settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kahalagahan ng pulong panalangin?

Sagot


Mula pa sa umpisa ng Iglesya, nagtitipon na ang mga Kristiyano upang manalangin (Gawa 4:24; 12:5; 21:5). Mahalaga ang pulong panalangin para sa Iglesya sa pangkalahatan at para sa mga indibidwal na nakikibahagi.

Ang panalangin ay para lamang sa mga naniniwala na ang Diyos ay personal at nagnanais ng personal na relasyon sa Kanya. Alam ng mga Kristiyano na mabisa ang panalangin dahil nakilala nila ang Diyos na nagsabi, “Lumapit ka sa Akin at Ako’y makikinig.” kinumpirma ito ni Apostol Juan: “At ito ang nasa ating pagkakatiwala sa Kaniya, na kung tayo’y humingi ng anomang bagay na ayon sa Kaniyang kalooban, ay dinidinig tayo Niya. At kung ating nalalaman na tayo’y dinidinig Niya sa anomang ating hingin, ay nalalaman natin na nasa atin ang mga kahilingang ating hinihingi” (1 Juan 5:14-15).

Sa pamamagitan ng ating pananalangin, lalo na para sa bawat isa, ipinapakita natin at pinatutunayan ang ating pananampalataya kay Hesus. Isang manunulat at manggagawang Kristiyano na nagngangalang Andew Murray ang nagsabi, “Ang panalangin ay pangunahing nakadepende, halos sa kabuuan, sa kung Sino ang ating dinadalanginan.” Sa pamamagitan ng disiplina ng pananalangin sa bawat isa, nahuhubog ang ating pagkakilala sa isa’t isa at sa ating relasyon sa Diyos at lumilikha ng espiritwal na pakikipagkaisa sa bawat isang Kristiyano. Ito ang isa sa pinakamahalagang aspeto ng pananalangin para sa bawat isa.

Ang isa pang mahalagang pakinabang sa mga pulong panalangin ay ang pagtatapat ng kasalanan sa isa’t isa. Nagbibigay ang mga pulong panalangin ng pagkakataon na sundin ang utos na “ipagtapat ang kasalanan sa bawat isa at manalangin para sa isa’t isa upang kayo’y magsigaling” (Santiago 5:16). Sa talatang ito, hindi ang pisikal na paggaling ang tinutukoy ni Santiago kundi ang espiritwal na kagalingan (Hebreo 12:12-13). Tinutukoy din niya ang kapatawaran ng Diyos na nagbibigay sa mga mananampalataya ng kakayahan na maging buong muli sa espiritwal. Alam ni Santiago na ang isang Kristiyano na nahiwalay sa Iglesya ay mas malapit sa panganib ng mas maraming pagkakasala. Nais ng Diyos para sa Kanyang mga anak na magpalakasan ng loob ng isa’t isa at tulungan ang bawat isa sa isang mapagmahal na pagsasama-sama, katapatan at pagpapahayag ng kasalanan habang nananalangin tayo para sa bawat isa. Ang ganitong malapit na relasyon ang tumutulong sa atin upang magkaroon ng espiritwal na kalakasan upang maranasan ang pagtatagumpay laban sa kasalanan.

Ang isa pang malaking kahalagahan ng mga pulong panalangin ay ang pagpapalakas ng loob ng bawat isa upang magtiis at magpatuloy. Humaharap tayong lahat sa mga pagsubok, ngunit sa pamamagitan ng pagbabahaginan at pananalanging magkakasama, lagi nating natutulungan ang iba na huwag panghinaan ng loob sa kanilang pamumuhay Kristiyano. Ang halaga ng pulong panalangin ay nakasalalay sa kapangyarihan nito na pagkaisahin ang puso ng mga Kristiyano. Ang pananalangin sa Diyos para sa ating mga kapatid sa pananampalataya ay naguugnay sa atin sa bawat isa sa isang espiritwal na paraan. Habang nagtutulungan tayo sa “pagdadala ng maga pasanin,” “tinutupad natin ang utos ni Kristo” (Galatia 6:2). Kung saan may panalangin, naroon ang pagkakaisa, na siyang masigasig na ipinanalangin ng Panginoong Hesus para sa Kanyang mga alagad (Juan 17:23).

Higit sa lahat, ang pulong panalangin ay para sa pagbabago. Sa ating pananalangin para sa bawat isa, maaaring masaksihan ng mga mananampalataya ang gagawing himala at pagbabago ng puso ng tao.

Ang pulong panalangin ay isang panahon ng kahalagahan habang nagnanais ang mga mananampalataya ng mas malalim na relasyon at tahimik na pakikipagkaisa sa Diyos sa Kanyang trono. Ito ay isang panahon ng pakikipagkaisa sa mga kapwa mananampalataya sa presensya ng Panginoon. Ito ay panahon ng pagmamalasakit para sa mga kapatid habang nagbabahaginan tayo ng ating mga kabigatan. Ito ay isang panahon kung kailan ipinapakita ng Diyos ang Kanyang hindi nagmamaliw na pag-ibig at ang kanyang pagnanais na makipagrelasyon sa mga umiibig sa Kanya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kahalagahan ng pulong panalangin?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries