- Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paglipat ng kaluluwa ng tao sa ibang katawan o reincarnation?
settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paglipat ng kaluluwa ng tao sa ibang katawan o reincarnation?

Sagot


Ang konsepto ng paglipat ng kaluluwa ng tao sa ibang katawan o reincarnation ay hindi sinasang-ayunan o nabanggit man sa Bibliya. Malinaw na sinasabi sa atin ng Bibliya na minsan lamang mamamatay ang tao at pagkatapos ay paghuhukom (Hebreo 9:27). Hindi binanggit saanman sa Bibliya na ang mga tao ay may ikalawang pagkakataon na muling mabuhay sa ibang katawan ng tao o hayop. Sinabi ni Hesus sa kriminal na kasama Niyang napako sa krus, “Ngayon ay kakasamahin kita sa Paraiso” (Lukas 23:43), hindi Niya sinabi sa magnanakaw, “ngayon, magkakaroon ka ng isang tsansa na muling mabuhay sa mundo.” Partikular na sinasabi sa atin sa Mateo 25:46 na ang mga mananampalataya ay may buhay na walang hanggan sa langit samantalang ang mga hindi mananampalataya naman ay pupunta sa walang hanggang kaparusahan sa apoy ng impiyerno. Ang paglipat ng kaluluwa ng tao sa ibang katawan o reincarnation ay isang popular na paniniwala sa loob ng ilang libong taon ngunit hindi ito kailanman tinanggap ng mga Kristiyano o kahit ng mga tagasunod ng relihiyong Judaismo dahil salungat ito sa sinasabi ng Salita ng Diyos.

Ang isang sitas sa Bibliya na ginagamit ng iba upang suportahan ang reincarnation ay ang Mateo 17:10-12 kung saan iniuugnay si Juan Bautista kay Elias. Gayunman, hindi sinasabi sa mga talata na si Juan Bautista ay si Elias kundi tutuparin lamang ni Juan Bautista ang hula tungkol sa pagdating ni Elias kung ang mga tao ay mananampalataya sa kanyang salita tulad ng ginawa ng mga tao sa pangangaral ni Elias at sa gayon sila ay mananampalataya na si Hesus ang Mesiyas (Mateo 17:12). Itinanong mismo ng mga Hudyo kay Juan Bautista kung siya si Elias ngunit sinabi niya, “Hindi ako” (Juan 1:21).

Ang paniniwala sa paglipat ng kaluluwa ng tao sa ibang katawan o reincarnation ay isang sinaunang paniniwala at isang sentrong katuruan sa karamihan ng mga relihiyon sa India gaya ng Hinduismo, Budismo, Sikhismo at Jainismo. Maraming modernong pagano ngayon ang naniniwala din sa reincarnation gaya ng mga kasapi ng New Age movements at mga tagasunod ng espirtismo. Gayunman, para sa mga Kristiyano, walang duda na ang reincarnation ay isang katuruan na hindi sinasang-ayunan ng Bibliya at marapat lamang na hindi paniwalaan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paglipat ng kaluluwa ng tao sa ibang katawan o reincarnation?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries