Tanong
Kailan magaganap ang rapture kaugnay ng tribulation?
Sagot
Ang eksaktong panahon ng rapture kaugnay ng tribulation ay isa sa pinaka-kontrobersyal na isyu sa mga iglesia ngayon. Ang tatlong nangungunang pananaw ay ang Pre-tribulation (magaganap ang rapture bago mag-umpisa ang tribulation), Mid-tribulation (magaganap ang rapture sa kalagitnaan ng tribulation), at Post-tribulation (magaganap ang rapture pagkatapos ng tribulation). Ang pangapat na pananaw ay mas kilala sa tawag na Pre-Wrath, at may posisyong gaya ng Mid-tribulation subalit may kaunting pagkakaiba.
Una, napakahalagang malaman natin ang layunin ng tribulation. Ayon sa Daniel 9: 27, may pitumpung "linggo" (pitong taon) na darating pa. Ang propesiya ni Daniel tungkol sa pitumpung linggo (Daniel 9:20-27) ay tumutukoy sa bansang Israel. Ito'y panahon kung kailan nakatuon ang pansin ng Diyos sa Israel. Habang hindi nito ipinapahiwatig na ang iglesia ay maaaring wala na sa mundo sa panahong iyon, mayroon namang katanungan kung bakit kinakailangan pang nasa mundo ang iglesia sa panahong iyon.
Ang pangunahing talata sa Bibliya na tumatalakay sa rapture ay ang 1 Tesalonica 4:13-18. Sinasabi dito na lahat ng mga nabubuhay na mga mananampalataya at mga mananampalataya na namatay na ay sasalubungin ang Panginoong Hesu Kristo sa himpapawid at makakasama Siya magpakailanman. Ang rapture ay ang pagkuha o pagdagit ng Diyos sa Kanyang mga anak mula sa mundo. Sinasabi rin ni Pablo sa talata 5:9 ng aklat ng Roma, "Tinawag tayo ng Diyos hindi upang parusahan, kundi upang iligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesu Kristo." Ang aklat ng Pahayag ay naglalahad kung papaano ibubuhos ng Diyos ang Kanyang poot sa mundo sa panahon ng tribulation. Tila hindi tugma sa pangako ng Diyos na hindi na magdurusa pa ang mga mananampalataya kung hindi sila kukunin at mananatili pa rin sa mundo sa panahon ng tribulation.
Ang isa pang mahalagang talata tungkol sa eksaktong panahon ng rapture ay ang Pahayag 3:10. Sa talatang ito ipinangako ni Kristo na ililigtas Niya ang lahat ng mga mananampalataya sa "panahon ng paghihirap" na darating sa mundo. Maaaring ito ay nangangahulugan ng dalawang bagay: (1) Iingatan ng Diyos ang lahat ng mga mananampalataya sa gitna ng paghihirap, o (2) Ililigtas ni Kristo ang lahat ng mga mananampalataya mula sa mga paghihirap. Gayon man, mahalagang malaman ipinangako ng Diyos sa mga mananampalataya kung saan sila ililigtas. Ito'y hindi sa pagsubok, kundi sa "oras" ng pagsubok. Ipinangako ni Kristo na ililigtas Niya ang mga mananampalataya sa mismong panahon ng mga pagsubok at ito'y ang panahon ng tribulation. Ang layunin ng tribulation, at ng rapture kung pagbabatayan ang 1 Tesalonica 5: 9 at ang interpretasyon ng Pahayag 3:10 ay matibay na sumusuporta sa Pre-tribulation. Kung isasalin ang Bibliya ng literal, ang posisyong Pre-tribulational ang may pinakamalapit na interpretasyon sa mga talata ng Biblia patungkol sa Rapture at Tribulation.
English
Kailan magaganap ang rapture kaugnay ng tribulation?