settings icon
share icon
Tanong

Ano ang relihiyon ni Jesus?

Sagot


Isinilang si Jesus sa isang pamilyang Judio na sumusunod sa mga Kautusan ng mga Judio (Lukas 2:27). Ang lahing pinanggalingan ni Jesus ay ang lahi ni Judah, isa sa labindalawang lipi ng Israel. Isinilang Siya sa isang bayan sa Israel, ang bayan ng Bethlehem, at lumaki sa Nazareth. Babad si Jesus sa kulturang Judio, nasyonalidad at relihiyon.

Nagsanay si Jesus ng Judaismo, ang relihiyon ng mga Judio noong unang siglo. "Ipinanganak Siya sa ilalim ng kautusan" (Galatia 4:4) at lumaki na nagaaral ng Torah at ng mga utos na nakapaloob dito. Perpekto Niyang sinunod ang kautusan ni Moises—ang lahat ng utos, at mga kapistahan (Hebreo 4:14–16). Hindi lamang Niya sinunod ang Kautusan; ginanap Niya ito at winakasan (Mateo 5:17–18; Roma 10:4).

Nagdiwang si Jesus at ang mga alagad ng Paskuwa (Juan 2:13, 23; Lukas 22:7–8) at ng pista ng Tabernakulo (Juan 7:2, 10). Nagdiwang siya ng isang pista ng mga Judio na hindi pinangalanan sa Juan 5:1. Dumalo Siya sa mga pagsamba at nagturo sa mga sinagoga (Markos 1:21; 3:1; Juan 6:59; 18:20). Pinayuhan Niya ang iba na sumunod sa kautusan ni Moises at maghandog sa templo (Markos 1:44). Isinulong Niya ang paggalang sa Kautusan na itinuturo ng mga eskriba at mga Pariseo ng panahong iyon (Mateo 23:1–3). Ginamit Niya ng maraming beses ang Tanakh (halimbawa sa Markos 12:28–31; Lukas 4:4, 8, 12). Sa lahat ng ito, ipinakita ni Jesus na ang Kanyang relihiyon ay Judaismo.

Habang nakikipagusap si Jesus sa isang grupo ng mga Judio, hinamon Niya sila: "Sino sa inyo ang makasusumbat sa akin tungkol sa kasalanan?" (Juan 8:46). Kung tumalikod si Jesus sa relihiyon ng mga Judio sa anumang kaparaanan, agad na gagamitin iyon ng Kanyang mga kaaway para Siya kondenahin. Ngunit gaya ng lagi Niyang ginagawa, laging may paraan si Jesus sa pagpapatahimik sa Kanyang mga kritiko (Mateo 22:46).

Maraming maaanghang na salita si Jesus para sa mga lider ng Kanyang sariling relihiyon. Mahalagang tandaan na ang pagkondena ni Jesus sa mga Pariseo, Eskriba, at mga Saduseo (Mateo 23) ay hindi paglaban sa mga kautusan ng Judaismo ng panahong iyon. Ang pagtuligsa ni Jesus sa mga ipokrito, mga tiwaling opisyal at sa mga matuwid ang tingin sa kanilang sarili ay salungat sa Kanyang pagpuri sa mga taong tapat sa Diyos at tapat na ipinamumuhay ang kanilang pananampalataya (tingnan ang Lukas 21:1–4). Nagsalita si Jesus laban sa ilang mga lider ng relihiyon dahil "itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos" (Mateo 15:9). Sa dalawang pagkakataon, nilinis ni Jesus ang templo sa mga magnanakaw at sakim na makasalanan (Juan 2:14–17; Mateo 21:12–13). Ang mga aksyong ito ay hindi para sirain ang Judaismo kundi para linisin ito.

Si Jesus ay isang Judio na perpektong sumunod sa kautusan. Ang Kanyang kamatayan ang tumapos sa Lumang Tipan na ginawa ng Diyos sa Israel—na ipinakita sa pagkapunit ng tabing sa templo (Markos 15:38)—at itinatag Niya ang Bagong Tipan (Lukas 22:20). Nag-ugat ang unang iglesya sa Judaismo at sa pag-asa para sa paparating na Tagapagligtas, at karamihan sa mga pinakaunang mananampalataya ay mga Judio. Ngunit habang ipinapangaral ng mga mananampalataya ang nabuhay na mag-uling Mesiyas, tinanggihan sila ng mga Judiong hindi sumasampalataya, at napilitan sila na humiwalay sa Judaismo (tingnan ang Gawa 13:45–47).

Si Jesus ang Mesiyas na hinihintay ng mga Judio sa loob ng mahabang panahon. Ipinanganak Siya sa relihiyon ng Judaismo, ginanap ang mga hinihingi ng relihiyon ng mga Judio, at noong tanggihan Siya ng Kanyang sariling mga kababayan, ibinigay Niya ang Kanyang buhay bilang handog para sa kasalanan ng sanlibutan. Pinagtibay ng Kanyang dugo ang Bagong Tipan, at pagkatapos Niyang mamatay at mabuhay na mag-uli, hindi naglaon, nawasak ang templo ng Judaismo, nawala ang mga saserdote at tumigil ang mga paghahandog.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang relihiyon ni Jesus?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries