Tanong
Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng pagdagit (rapture) at ikalawang pagparito?
Sagot
Malimit na ipinagkakamali ng marami na ang pagdagit ay siya ring ikalawang pagparito ni Kristo. Kalimitan, mahirap na malaman kung ang tinutukoy ng isang talata sa Bibliya ay tungkol sa pagdagit o muling pagparito. Gayunman, sa pagaaral ng mga hula sa hinaharap, napakahalaga na malaman ang pagkakaiba sa dalawang ito
Ang pagdagit ay mangyayari kung kailan kukunin ni Hesu Kristo ang iglesia (lahat ng mananampalataya kay Kristo) mula sa mundo. Ang pagdagit ay inilarawan sa 1 Tesalonica 4:13-18 at 1 Corinto 15:50-54. Ang katawan ng mga namatay na mananampalataya ay muling bubuhayin at papalitan ng maluwalhating katawan at ang mga nabubuhay na mananampalataya sa oras na iyon ay magkakaroon din ng maluwalhating katawan, hindi na makakaranas ng kamatayan at kakatagpuin sila ng Panginoon sa himpapawid. Ito ay magaganap sa isang iglap, sa isang kisap mata. Ang ikalawang pagparito naman ay ang pagdating si Hesus upang gapiin ang antikristo, wakasan ang kasamaan at itayo ang Kanyang isanlibong taon ng paghahari sa mundo. Ang ikalawang pagparito ay inilarawan sa Pahayag 19:11-16.
Ang mga mahahalagang pagkakaiba sa pagitan ng pagdagit at ikalawang pagparito ay ang mga sumusunod:
1) Sa pagdagit (rapture), kakatagpuin ang mga mananampalataya ng Panginoon sa himpapawid (1 Tesalonica 4:17). Sa ikalawang pagparito, ang mga mananampalataya ay darating sa mundo kasama ang Panginoon mula sa langit (Pahayag 19:14).
2) Ang ikalawang pagparito ay magaganap pagkatapos ng dakilang kapighatian (Pahayag kabanata 6-19). Ang pagdagit naman ay magaganap bago ang dakilang kapighatian (1 Tesalonica 5:9; Pahayag 3:10).
3) Ang rapture ay ang pagaalis sa mga mananampalataya mula sa mundo upang sila'y iligtas sa napipintong poot ng Diyos (1 Tesalonica 4:13-17, 5:9). Ang ikalawang pagparito ay hindi lamang pagliligtas sa poot ng Diyos kundi paghatol din naman ng Diyos sa mga hindi mananampalataya (Mateo 24:40-41)
4) Ang pagdagit ay sikreto at mangyayari sa isang iglap (1 Corinto 15:50-54). Ang ikalawang pagparito ay masasaksihan ng lahat ng tao sa buong mundo (Pahayag 1:7; Mateo 24:29-30).
5) Ang ikalawang pagparito ay hindi mangyayari hanggat hindi nagaganap lahat ng mga natitirang hula tungkol sa katapusan ng mundo (2 Tesalonica 2:4; Mateo 24:15-30; Pahayag kabanata 6-18). Ang pagdagit naman ay maaaring maganap anumang oras (Tito 2:13; 1 Tesalonica 4:13-18; 1 Corinto 15:50-54).
Bakit mahalaga na malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng pagdagit at ikalawang pagparito?
1) Kung ang pagdagit at ang ikalawang pagparito ay iisang pangyayari lamang, ang mga mananampalataya kung gayon ay dadaan sa dakilang kapighatian (1 Tesalonica 5:9; Pahayag 3:10).
2) Kung ang pagdagit at ang ikalawang pagparito ay iisang pangyayari lamang, ang pagdating ni Kristo ay malayo pang mangyari - dahil napakarami pang dapat na maganap bago ang Kanyang muling pagparito (Mateo 24:4-30).
3) Sa paglalarawan sa dakilang kapighatian sa Pahayag kabanata 6-19, hindi nabanggit ang iglesia. Sa panahon ng kapighatian, na tinatawag din na ‘panahon ng paghihirap ni Jacob’ (Jeremias 30:7), muling ibabaling ng Diyos ang kanyang pansin sa Israel (Roma 11:17-31).
Ang pagdagit at ikalawang pagparito ay magkatulad ngunit magkahiwalay na pangyayari. Pareho silang pagdating ni Kristo. Gayunman, napakahalaga na maunawaan ang pagkakaiba. Ang pagdagit ay ang pagdating ni Hesus sa alapaap upang kunin ang mga mananampalataya sa mundo bago ang pagbubuhos ng poot ng Diyos. Ang ikalawang pagparito naman ni Hesus sa mundo ay upang tapusin ang paghihirap sa mundo at gapiin ang antikristo at tapusin ang kanyang buktot na paghahari sa mundo.
English
Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng pagdagit (rapture) at ikalawang pagparito?