settings icon
share icon
Tanong

Paano at para kanino ibinayad ni Hesus ang ransom para sa ating kasalanan?

Sagot


Ang ransom ay isang bagay na ibinayad para sa kalayaan ng isang bihag. Binayaran ni Hesus ang ransom upang makalaya tayo mula sa kasalanan, kamatayan at sa impiyerno. Sa buong aklat ng Exodo, Levitico, mga Bilang, at Deuteronomio, makikita ang hinihingi ng Diyos para sa paghahandog. Sa panahon ng Lumang Tipan, inutusan ng Diyos ang mga Israelita na maghandog ng mga hayop upang maging kanilang kahalili para sa kanilang katubusan; ang kamatayan ng isang hayop ay magsisilbing kapalit ng kamatayan ng tao, kamatayan na siyang kabayaran ng kasalanan (Roma 6:23). Sinasabi sa Exodo 29:36a, "Araw-araw, maghahandog ka ng isang bakang lalaki para sa kasalanan."

Hinihingi ng Diyos at ng Kanyang kautusan ang kabanalan (1 Pedro 1:15-16). Hindi natin maibibigay sa Diyos ang perpektong kabanalan dahil sa ating mga nagagawang kasalanan (Romans 3:23); kaya nga, kinakailangan na mabigyang kasiyahan ang Kanyang hustisya. Ang mga handog na susunugin ang nagbibigay kasiyahan sa Kanyang hustisya. Sinasabi sa atin sa Hebreo 9:12-15, "Minsan lamang pumasok si Cristo sa Dakong Kabanal-banalan, at iyo'y sapat na. Hindi dugo ng mga kambing at bisirong baka ang kanyang dalang handog, kundi ang sariling dugo, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin. Ang dugo ng mga kambing at mga toro at ang abo ng dumalagang baka ay iwiniwisik sa mga taong itinuturing na marumi. Sa gayon, sila'y nagiging malinis ayon sa Kautusan. Ngunit higit na di-hamak ang magagawa ng dugo ni Cristo. Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay inialay niya sa Diyos ang kanyang sarili na walang kapintasan. Ang kanyang dugo ang lumilinis sa ating puso't isip upang talikdan na natin ang mga gawang walang kabuluhan at paglingkuran ang Diyos na buhay. Si Cristo ang tagapamagitan ng bagong tipan sapagkat sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, ipinatawad ang paglabag ng mga tao noong sila'y nasa ilalim pa ng unang tipan. Dahil dito, kakamtan ng mga tinawag ng Diyos ang walang hanggang pagpapala na kanyang ipinangako."

Gayundin naman sinasabi sa Roma 8:3-4, "Ginawa ng Diyos ang hindi nagawa ng Kautusan dahil sa likas na kahinaan ng tao. Sinugo niya ang kanyang sariling Anak sa anyo ng taong makasalanan upang maging handog para sa kasalanan, at sa anyong iyo'y hinatulan niya ang kasalanan. Ginawa niya ang lahat ng ito upang ang hinihingi ng Kautusan ay maisakatuparan sa atin na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa laman."

Malinaw na binayaran ni Hesus ang ransom para sa ating mga buhay sa Diyos Ama. Ang ransom ay ang Kanyang buhay mismo, ang pagbubuhos ng Kanyang sariling dugo bilang handog sa Diyos. Dahil sa Kanyang kamatayan, ang bawat tao sa mundo ay may pagkakataon na tanggapin ang kaloob ng pagtubos at pagpapatawad ng Diyos. Kung hindi namatay si Hesu Kristo, hindi mabibigyang kasiyahan ang Kautusan at katarungan ng Diyos - sa pamamagitan ng ating sariling kamatayan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano at para kanino ibinayad ni Hesus ang ransom para sa ating kasalanan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries