Tanong
Ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa rasismo, pagtatangi at diskriminasyon?
Sagot
Dapat nating maunawaan na mayroon lamang iisang lahi - ang lahi ng tao. Ang lahing Caucasians, Africans, Asians, Arabs, Jews, at iba ay hindi maituturing na magkakaibang lahi. Sa halip, sila ay magkakaibang grupo ng lahi ng tao. Ang lahat ng tao ay may magkakahalintulad na pisikal na katangian (na mayroong maliit na pagkakaiba-iba). Pero ang pinakamahalaga, ang lahat ng tao ay nilalang na ayon sa wangis ng Diyos (Genesis 1:26-27). Iniibig ng Diyos ang buong sanlibutan (Juan 3:16). Ibinigay ni Hesus ang Kanyang buhay para sa lahat ng tao sa mundo (1 Juan 2:2). Ang salitang "sanlibutan" ay nangangahulugan na lahat ng tao, anumang grupo ang pinagmulan.
Ang Diyos ay walang itinatangi (Deuteronomio 10:17; Gawa 10:34; Roma 2:11; Efeso 6:9), at nararapat lamang na tayo ay wala ring itinatangi. Inilalarawan sa Santiago 2:4 ang sinuman na nagpapakita ng pagtatangi bilang ‘hukom na may masamang pagiisip,’ Nararapat lamang na mahalin natin ang ating kapwa gaya ng pagmamahal natin sa ating mga sarili (Santiago 2:8). Sa Lumang Tipan, hinati ng Diyos ang sangkatauhan sa dalawang grupo: Hudyo at Hentil. Ang intensyon ng Diyos ay upang ang mga Hudyo ay magsilbing kaharian ng mga saserdote, na siyang nagmiministeryo sa mga Hentil. Subalit, karamihan sa mga Hudyo ay naging mapagmataas dahil sa kanilang kalagayan at inalipusta ang mga Hentil. Tinapos ito ni Hesu Kristo at sinira ang pader sa pagitan ng mga Hudyo at mga Hentil (Efeso 2:14). Ang lahat ng uri ng rasismo, pagtatangi at diskriminasyon ay isang malaking insulto sa ginawa ni Kristo sa krus.
Inutusan tayo ni Hesus na ibigin ang ating kapwa gaya ng pag-ibig Niya sa atin (Juan 13:34). Kung ang Diyos ay walang itinatangi at minamahal tayo ng lubusan, nangangahulugan lamang na dapat nating ibigin ang ating kapwa kagaya ng pag-ibig na ibinigay ni Kristo sa atin. Itinuturo ni Hesus sa huling kabanata ng Mateo 25 na ang anumang ginagawa natin sa ating kapwa ay ginagawa rin natin sa Kanya. Kung hinahamak natin ang tao na nilalang ayon sa wangis ng Diyos, sinasaktan natin ang isang taong iniibig ng Diyos at pinaghandugan ni Hesus ng Kanyang buhay.
Ang rasismo o racism ay patuloy na bumabagabag sa sangkatauhan sa nakalipas na ilang libong taon. Mga kapatid, anumang grupo ng tao ang iyong pinagmulan, hindi ito nararapat! Sa mga biktima ng rasismo, pagtatangi at diskriminasyon, nararapat lamang na magpatawad kayo. Sinasabi sa Efeso 4: 32, "At magmagandang-loob kayo sa isa't isa, mga mahabagin, na mangagpatawaran kayo sa isa't isa, gaya naman ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos kay Kristo."
Maaari mo bang isipin na hindi karapatdapat sa iyong kapatawaran ang umaalipusta sa iyo, subalit karapatdapat ka sa pagpapatawad ng Diyos? Sa patuloy na nagsasagawa ng rasismo, pagtatangi at diskriminasyon, nararapat lamang na pagsisihan ninyo ang inyong mga kasalanan at "ihandog ninyo ang inyong sarili sa Diyos, na tulad sa nangabuhay sa mga patay, at ang inyong mga sangkap na pinaka kasangkapan ng katuwiran sa Diyos" (Roma 6:13). Nawa ay lubusang maunawaan at ganapin ng mga mananampalataya ang Galacia 3: 28, "Walang magiging Hudyo o Griyego man, walang magiging alipin o malaya man, walang magiging lalake o babae man; sapagka't kayong lahat ay iisa kay Kristo Hesus."
English
Ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa rasismo, pagtatangi at diskriminasyon?