Tanong
Bakit inilagay ng Diyos ang punongkahoy ng pagkaalam ng mabuti at masama sa Hardin ng Eden?
Sagot
Inilagay ng Diyos ang punongkahoy ng pagkaalam ng mabuti at masama sa Hardin ng Eden upang bigyan sina Adan at Eva ng kalayaang magpasya kung susunod sila o susuway sa Kanya. Binigyan sina Adan at Eva ng permiso na gawin ang kanilang gusto, maliban sa kumain ng bunga ng punongkahoy ng pagkaalam ng mabuti at masama. "Sinabi niya sa tao, "Makakain mo ang alinmang bungangkahoy sa halamanan, maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Huwag na huwag mong kakainin ang bungang iyon, sapagkat sa araw na kainin mo iyon ay mamamatay ka" (Genesis 2:16-17). Kung hindi binigyan ng Diyos sina Adan at Eva ng kakayahang pumili, sila ay magiging parang robot na ang ginagawa ay sumunod lamang sa programang ipinagagawa sa kanila ng gumawa sa kanila. Nilikha ng Diyos sina Adan at Eva na mga "malayang" nilalang, may kakayahang gumawa ng sariling pagpapasya at may kakayahang mamili sa pagitan ng mabuti o masama. Upang tunay na maging malaya sina Adan at Eva, kailangang bigyan sila ng kakayahang pumili.
Wala naman talagang masama sa punongkahoy o sa bunga ng punongkahoy mismo. Maaaring hindi ang pagkain ng bunga ang magbibigay kay Adan at Eva ng karagdagang kaalaman. Ang pagsuway sa utos ng Diyos ang nagbukas ng kanilang mga mata sa kasalanan. Ang kanilang pagsuway sa Diyos ang nagdala ng kasalanan at kasamaan sa kanilang sarili at sa ating mundo. Ang pagkain ng bunga, na siyang gawang masama laban sa Diyos, ang nagbigay kina Adan at Eva ng kaalaman kung ano ang kasalanan (Genesis 3: 6-7).
Hindi itinulak ng Diyos sina Adan at Eva sa pagkakasala. Alam na ng Diyos noong una pa man ang kahahantungan ng kasalanan. Alam ng Diyos na magkakasala sina Adan at Eva at sa gayong paraan ang lahat ay nagkasala. Ito rin ang nagdulot ng kamatayan sa lahat ng tao sa mundo. Bakit kaya hinayaan din ng Diyos na tuksuhin ni Satanas sina Adan at Eba? Pinahintulutan ng Diyos si Satanas na tuksuhin sina Adan at Eba upang magkaroon sila ng pamimilian. Pumili sina Adan at Eba, ayon sa kanilang sariling kalayaan, at sila'y sumuway sa Diyos at kumain ng ipinagbabawal na bunga. Ang resulta, mula noon ay nagkaroon na ng kasamaan, kasalanan, karamdaman, at kamatayan na siyang naging mga salot sa mundo. Ang desisyon, gaya ng ginawa nina Adan at Eba ay ginagawa rin ng mga taong ipinanganak na may likas na kasalanan sapagkat sila ay may natural na pagkahilig sa kasalanan. Ang kasalanan nina Adan at Eba ang dahilan kung bakit kinailangang mamatay si Jesu Kristo sa krus at ialay ang Kanyang buhay para sa atin. Sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo, maaari tayong maging malaya mula sa kabayaran ng kasalanan at maging malaya mula sa kasalanan. Nawa ay mamutawi rin sa ating mga labi ang mga sinabi ni Apostol Pablo sa Roma 7:24-25, "Anong saklap ng aking kalagayan! Sino kaya ang magliligtas sa akin sa kalagayang ito na nagpapahamak sa akin? Wala nang iba pa kundi ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon! Salamat sa kanya!"
English
Bakit inilagay ng Diyos ang punongkahoy ng pagkaalam ng mabuti at masama sa Hardin ng Eden?