Tanong
Mayroon bang mga hula o propesiya sa Huling Panahon na natupad na?
Sagot
Ang Pahayag 4:1 ay isang bahagi ng Kasulatan kung saan idinetalye "ang darating na mga pangyayari." Ang mga sumunod na talata ay mga hula o propesiya tungkol sa mga magaganap sa "Huling Panahon." Hindi pa nagaganap ang Dakilang Kapighatian o ang sobrang kahirapang hindi pa nararanasan ng sanlibutan, ang kapahayagan ng antikristo at ang iba pang mga pangayayari sa Huling Panahon. Ang nagaganap ngayon ay ang paghahanda para sa mga pangyayaring iyon.
Sinabi ni Hesus na ang mga huling araw ay kakikitaan ng mga sumusunod na kaganapan: Maraming bulaang kristo ang darating, at madadaya nila ang marami; makakabalita tayo ng mga digmaan at makakarinig ng alingawngaw ng digmaan; at lalaganap ang "tag-gutom, sakuna, at magkakalindol sa iba't ibang dako. Ang lahat ng ito ay pasimula pa lamang ng kapighatian" (Mateo 24:5-8). Sa kasalukuyan, laman ng mga balita ang mga huwad na relihiyon, digmaan at mga kalamidad. Alam natin na kasama sa mga mangyayari sa panahon ng kapighatian ang lahat ng mga sinabi ng Panginoong Hesu Kristo (Pahayag 6:1-8); at ang mga nangyayari ngayon ay pasimula pa lamang ng mas matinding kahirapan sa hinaharap.
Nagbabala si Apostol Pablo na darami ang bilang ng mga maling aral sa mga huling araw. "Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu: sa Huling Panahon, iiwan ng ilan ang pananampalataya. Susundin nila ang magdarayang espiritu at ang mga aral ng diyablo" (1 Timoteo 4:1). Ang mga huling araw ay inilarawan bilang "mapanganib na mga panahon" dahil lalala ang kasamaan ng tao at aktibong "lalaban ang mga tao sa katotohanan" (2 Timoteo 3:1-9; tingnan din ang 2 Tesalonica 2:3). Inilista ni Pablo ang magiging paguugali ng mga tao habang paparating ang wakas ng panahon - "Ang mga tao'y magiging makasarili, gahaman sa salapi, palalo, mayabang, mapang-alipusta, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos. Bukod dito, magiging malupit sila, walang habag, mapanirang-puri, mapusok, marahas, at mamumuhi sa mabuti. Hindi lamang iyan, sila'y magiging taksil, walang taros, palalo, at mahilig sa kalayawan sa halip na sa mga bagay na ukol sa Diyos" (2 Timoteo 3:1-2). Ang paguugaling ito ng mga tao ay makikita sa ating modernong panahon.
May pagdududa ba kung totoong naganap na ang hula tungkol sa pagtalikod ng mga tao sa Diyos? Ang mga tao sa panahong ito ay yumayakap sa ‘moral relativism,’ isang pilosopiya na nakapasok na maging sa Iglesya. Halimbawa, maraming denominasyon ngayon ang nahihirapang tanggapin na ang pagaasawa ay sa pagitan lamang ng isang lalaki at babae. Maraming lider ng relihiyon ngayon ang bukas na sa pagaasawa sa pagitan ng mga taong pareho ang kasarian. Ang katuruan ng Bibliya ay mas mababang di hamak kaysa sa mga ‘katanggap tanggap na katotohanan’ na itinuturo ng mga Iglesya. Tunay na ang panahong ito ay "mapanganib na panahon" sa aspetong espiritwal.
Ang pagkabuo ng European Union at ang katotohanan na nagkaisang muli ang bansang Alemanya - ay nakakatawag pansin sa liwanag ng mga hula sa Bibliya. Ang "mga paang yari sa pinaghalong bakal at luwad" sa Daniel 2:42 at ang "halimaw na may sampung sungay" sa Daniel 7:20 at Pahayag 13;1 ay tumutukoy sa pinalakas na imperyo ng Roma na hahawak sa kapangyarihan ng mundo bago dumating si Kristo. Bagama't ang istrukturang pampulitika ng Roma ay hindi pa nabubuo, makikitang ang bawat bahagi ng katuparan ng hula ay unti-unti ng nagaganap.
Noong 1948, muling kinilala ang bansang Israel bilang isang malayang estado, at maging ito man ay may malaking kahalagahan para sa isang magaaral ng Bibliya. Ipinangako ng Diyos kay Abraham na ang kanyang lahi ang aangkin sa lupain ng Canaan bilang kanilang "walang hanggang pagaari" (Genesis 17:8), at inhula ni Ezekiel ang pisikal at espiritwal na pagpapanumbalik ng bansang Israel (Ezekiel 37). Ang pagbabalik ng mga Israelita sa kanilang sariling lupain ay napakahalaga sa katuparan ng mga hula dahil may malaking papel na ginagampanan ang bansang Israel sa mga Huling Panahon (Daniel 10:14; 11:41; Pahayag 11:8).
Habang walang direktang katibayan sa Bibliya na ang mga nabanggit sa itaas ay mga katuparan ng mga partikular na hula sa Huling Panahon, makikita naman natin kung paanong ang mga pangyayaring ito ay katulad sa mga pangyayaring inilarawan sa Bibliya. Nararapat tayong magbantay sa mga tandang ito sa Huling Panahon dahil sinabi sa atin ni Hesus na ang Kanyang muling pagparito, ang Araw ng Panginoon, ay tulad sa pagdating ng isang magnanakaw sa gabi (2 Pedro 3:10), hindi ipinaalam sa atin ang eksaktong oras at hindi inaasahan. "Kaya't maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng lakas upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao" (Lukas 21:36).
English
Mayroon bang mga hula o propesiya sa Huling Panahon na natupad na?