settings icon
share icon
Tanong

Ano ba ang mangyayari sa mga katapusan ng panahon ayon sa Bibliya?

Sagot


Maraming sinasabi ang Bibliya tungkol sa katapusan ng panahon. Halos lahat ng mga aklat sa Bibliya ay naglalaman ng mga hula tungkol sa katapusan ng panahon. Ang pang-unawa at pagkakasunod sunod ng mga magaganap sa katapusan ng panahon ay hindi madaling gawin ngunit posible. Ang mga sumusunod ay isang pagbubuod kung ano mangyayari sa katapusan ng panahon ayon sa Bibliya.

Una, ang lahat ng mga nabubuhay na mananampalataya sa lahat ng dako ng mundo ay kukunin ni Kristo sa pamamagitan ng tinatawag na pagdagit sa iglesia o ‘rapture of the Church’ (1 Tesalonica 4:13-18; 1 Corinto 15:51). Sila ay sasalubungin sa alapaap ng Panginoong Hesu Kristo kasama ang lahat ng mga namatay na mananampalataya. Ang mga mananampalatayang ito ay hindi na makakaranas ng pisikal na kamatayan at sila'y gagantimpalaan ayon sa kanilang mga ginawa sa lupa para sa Panginoon sa harapan ng Trono ni Kristo. Maaaring ang iba ay walang gantimpala dahil sa kanilang hindi pagsunod o pagkukulang sa paglilingkod sa Diyos subalit hindi mawawala ang kanilang kaligtasan (1 Corinto 3:11-15; 2 Corinto 5:10).

Pagkatapos nito, ang antikristo ay mamumuno at pagiisahin ang buong mundo at lalagda ng kasunduang pangkapayapaan sa Israel sa loob ng pitong taon (Daniel 9:27). Ang pitong taong ito ay kilala sa tawag na pitong taon ng paghihirap o ‘7 years of Tribulation.’ Sa panahong ito, may mangyayaring matitinding digmaan, taggutom, mga salot, at mga kalamidad. Ibubuhos ng Diyos ang kanyang poot sa makasalanan at sa mga taong hindi sumasampaltaya. Ang ‘tribulation’ ay inilalarawan ng apat na mangangabayo sa aklat ng Pahayag at ng pitong selyo, trumpeta at mangkok ng poot ng Diyos.

Sa kalagitnaan ng pitong taon, puputulin ng antikristo ang kasunduang pangkapayapaan nito sa Israel at didigmain ito. Magsasagawa ang antikristo ng kalapastanganan sa Diyos at magtatayo siya ng imahe ng kanyang sarili upang ito ang sambahin sa templo (Daniel 9:27; 2 Tesalonica 2:3-10). Ang ikalawang bahagi ng ‘tribulation’ ay kilala sa tawag na ‘the great tribulation’ o walang kapantay na paghihirap at tinatawag ding ‘ang pagtatapos ng pagdadalamhati ni Jacob.’

Sa dulo ng pitong taon ng paghihirap o ‘tribulation,’ sasalakayin ng antikristo ang Jerusalem, at magsisimula ang pinakamatinding labanan na tinatawag na Armageddon. At pagkatapos noon ay babalik na si Kristo, lulupigin ang antikristo at ang kanyang mga kampon (Pahayag 19:11-21). Pagkatapos nito'y tatalian ni Kristo si satanas at ibibilanggo sa walang hanggang kalaliman sa loob ng isanlibong taon at maghahari si Kristo sa mundo sa loob ng isanlibong taon (Pahayag 20:1-6).

Sa katapusan ng isanlibong taon, pakakawalan si satanas at muling magagapi at pagkatapos ay itatapon sa lawang apoy na siyang kanyang huling hantungan (Pahayag 20:7-10). Pagkatapos ay hahatulan ni Kristo ang lahat ng mga namatay na hindi mananampalataya na nabuhay mula noong panahon ni Adan hanggang sa pagtatapos ng isanlibong taon (Pahayag 20:10-15) sa harap ng dakilang puting trono at itatapon silang lahat sa lawang apoy upang parusahan doon ng walang hanggan. Pagkatapos, babaguhin ni Hesus ang lahat ng mga bagay at gagawa Siya ng bagong langit at bagong lupa na siyang magiging walang hanggang tahanan ng lahat ng mga mananampalataya. Doo'y wala nang kasalanan, hapis, luha, kahirapan, sakit o kamatayan man (Pahayag Kabanata 21-22).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ba ang mangyayari sa mga katapusan ng panahon ayon sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries