Tanong
Ano ang aking gagawin kung hindi ako makapagdesisyon kung sino ang aking liligawan?
Sagot
Hindi partikular na tinalakay sa Bibliya ang paksang ito, ngunit ibinibigay dito ang ilang payo kung ano ang katangiang dapat hanapin sa isang mapapangasawa. Ang una at pinakamahalagang payo ay ang pananalangin para sa bagay na ito. Magbibigay ang Diyos ng karunungan at gabay para sa sinumang humihingi sa Kanya ng karunungan. "Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay nang sagana at hindi nanunumbat" (Santiago 1:5).
Sinasabi sa 2 Corinto 6:14, "Huwag kayong makisama sa mga di-sumasampalataya na para bang kapareho ninyo sila. Maaari bang magsama ang katuwiran at ang kalikuan? O kaya'y ang liwanag at ang kadiliman?" Ang unang tanong na dapat sagutin ay ang napupusuan mo bang ligawan ay nakatalaga ang buhay sa Diyos. Kung hindi, ang taong iyon ay hindi dapat na ikunsidera bilang potensyal na mapapangasawa. Sa isang banda, hindi dahil sumusunod ang isang tao kay Kristo ay awtomatikong siya na ang tamang tao. Ang hindi pakikipamatok sa hindi mananampalataya ay dapat na mas malalim pa sa pagiging Kristiyano lamang ng nagugustuhan. Maraming iba't ibang paniniwala sa Kristiyanismo at dapat din itong isaalang-alang sa pagpili ng mapapangasawa. Isipin mo kung ano ang magiging kalagayan ng iyong relasyon na kasama ang taong iyong nagugustuhan. Ang inyo bang paniniwala ay magkapareho at maaari kayong magkasundo na palakihin ang inyong anak na itinuturo ang parehong doktrina? Ang bagay na ito ay napakahalaga sa pagpili ng mapapangasawa.
Para sa mga lalaki, mahalaga na hanapin sa isang babae ang mga katangian na dapat taglayin ng isang Kristiyanong asawa. "Mga babae, pasakop kayo sa sarili ninyong asawa tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siya ang Tagapagligtas nito. Kung paanong nasasakop ni Cristo ang iglesya, gayundin naman, ang mga babae ay dapat pasakop nang lubusan sa kanilang sariling asawa" (Efeso 5:22-24). Sinabi ni Pablo na ang asawang babae ay dapat na nagpapasakop sa kanyang asawa dahil sa pag-ibig. Hindi ito nangangahulugan na ang isang babaeng nagugustuhan ay dapat na magpasakop agad sa lalaki habang nasa estado ng ligawan. Hindi siya obligadong sumunod sa lalaki habang hindi pa sila mag-asawa. Gayunman, dapat na ang isang babae ay walang espiritu ng pagrerebelde at dapat na kakitaan ng pagsunod sa mga taong nakatataas sa kanya dahil sa pag-ibig. Dapat na handa siya na pangunahan ng isang lalaki. Sinasabi sa Kawikaan 31:10-31 kung ano ang katangian ng isang marangal na babae. Siya ay masipag, mapagbigay, matulungin, matatag ang kalooban at matalino. Maaaring hindi mo makita ang lahat ng katangiang ito sa isang babae, ngunit ang mga katangiang ito ay dapat na naisin dahil nakalulugod ang mga ito sa Diyos.
Ang isa pang paglalarawan sa isang asawa na nakalulugod sa Diyos ay makikita sa 1 Pedro 3:1-4: "Kayo namang mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa. Sa gayon, kung mayroon sa kanila na hindi pa naniniwala sa salita ng Diyos, mahihikayat din silang sumampalataya dahil sa inyong magandang asal. Kahit hindi na kayo magpaliwanag pa sa kanila, sapat nang makita nila ang inyong maka-Diyos at malinis na pamumuhay. Ang inyong ganda ay huwag maging panlabas lamang tulad ng pag-aayos ng buhok at pagsusuot ng mga gintong alahas at mamahaling damit. Sa halip, pagyamanin ninyo ang kagandahang nakatago sa puso, ang kagandahang walang kupas na likha ng maamo at mapayapang diwa, na lubhang mahalaga sa paningin ng Diyos." Sinasabi sa atin sa mga talatang ito na ang babae ay dapat na may magandang asal at nabubuhay para kay Kristo upang maakay niya ang kanyang asawang hindi Kristiyano kahit hindi sa pamamagitan ng mga salita. Ipinapahiwatig din nito na hindi niya mas pinahahalagahan ang panlabas na kaanyuan ng higit sa kanyang pananampalataya.
Para sa isang babae, may ilang ilustrasyon sa Bibliya kung ano ang dapat na hanapin sa isang Kristiyanong asawa. Bagama't hindi mo pa asawa ang lalaki na iyong ikinukunsidera, dapat mong hanapin ang mga katangiang ito na nagpapakita ng ganitong uri ng pag-ibig: "Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa na gaya ng pagmamahal ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para sa iglesya upang ialay ito sa Diyos, matapos linisin sa pamamagitan ng paghuhugas sa tubig at sa salita. Ginawa niya ito upang ang iglesya ay maiharap niya sa kanyang sarili na nasa kagandahan nito, walang anumang dungis ni kulubot man, banal at walang anumang kapintasan" (Efeso 5:25-27). Mapagmahal ba siya? Handa ba siyang pangunahan ang mga tao para kay Kristo at handang tumulong sa kanila upang maging banal at walang kapintasan? Siya ba ay isang tagapanguna? Dapat na iniibig ng isang lalaki ang Diyos ng higit sa lahat at handang tumulong sa kanyang mga kapatid kay Kristo upang maging banal at kalugod-lugod sila sa Diyos. Dapat na siya ay mapagpakumbaba, matalino at mahabagin na gaya ni Kristo. Hanapin mo ang mga ganitong katangian sa isang lalaki dahil ito ang nakalulugod sa Diyos.
Hindi ka makakahanap ng isang perpektong lalaki o babae na taglay ang mga katangiang ito, ngunit ipapakita sa iyo ng Diyos kung ang isang lalaki o babae na iyong napupusuang mapangasawa ay nagsisikap na maging kalugod-lugod sa Kanya. Gaya ng ibang malalaking desisyon sa buhay, kailangan ang pagiingat, karunungan, pananalangin at paghahanap sa kalooban ng Diyos sa pakikipagrelasyon.
English
Ano ang aking gagawin kung hindi ako makapagdesisyon kung sino ang aking liligawan?