settings icon
share icon
Tanong

Bakit hindi maaaring magsama ng mapayapa ang mga relihiyon?

Sagot


Palaging sinasabi na mas maraming digmaan ang pinaglabanan sa pangalan ng relihiyon kaysa sa ibang dahilan. Bagama't hindi eksaktong totoo ang pangungusap na ito, marami pa rin ang nagtatanong, "Bakit hindi maaaring magsama ng mapayapa ang mga relihiyon?" Ang maiksing sagot ay dahil ang iba't ibang relihiyon ay nagkukumpetisyon para sa puso at kaluluwa ng mga tao. Ang mismong kalikasan ng mga paniniwalang panrelihiyon ay natatangi dahil ang bawat relihiyon ay nagaangkin ng katotohanan at laging kinakalaban ang katotohanang inaangkin ng ibang relihiyon.

Sinasagot ng bawat relihiyon ang tatlong pangunahing katanungan: Saan nanggaling ang tao at bakit siya naririto? May buhay ba pagkatapos ng kamatayan? Kung mayroong Diyos, paano Siya makikilala? Ang mga katanungang ito ang tumutulong sa pagbuo ng pananaw ng isang tao sa mundo, ang pundasyon ng pilosopiya kung paano mabubuhay ang isang tao sa mundo. Kung may dalawang tao na magkaiba ang sagot sa mga katanungang nabanggit, tiyak na magkakaroon ng hindi pagkakasundo. Ang hindi pagkakasundong ito ay maaaring humantong mula sa argumentong tulad sa isang kaibigan hanggang sa literal na labanan na nakataya ang buhay depende sa mga taong nasasangkot. Dahil may daan-daang magkakaibang relihiyon sa mundo, at milyong tao ang bumubuo sa kanilang pananaw sa mundo, madaling maintindihan kung bakit nagkakaroon ng problema sa pagitan ng mga relihiyon.

Sa tipikal, kung may nagtataanong ng "Bakit hindi maaaring magsama ng mapayapa ang mga relihiyon," ang pansin ay nasa mga kaguluhan sa pagitan ng Kristiyanismo, Judaismo at Islam sa kasaysayan, bagama't may iba pang relihiyon ang sangkot. Minsan nakiktita ang pagkakaiba sa pagitan ng pagiging tahimik ng mga mistikal na relihiyon sa Silangan at sa tradisyonal na monoteismo o paniniwala sa iisang Diyos (Kristiyanismo, Judaismo, Islam), bagama't makikita rin ang karahasan sa ibang mistikal na relihiyon. Ang isang maiksing sulyap sa kasaysayan ang kukumpirma na may mga nagpapakamatay para sa kanilang relihiyon at may bahagi sa karahasan na siyang dahilan kung bakit sinisisi ng tao ang relihiyon. Ang isang mahalagang katanungan ay kung ang pagdanak ba ng dugo ay maisisisi sa mga pangunahing doktrina ng isang relihiyon o nanggagaling sa baluktot na paglalapat ng mga paniniwala ng relihiyon

Laging sinisisi ang Kristiyanismo para sa mga kaguluhang ginawa alang-alang sa pangalan ni Jesu Cristo. Ang mga krusada (1096-1272), ang Inquisition (1200-1800), at ang digmaan ng mga relihiyon sa Pransya (1562-98) ang mga pangkaraniwang halimbawa. Ang lahat ng mga pangyayaring ito ay isinagawa sa ilalim at pahintulot ng Simbahang Romano Katoliko ngunit ang mga pangyayaring ito ay malinaw na sumasalungat sa mga katuruan ni Jesu Cristo. Sa katotohanan ang Inquisition at Digmaan ng Relihiyon sa Pransya ay pagatake ng mga Katoliko sa mga Kristiyano na hindi sumasang-ayon sa mga doktrina at pagsasanay pangrelihiyon ng Simbahang Katoliko. Sa pagsulat tungkol sa mga kasaysayang ito, sinabi ni Noah Webster, "Ang mga natatag na institusyon ng iglesya sa Europa na sumuporta sa mga mapangaliping gobyerno ay hindi ang relihiyong Kristiyano kundi mga pangaabuso at kurapsyon sa loob ng Kristiyanismo."

Kung susuriin ang katuruan ni Jesus at ng mga apostol, malinaw na inaasahan sa mga Kristiyano na mamuhay sa kapayapaan. Sinasabi sa Roma 12:14 at 18, "Idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo; idalangin ninyo sila at huwag sumpain….Hangga't maaari, gawin ninyo ang inyong makakaya upang mamuhay kayo nang mapayapa kasama ng sinuman." Sinabi ni Jesus sa Mateo 5:39, "Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag kayong gumanti sa masamang tao. Kung sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kaliwa." Isinulat ni Pedro, "Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Huwag ninyong sumpain ang sumusumpa sa inyo. Sa halip, pagpalain ninyo sila dahil pinili kayo upang tumanggap ng pagpapala ng Diyos" (1 Pedro 3:9).

Inaakusahan ang Judaismo sa pagsusulong ng karahasan, ngunit sa buong kasaysayan, laging ang mga Hudyo ang ginugulo at dinidigma sa loob ng mahigit na 2,000 taon. Sa bawat bansa na kanilang tinirhan, inusig sila at kinutya kahit na namumuhay sila ng mapayapa, naglingkod at nagbibigay ng tulong sa iba. May mga ginagamit ang mga talata sa Lumang Tipan kung saan inuutusan ang mga Hudyo na patayin ang ibang mga bansa at sinasabi na ito ang patunay na marahas ang Judaismo. Mapapansin na bagama't inutos ng Diyos sa mga Israelita na patayin ang lahat ng naninirahan sa Lupang Pangako (Deuteronomio 7:1-5) upang mapigilan ang Kanyang bayan na bumagsak sa pagkakasala ng pagsamba sa mga diyus-diyusan, inutusan din Niya sila na huwag "mamaltraturhin o aapihin ang isang dayuhan" (Exodo 22:21). At ibinibigay Niya ang imbitasyon sa lahat, hindi lamang sa mga Hudyo na sumampalataya sa Kanya upang maligtas (Isaias 45:22; Roma 10:12; 1 Timoteo 2:4). Nais ng Diyos na pagpalain ang lahat ng mga bansa sa pamamagitan ng mga Hudyo (Genesis 12:3; Isaias 49:6). Itinuturo ng Judaismo sa mga tao na "Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos" (Mikas 6:8).

Inaakusahan din ang Islam ng karahasan, at sa mga nagdaang taon, marami ang nagtangkang ipaliwanag ang kaibahan sa pagitan ng pagiging marahas ng Islam at ang Islam bilang "relihiyon ng kapayapaan." Walang duda na maraming tagasunod ng Islam na nagnanais ng kapayapaan, ngunit maliwanag din na karahasan ang mismong pundasyon ng relihiyong Islam. Ipinanganak ang tagapagtatag at propeta ng Islam na si Muhammad (570-632), sa siyudad ng Mecca at nagsimulang mangaral ng mga rebelasyon sa edad na 40. Nang labanan siya ng ibang mga tribo, pinangunahan niya ang kanyang mga tagasunod sa isang brutal na kampanya upang talunin at papaniwalain sila sa Islam. Marami ding mga kapahayagan ang ibinigay sa kanilang Kasulatan na humihimok sa mga Muslim na patayin ang mga hindi naniniwala sa kanila (Surah 2:191; 4:74; 8:12), at ito ang pangunahing pamamaraan ng Islam sa pagpapalaganap ng katuruan nito sa buong kasaysayan. Noong makipagdigma ang Amerika sa mga piratang Barbary, sinabi ng kalihim ng Estado noon na si Timothy Pickering, "Itinuro ng rebelasyon ng Islam na ang pakikipagdigma sa mga Kristiyano ay maggagarantiya sa kaligtasan ng kanilang kaluluwa at dahil sa katuruang ito na nagbigay sa kanila ng sekular na kalamangan sa iba, ang kanilang paghimok sa kanilang mga kapanalig sa pakikidigma sa ibang relihiyon ay napakabisa." Taliwas sa mga Kristiyanong ekstremista na malinaw na binabaluktot ang Kasulatan upang pagtakpan ang kanilang karahasan, maaaring gamitin ng mga ekstremistang Muslim ang malinaw na mga katuruan at pagsasanay ng kanilang lider upang suportahan ang kanilang karahasan. Ang mga hindi ekstremistang Muslim ang hindi literal ang interpretasyon sa mga talata sa Quran na nagsusulong ng karahasan.

Isang salita ang makakapagpaliwanang kung bakit hindi maaaring magsama ng mapayapa ang mga relihiyon: kasalanan. Dahil sa naapektuhan ng kasalanan ang lahat ng tao, ito ang naguudyok sa kanila na labanan ang kapwa sa konteksto ng relihiyon. Habang maaaring may positibong benepisyo ang iba't ibang relihiyon sa sosyedad, hindi pantay-pantay ang lahat ng relihiyon. Tanging ang Kristiyanismo lamang ang maaaring direktang lumutas sa problema ng kasalanan sa pamamagitan ng pagbabago sa puso ng tao. "Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago!" (2 Corinto 5:17).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit hindi maaaring magsama ng mapayapa ang mga relihiyon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries