settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Rastafarianism?

Sagot


Ang salitang Rastafarianism ay laging nagpapakita sa ating isipan ng mga imahe ng mahaba at buhol buhol na buhok, ganja (marijuana), mga lansangan ng Kingston, Jamaica, at ang ritmo ng Reggae ni Bob Marley. Walang kinikilalang lider ang mga Rastafarians, at wala ring mga malinaw na prinsipyo ang kilusang ito. Ito ay isang kilusan na isinusulong ng mga Negro – ang mga Afro-Caribbean— na may dibisyon sa pagitan ng relihiyon at ng kaakibat nitong pangunawa tungkol sa mga isyung sosyal upang maunawan at masiyahan ang mga tao sa nais na gawin ng mga Rastas sa sosyedad habang hindi niyayakap ang relihiyon.

Kinuha ng kilusan ang pangalan nito mula sa titulong “Ras Tafari.” Sa wikang Ethiopian (Amharic), ang ras ay nangangahulugang “ulo,” “prinsipe,” o “field marshal,” at ang tafari naman ay nangangahulugan na “dapat katakutan.” Sa loob ng sistema ng Rastafarianism, ang terminolohiya ay isang partikular na pagtukoy sa isang taong nagngangalang Ras Tafari Makonnen (1892–1975), na naging emperador ng Ethiopia na si Emperor Haile Selassie I (ang kanyang Kristiyanong pangalan pagkatapos niyang mabawtismuhan). Sa kanyang kornonasyon noong 1930, noon binigyan si Selassie ng maraming titulo gaya ng “Leon ng Judah, Hinirang ng Diyos, Hari ng mga Hari.” Nagdala ito ng daluyong ng pagkamangha sa buong kultura ng Afro-Caribbean. Sa mga lansangan naman ng Kingston, Jamaica, nagsimulang ideklara ng mga mangangaral gaya ni Joseph Hibbert, na si Haile Selassie ang malaon ng hinihintay na Mesiyas, ang Ikalawang pagparito ni Kristo. Mula noon, isinilang ang isang sekta ng Rastafari, na naniniwala na si Selassie ang buhay na Diyos at ang itim na Mesiyas na magpapatalsik sa naghaharing uri at magpapasimula ng paghahari ng mga negro.

Isa pang sekta ng Rasta ang lumabas kasabay ng sekta ng Mesyanik na Rasta. Tinutunton ng grupong ito ang kanilang pinagmulan mula kay Leonard Percival Howell at may mga elemento ito ng Hinduismo. Sa mga unang bahagi hanggang kalagitnaan ng 1930’s, sumulat si Howell ng may labing apat (14) na pahinang pulyeto na may pamagat na “The Promised Key,” na nagtatag ng pundasyon para sa ikalawang sekta ng Rastafarianism na naimpluwensyahan ng Hinduismo at ng Rosicrucianism. Maraming lider ng sektang ito ang naging miyembro din ng Freemasonry. Ang resulta ay pinaghalong doktrina ng panteismo at Rastafarian na naghahanap ng “Espiritu ng leon na nasa bawat isa sa atin: ang Espiritu ni Kristo.”

Ang buod ng teolohiya ng Rastafarian, ay “Ang Diyos ay tao at ang tao ay Diyos;” ang kaligtasan ay panlupa; at ang mga tao ay tinatawag upang ipagdiwang at ingatan ang buhay; na ang mga salita na nanggagaling sa bibig ng tao ay kapahayagan ng presensya at kapangyarihan ng Diyos at makakapagdala ng pagkawasak; na ang kasalanan ay personal at panggrupo; at ang kapatirang Rasta ay isang lahing hinirang upang ipakita ang kapangyarihan ng Diyos at isulong ang kapayapaan sa mundo.

Ang dalawang sekta ng Rasta ay direktang kasalungat ng nahayag na Salita ng Diyos sa Bibliya. Una, si Haile Selassie ay hindi ang Mesiyas. Ang mga sumasamba sa kanya ay sumasamba sa isang diyus-diyusan. May isa lamang Hari ng mga Hari, iisang leon ng Judah at iyon ay si Hesu Kristo (Tingnan ang Pahayag 5:5; 19:16), na magbabalik sa malapit na hinaharap upang itayo ang Kanyang kaharian dito sa lupa. Bago ang Kanyang muling pagparito, magkakaroon ng dakilang kapighatian at pagkatapos nito, makikita Siya ng lahat na “dumarating mula sa mga alapaap taglay ang dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian” (tingnan ang Mateo 24:29-31). Si Haile Selassie ay isa lamang karaniwang tao at gaya ng lahat ng tao, siya ay ipinanganak, nabuhay, at namatay. Ngunit si Hesu Kristo, ang tunay na Mesiyas ay buhay at nakaupo ngayon sa kanan ng Ama sa Langit (Hebreo 10:12).

Ang panteistang sekta ng Rasta ay isang huwad na relihiyon at base sa parehong kasinungalingan ni Satanas na malaon na niyang ginagamit upang tuksuhin ang sangkatauhan mula pa sa Hardin ng Eden: ang salitang, “magiging kagaya kayo ng Diyos” (Genesis 3:4). May iisa lamang Diyos, hindi marami, at bagama’t ang mga mananampalataya ay totoong pinananahanan ng Banal na Espiritu at kabilang sa pamilya ng Diyos, hindi tayo mga Diyos. “Inyong kilalaning ako lamang ang Diyos, at maliban sa akin ay wala nang iba” (Isaias 46:9). Gayundin naman, ang kaligtasan ay hindi panlupa, na isa ring katuruan na laban sa Bibliya at isang ideya ng kaligtasan sa pamamagitan ng gawa. Walang anumang gawa sa lupa o mabubuting gawa ng tao ang magiging daan upang maging katanggap tanggap tayo sa isang Banal at perpektong Diyos at ito ang dahilan kung bakit Niya ipinadala ang Kanyang bugotng na Anak upang mamatay sa krus upang tubusin tayo sa ating mga kasalanan (2 Corinto 5:21). Panghuli, ang mga Rastafarians ay hindi isang lahing hinirang ng Diyos. Malinaw ang sinasabi ng Bibliya na ang mga Hudyo ang lahing hinirang ng Diyos at hindi pa Niya ganap na nakukumpleto ang Kanyang plano para sa kanilang katubusan (Exodo 6:7; Levitico 26:12; Roma 11:25-27). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Rastafarianism?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries