Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa purgatoryo?
Sagot
Ayon sa diksyunaro ng Katoliko Romano, ang purgatoryo ay "isang lugar o kundisyon ng pansamantalang pagpaparusa para sa mga namatay na hindi lubusang nakalaya sa mga kasalanang venial o hindi nakabayad ng buo ng kanilang mga kasalanan." Sa ibang salita, sa teolohiya ng Simbahang Katoliko, ang purgatoryo ay ang lugar para sa mga kaluluwa ng mga namatay na Kristiyano kung saan lilinisin sila sa kanilang mga kasalanan na hindi nila napagdusahan dito sa lupa. Ang doktrinang ito ba ng purgatoryo ay naaayon sa Bibliya? Ang sagot ay malaking hindi.
Namatay si Hesus upang pagdusahan ang kabayaran ng ating mga kasalanan (Roma 5:8). Idineklara sa Isaias 53:5, "ngunit siya'y nasugatan dahil sa ating mga kasalanan; Siya'y binugbog dahil sa ating pagsuway; ang kaparusahan na nagdala sa atin ng kapayapaan ay nasa Kanya; dahil sa Kanyang mga sugat ay nagsigaling tayo." Nagdusa si Hesus upang tubusin ang ating mga kasalanan. Ang isipin na kailangan nating bayaran ang ating kasalanan ay pagturing na hindi sapat ang pagdurusa ni Hesus. Ang sabihin na kailangan nating pagbayaran ang ating mga kasalanan sa purgatoryo ay pagtanggi sa kasapatan ng handog ni Kristo (1 Juan 2:2). Ang ideya na kailangan nating magdusa para sa ating mga kasalanan pagkatapos ng ating kamatayan ay salungat sa lahat ng itinuturo ng Bibliya tungkol sa kaligtasan.
. Ang mga pangunahing talata sa Bibliya na ginagamit ng mga Katoliko para sa ebidensya ng purgatoryo ay ang 1 Corinto 3:15 kung saan sinasabi, "at kung masunog, mawawala ang kanyang gantimpala; maliligtas pa rin siya, lamang ay parang nagdaan sa apoy." Ang talatang ito ay isang ilustrasyon upang ilarawan ang paghuhukom ng Diyos sa mga gawa ng mga Kristiyano. Kung ang ating mga ginawa ay maganda ang kalidad gaya ng "ginto, tanso at mamahaling bato," dadaan sila ng apoy at hindi maaano at gagantimpalaan tayo ng Diyos para sa mga gawang iyon. Kung ang ating gawa ay mahina ang kalidad gaya ng "kahoy, dayami, at pinaggapasan" masusunog sila at mawawala ang gantimpala. Hindi sinasabi sa talata na ang mga mananampalataya ay dadaan sa apoy kundi ang ating mga gawa. Ang 1 Corinto 3:15 ay tungkol sa "pagtakas sa apoy" hindi "paglilinis sa apoy."
Ang purgatoryo, gaya ng ibang mga dogma ng simbahang Katoliko ay base sa maling pang-unawa sa kalikasan ng sakripisyo ni Kristo. Pinaniniwalaan ng mga Katoliko Romano na ang misa o eukaristiya ay representasyon ng paghahandog ni Kristo dahil nabigo silang maunawaan na ang sakripisyo ni Kristo ay minsan para sa lahat at kumpleto at perpektong sapat na pambayad sa kasalanan ng tao (Hebreo 7:27). Naniniwala ang simbahang Katoliko na may kontribusyon sila sa kanilang katubusan. Nabigo silang maunawaan na wala silang maidadagdag sa paghahandog ni Kristo para bayaran ang kasalanan (Efeso 2:8-9). Gayundin, inaakala ng mga Katoliko na ang purgatoryo ay lugar ng paglilinis bilang preparasyon sa langit dahil hindi nila kinikilala na sa pamamagitan ng minsang paghahandog ni Kristo, tayo ay Kanyang nilinis, pinaging matuwid, pinatawad, tinubos, ipinakipagkasundo sa Diyos, at pinaging banal.
Ang mismong ideya ng purgatoryo at ang mga doktrinang kaugnay nito gaya ng pananalangin sa patay, indulihensya, paggawa ng mabuti para sa mga namatay at iba pa, ay bunga ng kabiguang kilalanin ang kasapatan ng kamatayan ni Kristo upang bayaran ang parusa para sa lahat ng ating mga kasalanan. Si Hesus na Diyos na nagkatawang tao (Juan 1:1, 14), ang nagbayad ng walang hanggang halaga para sa ating mga kasalanan. Namatay si Hesus para sa ating mga kasalanan (1 Corinto 15:3). Si Hesus ang pampalubag loob sa ating mga kasalanan (1 Juan 2:2). Ang limitahan ang bisa ng sakripisyo ni Hesus para lamang sa orihinal na kasalanan o sa mga kasalanang nagawa bago ang kaligtasan ay pagatake sa Persona at Gawain ni Hesu Kristo. Kung sa anumang paraan ay dapat tayong magbayad, magpalubag loob, o magdusa para sa ating mga kasalanan - nangangahulugan iyon na ang kamatayan ni Hesu kristo ay kulang, hindi kumpleto at hindi sapat para sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan.
Para sa mga mananampalataya, ang mamatay ay "ang umalis sa katawang ito at tumahan kasama ng Panginoon." (2 Corinto 5:6-8; Filipos 1:23). Pansinin na hindi sinabi na "ang umalis sa katawang ito ay mapunta sa purgatoryo sa apoy ng paglilinis." Hindi totoo ang purgatoryo. Dahil sa perpekto, sapat at kumpetong handog ni Kristo, sa isang iglap, pagkatapos ng ating kamatayan, pupunta tayo sa presensya ng Panginoon sa langit na lubusang nilinis, pinalaya sa kasalanan, niluwalhati, at pinaging banal.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa purgatoryo?