settings icon
share icon
Tanong

Ano pluralismo sa relihiyon (religious pluralism)?

Sagot


Ang pluralismo sa relihiyon (Religious pluralism) ay pangkalahatang tumutukoy sa paniniwala na parehong totoo at katanggap-tanggap ang dalawa o mas maraming pananaw sa mundo. Higit pa sa simpleng pagkunsinti sa mali, tinatanggap ng pluralismo ang posibilidad ng pagkakaroon ng maraming daan patungo sa Diyos o mga diyos at laging ikinukumpara sa "exclusivism," ang ideya na may isa lamang totoong relihiyon o daan patungo sa Diyos.

Habang ang pluralismo sa relihiyon ay umiiral na simula noong mga 17 siglo, ang konseptong ito ay mas naging popular mula noong huling bahagi ng ika-20 siglo sa Kanlurang Europa at Timog Amerika. Sa partikular, ang ideya ng pagsasama-sama ng mga relihiyon (mga relihiyon na gumagawang magkasama na parang iisa) at ang kamakailan lamang ay naging popular na kilusang inter-faith ang naging daan sa pagtanggap sa pluralismo sa relihiyon sa popular na kultura.

Ang pluralismo ay higit pa sa pagbabahaginan ng ilang pagpapahalaga o pagkakasundo sa ilang isyung panlipunan. Parehong sumasang-ayon ang mga Buddhist at mga Kristiyano na mahalaga ang pagtulong sa mga nangangailangan, ngunit ang limitadong pagkakaisa ay hindi pluralismo. Ang pluralismo ay may kinalaman sa pagtitiwala sa katuruan ng ibang relihiyon at pagtanggap sa magkakaibang paniniwala patungkol sa Diyos at sa kaligtasan.

Bilang karagdagan, ang dalawa o higit pang relihiyon ay maaaring magbahaginan ng ilang paniniwala sa mga doktrina ngunit nananatiling magkaiba bilang sistema ng paniniwala. Halimbawa, nagkakasundo ang mga muslim at mga Kristiyano na isa lamang ang Diyos – ngunit ipinapaliwanag ng parehong relihiyon ang Diyos sa magkaibang paraan at naniniwala sa marami pang ibang hindi mapagkakasundong paniniwala.

Ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa pluralismo sa relihiyon? Una, kinikilala ng Bibliya na may iisa lamang Diyos (Deuteronomio 6:5). Kaya nga, ang pluralismo ay hindi sang-ayon sa katuruan ng Bibliya dahil tinatanggap ng pluralismo ang maraming pananaw tungkol sa Diyos o maraming diyos.

Ikalawa, itinuturo ng Bibliya ang exclusivism na may isa lamang daan upang makilala ang Diyos – sa pamamagitan ni Jesu Cristo. Sinasabi sa Juan 14:6 na si Kristo lamang ang daan, ang katotohanan at ang buhay at walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan Niya. Itinuro din ng mga apostol ang parehong mensahe sa Gawa 4:12, "Sa kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa buong daigdig na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas."

Ikatlo, laging kinokondena ng Bibliya ang ibang mga relihiyon na naniniwala sa mga diyus-diyusan na hindi naman talaga totoong Diyos. Halimbawa, sinasabi sa Josue 23: 16, "Kapag hindi kayo tumupad sa kasunduang ibinigay niya sa inyo, at kayo'y sumamba at naglingkod sa mga diyus-diyosan, paparusahan niya kayo."

Ang kalayaan sa relihiyon ay naggagarantiya na maaaring sumamba ng mapayapa ang maraming relihiyon at pinapahalagahan ng mga Kristiyano ang kalayaang ito dahil pinapahintulutan nito ang bukas na pagsamba sa Diyos. Sa isang banda, itinuturo ng pluralismo na pare-parehong totoo ang lahat ng relihiyon, isang bagay na malinaw na tinututulan ng Bibliya. Hinihimok natin ang kalayaang sumamba ng lahat ng relihiyon ngunit gayundin naman, itinuturo natin ang katuruan ng Bibliya na "iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus" (1 Timoteo 2:5).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano pluralismo sa relihiyon (religious pluralism)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries