Tanong
Ang pulang baka ba ay isang tanda sa pagtatapos ng mga panahon?
Sagot
Para maabot ang mga hinihingi ng kautusan sa Lumang Tipan, kinakailangan ang isang pulang baka para sa paglilinis ng mga kasalanan—partikular ang abo ng isang pulang baka. Ang pulang baka ay isang baka na may kulay ng kumbinasyong pula at kayumanggi na may dalawang taong gulang. Dapat na ito ay “walang depekto o kapintasan” at hindi pa nagagamit o nasisingkawan. Ang paghahandog ng isang pulang baka ay natatangi sa kautusan dahil gumagamit ito ng isang babaeng baka at inihahandog ito sa pintuan ng tabernakulo at ito lamang ang tanging handog na binanggit ang kulay.
Ang pagpatay ng isang pulang baka ay inilarawan sa aklat ng mga Bilang 19:1–10. Ang saserdoteng si Eleazar ang namamahala sa ritwal sa labas ng kampo ng mga Israelita. Pagkatapos na patayin ang hayop, iwiniwisik ni Eleazar ang dugo nito sa harapan ng tabernakulo ng pitong beses (Bilang 19:4). Pagkatapos aalis siya sa kampo at pamamahalaan ang pagsusunog sa bangkay ng pulang baka (Bilang 19:5). Habang sinusunog ang pulang baka, maguutos ang saserdote na maglagay sa apoy ng “panggatong na sedro, isopo at pulang lana” (Bilang 19:6).
Ang mga abo ng pulang baka ay iipunin at ilalagay “sa nilinis na lugar ayon sa seremonya sa labas ng kampo.” Ang mga abo ay inihahalo sa “tubig ng paglilinis” at ito ay para sa “paglilinis sa kasalanan” (Bilang 19:9). Nagpatuloy ang kautusan para idetalye kung kailan at kung paano ginagamit ang mga abo ng pulang baka para sa mga taong nakahawak o napadikit sa katawan ng isang patay na tao o hayop. “Sinumang makahawak sa patay ay ituturing na marumi sa loob ng pitong araw. Upang maging malinis muli, kailangang linisin niya ang kanyang sarili sa ikatlo at ikapitong araw sa pamamagitan ng tubig na inilaan para dito. Kapag hindi niya ginawa ito, hindi siya magiging malinis” (Bilang 19:11–12). Ang proseso ng paglilinis ay kinapapalooban ng abo ng pulang baka sa ganitong paraan: “Ang mga itinuturing na marumi dahil sa paghawak sa patay, kalansay o libingan ay kukuha ng abo na galing sa sinunog na handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Ilalagay ito sa isang palangganang may sariwang tubig. Pagkatapos, ang isa sa mga itinuturing na malinis ay kukuha ng sanga ng hisopo, ilulubog ito sa tubig at wiwisikan nito ang tolda, ang mga kagamitan dito, at ang lahat ng taong nakahawak ng patay, kalansay o libingan” (Bilang 19:17–18).
Ang imahe ng pulang baka ay isa pang anino ng paghahandog ni Cristo para sa kasalanan ng mga mananampalataya. Si Jesus ay “walang kapintasan,” gaya ng katangian ng pulang baka. Kung ang pulang baka ay inihahandog sa “labas ng kampo” (Bilang 19:3), Si Jesus naman ay inihandog sa labas ng Jerusalem (Hebreo 13:11–12). At kung paanong ang mga abo ng pulang baka ay naglilinis sa mga tao mula sa kontaminasyon ng kamatayan, gayundin naman ang paghahandog ni Cristo ay naglilinis sa atin mula sa kaparusahan at kabulukan ng kamatayan.
Ang ritwal ng paghahandog ng pulang baka ay itinatag sa Kautusan ni Moises; at mula ng panahong iyon, nagdagdag ang Judaismo ng maraming pamantayan sa orihinal na pamantayan na malinaw na hinihingi ng Diyos sa halip na mga simpleng instruksyon. Sinasabi sa tradisyong Talmud ang uri ng tali na pantali sa pulang baka, maging ang direksyon kung saan ito nakaharap kung papatayin, ang mga salitang sinasabi ng saserdote, ang pagsusuot ng sandalyas habang isinasagawa ang ritwal, atbp. Inilista sa mga batas ng mga Rabbi ang maraming bagay na nagpapawalang halaga sa pulang baka para maging isang handog: kung siya ay nasakyan na o nasingkawan na, kung may may damit na nailagay sa likod niya, kung may ibon ng dumapo sa kanya, at kung mayroon siyang dalawang itim o puting buhok at iba pang maraming kundisyon.
Ayon sa tradisyon ng mga Rabbi, may siyam na pulang baka na ang naihandog mula noong panahon ni Moises. Mula ng mawasak ang ikalawang templo, wala ng pulang baka ang pinatay. Itinuro ni Rabbi Maimonides (1135—1204) na ang ikasampung pulang baka ay ihahandog ng mismong Mesiyas. Ang mga naghihintay sa pagtatayo ng ikatlong templo ay matiyagang naghihintay sa isang pulang baka na papasa sa lahat ng kundisyon dahil ang pulang baka ay kinakailangan para pabanalin ang bagong templo. Itinuturing ng marami na ang paglabas ng isang pulang baka ang magbabadya sa pagtatayo ng ikatlong templo, isang pulang baka na walang kapintasan na ipinanganak sa Israel noong Agosto 2018.
Ayon sa pagkakasunod-sunod ng mangyayari sa hinaharap, tunay na magkakaroon ng ikalawang templo ng Diyos sa Jerusalem. Inihula ni Jesus ang paglapastangan sa Templo sa panahon ng kapighatian (Mateo 24:15; tingnan din ang 2 Tesalonica 2:4); para ito mangyari, dapat magkaroon ng isang templo para lapastanganin. Ipagpalagay na na ang mga magtatalaga sa templo sa pagtatapos ng mga panahon ay susunod sa kautusan ng mga Judio, kailangan nila ang mga abo ng isang pulang baka na inihalo sa tubig para sa seremonya ng paglilinis. Kung totoong ipinanganak na nga ang isang walang kapintasang pulang baka, maaari itong ituring na isang piyesa ng palaisipan para sa kaganapan ng mga hula sa Bibliya.
English
Ang pulang baka ba ay isang tanda sa pagtatapos ng mga panahon?