settings icon
share icon
Tanong

Ano ang relatibismo sa kultura (cultural relativism)?

Sagot


Ang relatibismo sa kultura (cultural relativism) ay ang pananaw na ang lahat ng paniniwala, kaugalian at gawi ay nakadepende sa kulturang ginagalawan ng indibidwal. Sa ibang salita, ang “mali” at “tama” ay depende sa kultura; ang itinuturing na moral o mabuti sa isang kultura ay maaaring ituring na masama o imoral sa isang kultura, at dahil walang pangkalahatang pamantayan ng moralidad ang umiiral, walang karapatan ang sinuman na husgahan ang kaugalian ng isang sosyedad.

Ang relatibismo sa kultura (cultural relativism) ay malawakang tinatanggap sa modernong antropolohiya. Naniniwala ang mga cultural relativists na ang lahat ng kultura ay karapatdapat sa kanilang sariling karapatan at parehas ang halaga sa ibang kultura. Ang pagkakaiba iba sa kultura, kahit na ang may mga kwestyonableng paniniwalang moral ay hindi dapat na ituring na tama o mali o masama o mabuti. Sa ngayon, itinuturing ng mga antropologo ang lahat ng kultura na lehitimong ekspresyon ng pagiral ng tao, at dapat na pagaralan mula sa isang purong pananaw na walang kinikilingan.

Ang cultural relativism ay may malapit na kaugnayan sa ethical relativism, na naniniwala na maraming katotohanan at relatibo ito at hindi iisa lamang. Ang tama at mali ay nakadepende sa paniniwala ng indibidwal o ng sosyedad. Dahil ang katotohanan ay nagbabago, walang obhektibong pamantayan na mailalapat sa kaugalian ng lahat ng kultura. Walang sinumang makapagsasabi kung ang isang tao ay tama o mali; nakasalalay ito sa personal na opinyon ng isang tao at walang sosyedad ang maaaring humusga sa isa pang sosyedad.

Walang nakikitang likas na mali (at likas na mabuti) ang cultural relativism sa kahit anong ekspresyon ng kultura. Kaya nga, ang sinaunang mga gawain ng tribong Mayan na pagputol sa mga bahagi ng sariling katawan at paghahandog ng tao sa kanilang diyus diyusan ay hindi masasabing masama o mabuti; ang mga gawaing ito ay simpleng pagkakakilanlan lamang sa kanilang kultura katulad ng kaugalian sa Amerika na pagpapaputok ng mga kuwitis tuwing ika-apat ng Hulyo. Ayon sa pananaw na ito, ang pagpatay ng tao para ihandog sa diyos at pagpapaputok ng kuwitis ay parehong simpleng produkto lamang ng magkaibang kaugaliang pang sosyedad.

Noong Enero 2002, ng tukuyin ni Presidente Bush ang mga teroristang bansa bilang “sentro ng kasamaan,” lubhang nasaktan ang mga cultural relativists. Ang pagtawag ng “masama” sa isang sosyedad ay tulad sa isang sumpa para sa mga relatibista. Ang kasalukuyang kilusan upang “maunawaan” ang Islam – sa halip na labanan ito – ay isang katibayan ng pagsulong ng relatibismo. Naniniwala ang mga cultural relativists na hindi dapat igiit ng mga nasa Kanluran ang kanilang ideya sa mga bansang Muslim, kasama ang ideya na ang suicide bombing ng mga sibilyan ay masama. Sinasabi ng mga relatibista na ang paniniwala ng mga Muslim sa pangangailangan ng Jihad ay tama katulad din ng kahit anong paniniwala sa Kanluraning sibilisasyon at dapat ding sisihin ang Amerika para sa pagatake ng mga teroristang Muslim sa tinatawag na 9/11.

Sa pangkalahatan, lumalaban ang mga cultural relativists sa gawain ng pagmimisyon. Sa tuwing nakakapasok ang Ebanghelyo sa puso ng tao at nagbabago ng buhay, laging sumusunod ang pagbabago sa kultura. Halimbawa, ng ipahayag nina Don at Carol Richardson ang Ebanghelyo sa tribo ng Sawi sa Netherlands New Guinea noong 1962, nagbago ang kultura ng mga Sawi: sa partikular, isinuko nila ang kanilang malaon ng kaugalian na pagkain ng kapwa tao (cannibalism) at pagpaparusa sa mga balong babae habang sinusunog ang bangkay ng kanilang namatay na asawang lalaki. Maaaring akusahan ng mga relatibista ang mga Richardsons ng pananakop sa kultura. Ngunit nakararaming tao ang sasang-ayon na ang pagtuldok sa kanibalismo ay isang mabuting bagay. (Para sa kumpletong kuwento ng pagiging Kristiyano ng mga Sawi, maging ang paglalahad ng pagbabago sa kultura sa relasyon nito sa pagmimisyon, basahin ang libro ni Don Richardson na may pamagat na The Peace Child.)

Bilang mga Kristiyano, pinahahalagahan natin ang lahat ng tao, anuman ang kanilang kultura, dahil kinikilala natin na ang lahat ng tao ay nilikha ng Diyos ayon sa Kanyang wangis (Genesis 1:27). Kinikilala din natin na ang pagkakaiba-iba sa kultura ay isang magandang bagay maging ang pagkakaiba-iba sa pagkain, pananamit, salita at iba pa ay dapat na panatilihin at pahalagahan. Gayundin naman, alam natin na dahil sa kasalanan, hindi lahat ng mga gawain at paniniwala sa isang kulura ay makadiyos o nakatutulong. Hindi nagbabago ang katotohanan (John 17:17); ito ay iisa at may nagiisang pamantayan ng moralidad kung saan mananagot ang lahat ng kultura (Pahayag 20:11-12).

Ang ating layunin bilang mga misyonero ay hindi ang baguhin ang kultura ng ating pinagmimisyonan upang maging katulad ng sa atin. Sa halip, ito ay ang pagpapahayag ng Ebanghelyo ng kaligtasan sa pamamagitan ng Ebanghelyo ni Kristo. Ang mensahe ng Ebanghelyo ang magbabago sa kultura hanggang sa ang anumang gawain sa isang kultura na lumalaban sa pamantayan ng moralidad ng Diyos ay mabago – gaya halimbawa ng pagsamba sa diyus diyusan, pagaasawa ng marami, at pangaalipin, at matuldukan ang masasamang gawain habang nananaig ang katotohanan ng Salita ng Diyos (tingnan ang Gawa 19). Sa mga isyung amoral, dapat na panatilihin ng mga misyonero ang mga ito bilang pagkilala sa kultura ng mga taong kanilang pinaglilingkuran.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang relatibismo sa kultura (cultural relativism)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries