settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa puting mahika?

Sagot


Ang puting mahika ay inilalarawan bilang isang “mabuting” mahika na kasalungat ng itim na mahika na kumukuha ng kapangyarihan mula sa masasamang espiritu. Iba-iba ang opinyon tungkol sa mga pagkakaiba sa pagitan ng itim at puting mahika, mula sa ideya na sila ay dalawang pangalan para sa iisang bagay, hanggang sa paniniwala na sila ay ganap na magkaiba, lalo’t higit sa naisin at layunin. Walang binanggit na pagkakaiba ang Bibliya sa pagitan ng “mabuti” at “masamang” mahika. Ang mahika ay mahika sa opinyon ng Bibliya. Hindi pinagbukod ng Bibliya ang isang mahika na ipinagpapalagay na ginagamit sa kabutihan o isang mahika na ginagamit sa kasamaan. Ang lahat ng ito ay ipinagbabawal dahil ito ay umaapela sa isang pinanggagalingan ng kapangyarihan maliban sa Diyos.

Ang mga nagsasanay ng puting mahika ay kilala din sa tawag na Wicca, mga taong sumasamba sa mga nilikha sa halip na sa Manlilikha. Habang maaaring hindi sila direktang tumatawag sa diyablo o sa masasamang espiritu, lagi silang umaapela sa “inang kalikasan,” mga anghel at/o mga elemento. Ang sentrong tema ng Wiccca ay “kung hindi makakasakit sa iyo, gawin mo ang gusto mo.” Tinatawag ng maraming nahihilig sa puting mahika ang kanilang sarili na Wicca, kahit hindi naman talaga sila Wicca. Bagamat bukas ang isipan ng mga Wicca, at may iba’t ibang denominasyon at teolohikal na posisyon sa loob ng grupong ito, may ilang paniniwala, gawain at tradisyon na may kaugnayan ang mga nagsasanay ng puting mahika sa wicca.

Kung ang intensyon man ay hindi upang sambahin ang “inang kalikasan,” mga elemento o mga anghel at nais ng isang tao na gumawa lamang ng mabuti, ang totoo, walang pagkakaiba sa pagitan ng itim at puting mahika dahil pareho silang sumasamba sa ibang bagay maliban sa Diyos. Nakakatakot isipin na hindi namamalayan ng mga nagsasanay ng puting mahika na tinatawagan din nila ang parehong diyos ng mga tagasunod ng itim na mahika na walang iba kundi si Satanas.

Sa buong Kasulatan, sa Luma at Bagong Tipan, ang lahat ng uri ng pangkukulam o panggagaway ay pagsuway sa utos ng Diyos at mahigpit na ipinagbabawal (Deuteronomio 18:10-16; Levitico 19:26, 31, 20:27; Gawa 13:8-10). Tinangkang gayahin ng mga madyikero ng Ehipto ang mga himalang ginawa nina Moises at Aaron sa pamamagitan ng kanilang mga “lihim na sining” na tumutukoy sa “mga seremonya o ritwal ng mga mangkukulam at madyikero na kanilang ginagamit para sa kanilang sariling kapakinabangan gaya ng orasyon, gayuma, pagsusuot ng pampaswerte, at amulets” at marami pang iba (Exodo 7:11, 8:7). Kinondena ni apostol Pablo ang manggagaway na si Elimas at sinabi na isa itong “anak ng Diyablo” na puno ng “lahat ng kasamaan at pandaraya” at “pinipilipit ang katotohanan ng Panginoon” (Gawa 13:10). Hindi makikita sa buong Bibliya na may isang madyikero na inilarawan sa isang positibong paraan. Kinukondena silang lahat ng Diyos sa buong Bibliya.

Sinasabi sa buong Kasulatan na kinamumuhian ng Diyos ang lahat ng uri ng mahika at ang mga gumagawa nito. Bakit? Dahil hindi ito galing sa Diyos. Dinadaya ni Satanas ang mga tao upang isipin nila na mabuti ang puting mahika. Kaya niya itong gawin dahil kaya niyang magkunwari na isang anghel ng kaliwanagan (2 Corinto11:14), ngunit ang kanyang naisin ay mandaya ng mas maraming kaluluwa sa abot ng kanyang makakaya. Binabalaan tayo ng Bibliya laban sa kanyang panlilinlang. “Kayo'y maging mapagpigil, kayo'y maging mapagpuyat; ang inyong kalaban na diablo, na gaya ng leong umuungal, ay gumagala na humahanap ng masisila niya” (1 Pedro 5:8).

“Nguni't hayag na sinasabi ng Espiritu, na sa mga huling panahon, ang iba'y magsisitalikod sa pananampalataya, at mangakikinig sa mga espiritung mapanghikayat at sa mga aral ng mga demonio” (1 Timoteo 4:1). Ang tunay na kapangyarihang espiritwal ay nanggagaling lamang sa Diyos, mula sa isang tunay na relasyon sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesu Kristo, at mula sa Banal na Espiritu na nananahan sa puso ng mga mananampalataya. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa puting mahika?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries