao, (3) pagtanggap sa pangangailangan ng biyaya ng Diyos at (4) pangunawa na may darating na Tagapagligtas.”
May ebidensya ba sa Kasulatan upang suportahan ang sinasabi ni Norman Geisler? Isaalang-alang ang sitas na ito sa Bibliya, na naglalaman ng unang tatlong kundisyon sa kaligtasan sa Ebanghelyo ni Lukas:
“May dalawang lalaking pumanhik sa templo upang manalangin: ang isa'y Pariseo at ang isa nama'y publikano. Tumindig ang Pariseo at pabulong na nanalangin ng ganito: 'O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo pagkat hindi ako katulad ng iba — mga magnanakaw, mga magdaraya, mga mangangalunya — o kaya'y katulad ng publikanong ito. Makalawa akong nag-aayuno sa loob ng sanlinggo; nagbibigay ako ng ikapu ng lahat kong kinikita.' Samantala, ang publikano'y nakatayo sa malayo; hindi man lamang makatingin sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, at sinasabi: 'O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!' Sinasabi ko sa inyo: ang lalaking ito'y umuwing kinalulugdan ng Diyos, ngunit hindi ang isa. Sapagkat ang sinumang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas” (Lukas 18:10-14).
Ang pangyayaring ito ay naganap bago ang kamatayan at pagkabuhay na muli ni Kristo, kaya malinaw na kinasasangkutan ang salaysay ito ng isang tao na walang alam sa mensahe ng Ebanghelyo na gaya ng ipinangangaral ngayon. Sa simpleng pangungusap ng maniningil ng buwis (“O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!”), makikita natin ang (1) pananampalataya sa Diyos, (2) pagkilala sa kasalanan at (3) pagtanggap sa kahabagan ng Diyos. Pagkatapos, sinabi ni Hesus ang isang kapuna-punang pangungusap: Sinabi Niya na umuwi ang taong ito na ‘kinalulugdan’ ng Diyos. Ito ang eksaktong terminolohiyang ginamit ni Pablo sa paglalarawan sa katayuan ng isang mananampalataya sa panahon ng Bagong Tipan na sumampalataya sa mensahe ng Ebanghelyo at naglagak ng Kanyang pagtitiwala kay Kristo: “Yamang napawalang-sala na tayo dahil sa pananalig sa ating Panginoong Jesu-Cristo, sa pamamagitan niya'y mayroon na tayong kapanatagan sa harapan ng Diyos” (Roma 5:1).
Ang ikaapat sa listahan ni Geisler ay wala sa salaysay ni Lukas — ang pangunawa sa darating na Tagapagligtas. Gayunman, sinasabi sa ibang mga talata sa Bagong Tipan na ito ay isang pangkaraniwang katuruan para sa mga Hudyo. Halimbawa, sa salaysay tungkol sa pagkikita ni Hesus at ng Samaritana sa balon, sinabi ng babae, "Nalalaman ko pong paririto ang Mesias, ang tinatawag na Cristo. Pagparito niya, siya ang magpapahayag sa atin ng lahat ng bagay” (Juan 4:25). Gayunman, kinikilala mismo ni Geisler na ang pananampalataya sa Mesias ay hindi laging kinakailangan para sa mga banal sa Lumang Tipan.
Progresibong kapahayagan — Iba pang ebidensya mula Kasulatan
Ang isang mabilisang pagsasaliksik sa Kasulatan ay magpapakita ng mga sumusunod na mga talata mula sa Luma at Bagong Tipan na sumusuporta sa katotohanan na ang pananampalataya sa Diyos ang laging kasangkapan sa kaligtasan:
• “At sumampalataya siya [Abraham] sa Panginoon; at ito'y ibinilang na katuwiran sa kaniya.” (Genesis 15:6)
• “At mangyayari na ang sinomang tumawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas” (Joel 2:32)
• “Sapagka't di maaari na ang dugo ng mga baka at ng mga kambing ay makapagalis ng mga kasalanan” (Hebreo 10:4).
• “Ngayon, ang pananampalataya ay siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita. Sapagka't sa pamamagitan nito ang mga matanda ay sinaksihan” (Hebreo 11:1-2).
• “At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring maging kalugodlugod sa kaniya; sapagka't ang lumalapit sa Dios ay dapat sumampalatayang may Dios, at siya ang tagapagbigay ganti sa mga sa kaniya'y nagsisihanap” (Hebrews 11:6).
Malinaw na itinuturo ng Kasulatan na ang pananampalataya ang susi sa kaligtasan para sa lahat ng tao sa lahat ng panahon, ngunit paano ililigtas ng Diyos ang mga tao na hindi alam ang ginawang paghahandog para sa kanila ni Kristo? Ang sagot ay, iniligtas sila ng Diyos ayon sa kanilang pagtugon sa kaalamang mayroon sila. Ang kanilang pananampalataya ay ang pagtanaw sa mga pangyayari na hindi pa nila nakikita, samantalang ngayon, ang mga mananampalataya ay bumabalik sa mga pangyayari na kanilang nakita o nalaman na. Ang ilustrasyon sa ibaba ay makatutulong upang maunawaan ang pananaw na ito:
Itinuturo ng Kasulatan na laging binibigyan ng Diyos ang mga tao sa lahat ng panahon ng sapat na kapahayagan upang sila’y makapanampalataya. Ngayon na natapos na ang mga gawa ni Kristo, ang mga kundisyon ay nabago na; ang panahon ng kamangmangan ay lumipas na:
• “Na nang mga panahong nakaraan ay pinabayaan niya ang lahat ng mga bansa ay magsilakad sa kanilang mga sariling daan” (Gawa 14:16)
• “Ang mga panahon ng kahangalan ay pinalipas na nga ng Dios; datapuwa't ngayo'y ipinag-uutos niya sa mga tao na mangagsisi silang lahat sa lahat ng dako” (Gawa 17:30)
• “Na siyang inilagay ng Dios na maging pangpalubagloob, sa pamamagitan ng pananampalataya, sa kaniyang dugo, upang maipakilala ang kaniyang katuwiran dahil sa hindi pagpansin sa mga kasalanan na nagawa nang nagdaang panahon sa pagpapahinuhod ng Dios” (Roma 3:25).
Bago dumating si Hesu Kristo, ipinahiwatig na ng Diyos noon pa man ang Kanyang kamatayan sa pamamagitan ng sistema ng paghahandog at sa pagkukundisyon sa Kanyang bayan upang kanilang maunawaan na kamatayan ang kabayaran ng kasalanan. Ibinigay ang Kautusan upang magsilbing guro na magtutulak sa tao sa pangunawa na sila ay makasalanan at nangangailangan ng biyaya ng Diyos (Galacia 3:24). Ngunit hindi pinawalang bisa ng Kautusan ang tipan ng Diyos kay Abraham, na base sa pananampalataya; sa halip ang tipang ito ng Diyos kay Abraham ang naging modelo sa kaligtasan (Roma 4). Gaya ng sinabi ni Ryrie sa itaas, ang detalyadong nilalaman ng ating pananampalataya — ang dami ng kapahayagang ibinigay — ay pinaunlad sa pagdaan ng panahon upang ang mga tao sa kasalukuyan ay magkaroon ng direktang pangunawa sa inaasahan sa kanila ng Diyos.
Progresibong kapahayagan – Mga konklusyon
Sa pagtukoy sa progresibong kapahayagan ng Diyos, isinulat ni John Calvin, “Ginawa ng Diyos ang isang maayos na plano sa pagsasakatuparan ng kanyang tipan ng biyaya: gaya ng kung paanong ang maningning na sikat ng araw ng kapahayagan ay dumarating sa pagdaan ng panahon, lalo Niyang pinaningning ang liwanag nito sa bawat araw. Gaya ng sa simula, ng Kanyang ibigay ang unang pangako ng kaligtasan kay Adan (Gen. 3:15) kumislap ito gaya ng isang malamlam na liwanag. Pagkatapos, habang dinadagdagan ang liwanag nito, nangningning ang liwanag at ito ay kumalat. Sa huli, ng mapawi ang lahat ng ulap — si Kristo ang Anak ng Katuwiran, ay buong ningning na niliwanagan ang buong sanlibutan” (Institutes, 2.10.20).
Ang progresibong kapahayagan ay hindi nangangahulugan na walang pangunawa ang mga tao sa Lumang Tipan tungkol sa kapahayagan ng Diyos. Sinabi ni Calvin na ang mga nabuhay bago si Kristo “ay hindi walang pangangaral na naglalaman tungkol sa pag-asa ng kaligtasan at buhay na walang hanggan, ngunit…nasulyapan lamang nila iyon buhat sa malayo at tulad sa isang malabong anino lamang ng mga bagay na ngayon ay nakikita natin ng buong liwanag gaya ng sa tanghaling tapat” (Institutes, 2.7.16; 2.9.1; komentaryo sa Galacia 3:23).
Ang katotohanan na walang naliligtas ng hiwalay sa kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ni Kristo ay maliwanag na ipinahayag sa Kasulatan (Juan 14:6). Ang basehan ng kaligtasan ay lagi at mananatiling sa pamamagitan lamang ng paghahandog ni Hesus sa krus at laging ang kasangkapan sa kaligtasan ay ang pananampalataya sa Diyos. Gayunman ang nilalaman ng pananampalataya ng tao ay nakadepende sa dami ng kapahayagan na may kasiyahang ipinagkaloob ng Diyos sa tao sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan.
Ano ang progresibong kapahayagan ng Diyos (progressive revelation) at ano ang relasyon nito sa kaligtasan?