Tanong
Ano ba ang ‘rapture’ ng Iglesia?
Sagot
Ang salitang ‘rapture’ o pagdagit sa mga mananampalataya ay hindi makikita sa Bibliya, gayunman ang konsepto ng ‘rapture’ ay malinaw na itinuturo ng Bibliya. Ang ‘rapture’ o pagdagit sa Iglesia ay isang pangyayari kung kailan kukunin ng Diyos ang lahat ng mga mananampalataya sa lahat ng dako ng mundo upang bigyang daan ang Kanyang matuwid na paghatol na ibubuhos sa sangkatauhan sa panahon ng pitong (7) taon ng paghihirap. Inilalarawan ang ‘rapture’ sa aklat ng 1 Tesalonica 4:13-18 at 1 Corinto 15:50-54. Inilalahad sa 1 Tesalonica 4: 13-18 na bubuhaying mag-uli ng Diyos ang lahat na mga mananampalataya na nangamatay na at bibigyan sila ng maluwalhating katawan at ang mga naabutang buhay naman ay hindi na daranas ng kamatayan at bibigyan din naman ng maluwalhating katawan at sila’y magtatagpo sa papawirin. "Sa araw na yaon, kasabay ng malakas na utos ng tinig ng arkanghel at ng tunog ng trumpeta ng Diyos, bababa ang Panginoon mula sa langit. Bubuhayin muna ang mga namatay na nananalig kay Kristo. Pagkatapos, tayong mga buhay pa ay titipunin niya sa ulap at isasama sa mga binuhay upang salubungin sa papawirin ang Panginoon. Sa gayo'y makakapiling niya tayo magpakailanman" (1 Tesalonica 4:16-17).
Binibigyang diin naman sa 1 Corinto 15: 50-54 ang mga pangyayari pagdating ng ‘rapture’ at sa uri ng katawan na mapapasaatin. "Pakinggan ninyo ang hiwagang ito: hindi mamamatay ang lahat, ngunit lahat tayo'y babaguhin sa isang sandali, sa isang kisap-mata, kasabay ng huling pagtunog ng trumpeta. Pagtunog ng trumpeta, ang mga patay ay muling bubuhayin at di na mamamatay. Babaguhin tayong lahat" (1 Corinto 15:51-52). Ang ‘rapture’ ay isang maluwalhating pangyayari na nararapat lamang nating pakanasain ng taimtim. Sa araw na yaon, tayo'y magiging malaya na mula sa kasalanan. Makakasama na natin ang Diyos ng walang hanggan. May napakahabang debate pa sa ngayon tungkol sa kahulugan ng mga bagay na magaganap pagdating ng ‘rapture’. Subalit hindi nais ng Diyos na pagdebatehan pa ang mga ito. Sa halip, sa pamamagitan ng katotohanang ito, nais ng Diyos na "palakasin natin ang loob ng bawat isa."
English
Ano ba ang ‘rapture’ ng Iglesia?