settings icon
share icon
Tanong

Papaano ba ako mapupuspos ng Banal na Espiritu?

Sagot


Ang talata sa Bibliya na tumatalakay sa kapuspusan ng Banal na Espiritu sa panahong ito ay ang Juan 14:6, kung saan ipinangako ni Hesus na mananahan sa mga mananampalataya ang Banal na Espiritu at ang pananahan na iyon ay permanente. Mahalaga na malaman natin ang kaibahan ng pananahan at pagpuspos ng Espiritu. Ang permanenteng pananahan ng Espiritu ay hindi lamang para sa ilang mga piniling mananampalataya, kundi para sa lahat ng mga totoong mananampalataya. Maraming mga katibayan sa Bibliya na sumusuporta sa katotohanang ito. Una, ang Banal na Espiritu ay isang kaloob na ibinibigay sa lahat ng mga sumasampalataya kay Kristo ng walang itinatangi at walang kundisyon maliban sa pananampalataya kay Kristo (Juan 7:37-39). Pangalawa, ang Banal na Espiritu ay ibinibigay sa sandali ng karanasan ng kaligtasan. Ipinakikita ng Efeso 1:13 na ang Banal na Espiritu ay ibinibigay sa sandaling nakaranas ng kaligtasan ang isang tao. Sinasabi rin ng aklat ng Galacia 3:2 ang katotohanan na ang pagtatatak at ang pananahan ng Espiritu ay nangyayari sa oras ng pananampalataya. Pangatlo, ang Banal na Espiritu ay permanenteng nananahan sa mananampalataya. Ang Banal na Espiritu ay binigay sa mga mananampalataya bilang paunang bayad, o katibayan ng magaganap na pagluwalhati ng kanilang katawan (2 Corinto 1:22; Efeso 4:30).

Ang kundisyon sa kapuspusan ng Espiritu ay matatagpuan sa aklat ng Efeso 5:18. Dapat tayong lubos na magpasailalim sa Banal na Espiritu upang tayo ay Kanyang puspusin. Sinasabi ng Roma 8:9 at Efeso 1:13-14 na Siya ay nananahan sa lahat ng mga mananampalataya, subalit maaari siyang malungkot (Efeso 4: 30), ang Kanyang gawain sa atin ay maaaring tumigil (1 Tesalonica 5:19). Kung ating pahihintulutan na mangyari ito hindi natin mararanasan ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu sa ating mga buhay. Upang mapuspos tayo ng Espiritu, kinakailangan na okupahin Niya ang lahat na bahagi ng ating mga buhay, gabayan at kontrolin tayo. Ang pagpuspos ng Banal na Espiritu ay hindi lamang ito sa panlabas nating gawa; naaayon rin ito sa kaibuturan ng ating mga iniisip at motibo ng ating mga puso. Sinasabi ng Awit 19:14, “Nawa'y itong salita ko at ang aking kaisipan, sa Iyo ay makalugod, Panginoon ko at kanlungan, O Ikaw na kublihan kong ang dulot ay kaligtasan.”

Ang kasalanan ang dahilan kaya hindi tayo napupuspos ng Banal na Espiritu, at ang tapat na pagsunod sa Diyos ang paraan upang mapuspos sa Espiritu. Kahit nais nating mapuspos ng Banal na Espiritu kagaya ng sinasabi ng Efeso 5:18, ang pananalangin na mapuspos ng Banal na Espiritu ay hindi sapat. Ang tapat na pagsunod sa mga utos ng Diyos ang siyang nagbibigay ng daan sa Espiritu na gumawa sa ating mga buhay. Sapagkat tayo ay makasalanan, imposible para sa atin na mapuspos ng Banal na Espiritu sa lahat ng oras. Dapat nating harapin ang ating mga kasalanan, pagsisihan at talikuran ang mga iyon araw-araw at isabuhay ang Salita ng Diyos sa tuwina upang tayo ay mapuspos at pangunahan ng Banal na Espiritu.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Papaano ba ako mapupuspos ng Banal na Espiritu?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries