settings icon
share icon
Tanong

Sa dami ng iba't ibang relihiyon ngayon, paano ko malalaman kung alin ang tama?

Sagot


Walang duda na ang napakaraming bilang ng iba't ibang relihiyon sa mundo sa panahon ngayon ang dahilan kung bakit napakahirap para sa isang naghahanap ng katotohanan na malaman kung alin sa kanila ang tama. Dapat muna nating ikunsidera ang ilang mga kaisipan sa paksang ito at titingnan natin kung paano natin ito tatalakayin upang makaabot tayo sa isang tamang pagkaunawa sa mga bagay patungkol sa Diyos. Ang hamon na hanapin ang kasagutan sa isang partikular na isyu ay hindi na bago sa paksa ng relihiyon. Halimbawa, kung bibigyan mo ang isandaang estudyante ng isang mahirap na palaisipan, malamang na marami ang makasasagot ng mali. Ngunit nangangahulugan ba ito na wala ng tamang sagot? Hindi naman. Kailangan lamang na ipakita sa mga nagkamali kung bakit mali ang kanilang sagot at turuan sila ng tamang pamamaraan upang masagot nila ng tama ang palaisipan.

Paano natin malalaman ang katotohanan tungkol sa Diyos? Gumagamit kami ng sistematikong metodolohiya na idinesenyo upang paghiwalayin ang tama at mali sa pamamagitan ng iba't ibang pagsusuri upang makita ang katotohanan at makarating kami sa tamang konklusyon. Ano kaya ang mangyayari kung pupunta ang isang siyentipiko sa laboratoryo at basta na lamang pagha-halo haluin ang nakita niyang mga kemikal ng walang dahilan at pagaaral? O kaya naman, ano ang mangyayari kung basta na lamang manggagamot ang isang doktor gamit ang kahit anong gamot ng walang kahit anong pagaaral sa bisa ng gamot na iyon sa pagasa na gagaling ang kanyang pasyente? Hindi gagawin ng isang siyentipiko at isang mangggamot ang ganitong sistema, sa halip gagamit sila ng sistematikong pamamaraan na metodikal, lohikal, may batayan at napatunayan upang magbigay sa kanila ng tamang resulta.

Sa parehong esensya bakit iisipin na ang teolohiya o ang pagaaral tungkol sa Diyos - ay hindi kagaya ng pagaaral ng isang siyentipiko o isang doktor? Bakit paniniwalaan na maaaring basta na lamang makikita ang katotohanan sa pamamagitan isang walang disiplina, mabilisan at hindi pinagaralang pamamaraan? Ang nakalulungkot, ito ang sistemang ginagamit ng iba at ito rin ang dahilan kung bakit napakarami na ng mga relihiyon sa mundo.

Balikan natin ngayon ang katanungan kung paano natin malalaman ang katotohanan at paano tayo makararating sa tamang konklusyon patungkol sa Diyos? Anong sistematikong metodolohiya ang dapat gamitin? Una dapat muna nating ilatag ang balangkas para sa pagsusuri sa mga katotohanan na inaangkin ng iba't ibang relihiyon at pagkatapos ay gagamit tayo ng isang mapa na ating susundan upang marating natin ang tamang konklusyon. Narito ang isang magandang balangkas na maaaring gamitin:

1. Hindi pabagu-bagong lohika (logical consistency)"Ang mga inaangkin ng isang sistema ng paniniwala ay nararapat na lohikal at nagkakasundo sa bawat isa at hindi kinokontra ang bawat katuruan sa anumang kaparaanan. Halimbawa, ang layunin ng Budismo ay ang paglaya sa lahat ng pagnanasa. Ngunit dapat na ang isang Buddhist ay magnasa na palayain ang sarili sa lahat ng pagnanasa na isang kontradiksyon sa kanila mismong layunin.

2. Kasapatan ng mga ebidensya (empirical adequacy) - may mga ebidensya ba na sumusuporta sa isang sistema ng paniniwala (maaring ang ebidensya ay rasyonal, personal, eksternal atbp.)? Tama lamang na maghanap ng ebidensya upang mapatunayan ang anumang mahahalagang katuruan na pinaghahawakan ng isang relihiyon. Halimbawa, itinuturo ng mga Mormons na si Hesus ay tumira sa North America, ngunit wala kahit isang ebidensya sa arkeolohiya o anu mang ebidensya ang sumusuporta sa paniniwalang ito.

3. Kaugnayan sa buhay (existential relevancy) "ang isang sistema ng paniniwala ay dapat na may kaugnayan sa realidad ng buhay na nararanasan ng tao sa araw araw at dapat na magresulta ito sa makabuluhang pagbabago sa buhay ng mga naniniwala. Halimbawa, itinuturo ng Deismo na inihagis lamang ng Diyos ang umiikot na mundo sa kalawakan at hindi na Siya nakialam sa anumang kaparaanan sa mga taong nabubuhay dito. Anong pagbabago ang magagawa ng ganitong paniniwala sa pang araw-araw na buhay ng mga naniniwala sa katuruang ito? Wala!

Ang balangkas sa itaas, kung ilalapat sa paksa ng relihiyon, ay makatutulong upang malaman ng isang tao ang tamang pananaw sa Diyos at masagot ang apat sa pinakamahalagang katanungan sa buhay.

1. Pinagmulan - saan tayo nanggaling?
2. Moralidad - paano tayo mamumuhay?
3. Kahulugan - ano ang layunin ng buhay?
4. Hantungan - saan tayo pupunta pagkatapos ng buhay?

Ngunit paano natin ilalapat ang mga balangkas na ito sa ating paghahanap sa Diyos? Ang baytang-baytang na sistema ng tanong at sagot ay isa sa pinakamabisang paraan na magagamit. Ang pagpapaliit ng listahan ng mga posibleng sagot sa mga tanong ay lilikha ng mga tanong na gaya ng sumusunod:

1. Mayroon ba talagang nagiisang katotohanan (absolute truth)?
2. Mapaghahalo ba ang katwiran at relihiyon?
3. Mayroon ba talagang isang Diyos?
4. Makikilala ba ang Diyos?
5. Si Hesus ba ay Diyos?
6. Nagmamalasakit ba ang Diyos sa akin?

Una, dapat nating malaman kung talagang may isa lamang katotohanan (absolute truth). Kung hindi, hindi tayo makatitiyak sa anumang bagay (espiritwal man o hindi) ay tayo'y magiging mga agnostiko na hindi tiyak kung malalaman natin ang isang bagay, o kaya tayo'y magiging pluralista, na tinatanggap ang lahat ng paniniwala dahil hindi natin alam kung ano ang katotohanan.

Ang tiyak na katotohanan ay ang katuruan na tumutugma sa realidad at nagsasabi kung ano talaga ang isang bagay. May mga nagsasabi na walang tiyak na katotohanan, ngunit ang posisyong ito ay walang patutunguhan kagaya sa pagtanggap ng pagkatalo ng hindi man lamang lumalaban. Halimbawa, sinasabi ng isang relativist, "Ang lahat ng katotohanan ay depende lamang sa tao at sitwasyon," ngunit ang tanong, ang pangungusap bang ito ay tiyak na tama? Kung oo, mayroon ngang tiyak na tama; kung hindi bakit kailangang isaalang alang ang kaisipang ito? Pinaninindigan ng mga naniniwala sa post-modernism na walang iisang katotohanan, ngunit naniniwala sila na kahit paano ay may isang katotohanan: na katotohanan ang post-modernism! Sa huli, hindi rin nila matanggihan ng may isang tiyak na katotohanan.

Sa karagdagan, ang tiyak na katotohanan ay nagiisa at inihihiwalay nito ang kanyang sarili salahat ng kasinungalingan. Halimbawa sa Matematika, ang dalawa dagdagan ng dalawa ay apat. Wala ng ibang sagot maliban dito. Ang ibang sagot ay tiyak na hindi totoo. Ang sagot na apat ang tiyak at nagiisang katotohanan (absolute truth). Ang pananaw na ito ay kritikal habang pinagkukumpara ang mga sistema ng paniniwala. Kung ang isang sistema ng paniniwala ay napatunayang totoo, lalabas na mali ang ibang paniniwala na sumasalungat sa mga inaangking katotohanan ng isang sistema ng paniniwala na napatunayang totoo. Gayundin, dapat nating tandaan na ang katotohanan ay hindi mababago o maapektuhan ng katapatan at pagnanais na sumunod sa katotohanan. Gayundin naman, kahit na gaano katapat ang isang tao sa paniniwala at pagyakap sa isang kasinungalingan, mananatili pa ring kasinungalingan ang kasinungalingan. Walang pagnanasa sa mundo na magpapaging tama sa isang mali ang magpapaging mali sa isang tama.

Ang sagot sa unang tanong ay may isang katotohanan lamang at maaari itong matagpuan. Dahil dito, ang agnosticism (hindi kayang malaman ang katotohanan), postmodernism (walang iisang katotohanan), relativism (ang lahat ay katotohanan) at skepticism (pagdududa sa katotohanan) ay mga maling posisyon.

Kung may isang katotohanan lamang, dadalhin tayo nito sa kasunod na tanong kung ang lohika (logic) ba ay magagamit sa pagpapaliwanag ng mga bagay tungkol sa relihiyon. May nagsasabi na hindi ito posible, ngunit bakit hindi? Ang totoo ang lohika o pangangatwiran ay napakahalaga sa pagsusuri ng mga espiritwal na katotohanan dahil tumutulong ito upang ating maunawaan kung bakit ang ibang katuruan ay dapat tanggihan at ang isa naman ay dapat yakapin. Ang lohika ay napaka kritikal sa pangangatwiran laban sa pluralismo (na nagsasabi na ang lahat ng katuruan ay totoo at magkakapantay kahit na nagsasalungatan sila sa isa't isa).

Halimbawa, inaangkin ng Islam at Judaismo na si Hesus ay hindi Diyos samantalang inaangkin ng Kristiyanismo na si Hesus ay Diyos. Ang isang pangunahing batas ng lohika ay ang batas ng hindi pagkakasalungatan na nagsasabi na ang dalawang "B" ay hindi parehong "A" at ang "A" ay hindi maaaring maging "B". Hindi maaaring si Hesus ay Diyos at hindi rin Diyos. Kung gagamitin ng tama, ang lohika ay isang pamatay na sandata laban sa pluralismo dahil malinaw nitong inilalarawan na ang dalawang magkasalungat na katotohanan ay hindi maaring parehong katotohanan. Ang pangunawang ito ang bubuwag sa maling pananaw na "ang totoo sa iyo ay hindi totoo sa akin."

Pinabubulaanan din ng lohika ang pananaw na "ang lahat ng ilog ay patungo sa dagat" na ginagamit ng mga pluralista. Ipinakikita ng lohika na ang bawat sistema ng paniniwala ay may sariling mga pananda na nagtuturo sa magkakaibang direksyon. Ipinakikita ng lohika na ang tamang ilustrasyon para sa paghahanap ng espiritwal na katotohanan ay gaya sa isang maze, may isa lamang daan na makararating sa dulo habang ang ibang daan ay hahantong sa dead end. Maaring may mga pagkakatulad sa panlabas ang magkakaibang pananampalataya ngunit nagkakaiba-iba sila sa maraming paraan sa mga pangunahing katuruan.

Kaya't ang konklusyon ay maaaring gamitin ang pangangatwiran at lohika patungkol sa mga bagay na pangrelihiyon. Kaya nga dahil dito ang pluralismo (ang paniniwala na tama ang lahat ng katuruan o "papunta naman ang lahat ng ilog sa dagat") ay isang maling pangangatwiran dahil ito ay ilohikal at ang magkasalungat na katotohanan ay hindi maaaring maging parehong katotohanan.

Ang sunod na katanungan ay, "Mayroon bang isang Diyos"? Ang mga ateista at naturalista (na hindi tinatanggap na totoo ang mga bagay na hindi nararamdaman o nakikita ng mata) ay nagsasabi na walang Diyos. Sa kabila ng napakarami ng mga aklat ang nasulat at napakaraming debate na ang naganap sa kasaysayan, hindi mahirap sagutin ang katanungang ito. Bakit mayroon tayo ng mga bagay sa halip na wala? Sa ibang salita, paano lumabas ang mga bagay at ang tao sa mundo? Ang pagpapatunay na mayroong Diyos ay maaaring ilahad sa isang simpleng kaparaanan gaya nito:

1) Isang bagay ang biglang lumitaw.
2) Hindi lilitaw ang isang bagay kung walang nagpalitaw.
3) Kaya, may isang eternal na persona na nabubuhay bago lumitaw ang bagay na iyon.

Hindi mo maaaring tanggihan ang pagkakaroon ng Diyos dahil kailangan mo munang lumitaw bago mo matanggihan ang iyong paglitaw, kaya ang unang saligan ay totoo. Walang naniniwala na may lilitaw mula sa wala (o walang malilikha sa sangkalawakan kung wala ang lumikha), kaya totoo din ang ikalawang saligan. Kaya nga ang ikatlong saligan ay totoo rin - may isang eternal na persona na responsable para sa paglitaw ng lahat ng mga bagay.

Ito ang paniniwala na hindi kayang tanggihan ng isang nagiisip na ateista; inaangkin nila na ang kalawakan lang ang walang hanggan. Gayunman, may problema sa posisyong ito dahil may mga ebidensya sa siyensya na may pasimula ang kalawakan (ang teorya ng Big Bang). Ang lahat ng may simula ay may pinagmulan; ang kalawakan ay may pinagmulan at dahil dito hindi ito eternal o walang hanggan. Dahil dalawa lamang ang maaaring ipagpalagay na eternal, ang eternal na kalawakan (na napatunayang hindi totoo) at isang eternal na Manlilikha. Ang tanging lohikal na konklusyon ay, may Diyos na Siyang lumikha ng lahat ng bagay. Ang katotohanang ito ng pagkakaroon ng Diyos ang gigiba sa ateismo bilang isang sistema ng paniniwala.

Ngayon, walang sinasabi ang konklusyong ito tungkol sa kung anong uri ng Diyos ang umiiral, ngunit nakamamangha na ang paniniwalang ito ang gumigiba rin naman sa mga pantheistic na sistema ng paniniwala (ang lahat ng bagay ay diyos). Pinaniniwalan ng mga pantheists na ang kalawakan mismo ay Diyos at ito'y walang hanggan. Mali ang paniniwalang ito. Kaya mali din ang Hinduismo, Budismo, Jainismo at ang iba pang pantheistic na relihiyon.

Dahil dito, nalaman natin ang mga kahanga-hangang bagay tungkol sa Diyos na lumikha ng kalawakan. Siya ay:

" Supernatural sa Kanyang kalikasan (Dahil umiiral Siya hiwalay sa Kanyang mga nilikha)
" Lubos ang Kapangyarihan (upang likhain ang lahat ng mga bagay)
" Eternal (nabubuhay sa Kanyang sarili at hindi sakop ng espasyo at panahon)
" Omnipresente (Siya ang lumikha ng espasyo kaya hindi Siya nalilimitahan nito)
" Hindi nagbabago (nilikha Niya ang panahon kaya paano Siya mababago ng panahon?)
" Imateryal (dahil hindi Siya nalilimitahan ng espasyo)
" Personal (ang hindi personal na Diyos ay hindi makakalikha ng nilikhang may personalidad)
" Kinakailangan (dahil umaasa ang lahat sa Kanya)
" Nagiisa at walang hanggan (hindi maaaring magkaroon ng dalawang walang hanggan)
" May pagkakaibaiba ngunit may pagkakaisa (ipinapakita ng kalikasan ang pagkakaiba iba)
" Matalino (upang gawin ang lahat ng mga bagay)
" May layunin (dahil ginawa Niya ang lahat ng bagay para sa isang layunin)
" Moral (Walang batas ang magagawa kung walang tagapagbigay ng batas)
" Nagmamahal (kung hindi, hindi Siya magbibigay ng mga batas para maging pamantayan ng moralidad)

Ang Diyos na ito ay nagpapakita ng mga katangian na hawig sa Diyos ng Judaismo, Islam at Kristiyanismo, na tanging mga relihiyong natitira pagkatapos na matanggal ang ateismo (paniniwala na walang Diyos) at panteismo (paniniwala na ang lahat ng bagay ay diyos). Pansinin na ang isa sa mga napakahalagang katanungan ng pinagmulan ng buhay ay nabigyang kasagutan din: alam na natin kung saan tayo nanggaling. Tayo ay nanggaling sa Diyos.

Ang sunod na tanong ay, makikilala ba natin ang Diyos? Sa puntong ito, ang pangangailangan ng relihiyon ay napalitan ng higit na mahalaga - ang pangangailangan ng kapahayagan ng Diyos. Kung gusto ng tao na makilala ang Diyos, nasa sa Diyos ang desisyon kung ipakikilala ang Kanyang sarili sa Kanyang mga nilikha. Ang Judaismo, Islam at Kristiyanismo ay nagaangkin ng isang aklat na naglalaman ng mga kapahayagan ng Diyos sa tao, ngunit ang malaking tanong, alin sa mga ito ang totoo? Kung isasantabi ang mga pagkakaiba, ang dalawang pangunahing aspeto ng pagtatalo ay ito: 1) ang Bagong Tipan 2) at ang persona ni Hesu Kristo. Sinasabi pareho ng Islam at Judaismo na ang Bagong Tipan ay hindi totoo at pareho din nilang tinatanggihan na si Hesus ay ang Diyos na nagkatawang tao, samantalang naninindigan ang Kristiyanismo sa katotohanan ng mga ito.

Walang relihiyon o sistema ng pananampalataya sa buong mundo ang makakatapat sa mga ga-bundok na ebidensya sa katotohanan ng Kristiyanismo. Mula sa mga napakaraming sinauna at orihinal na manuskrito, hanggang sa pagsulat ng mga aklat ng mga buhay na saksi (ang ilan ay sumulat 15 taon pagkatapos ng kamatayan ni Hesus), sa napakaraming mga pahayag (9 na manunulat ng 27 na aklat ng Bagong Tipan), hanggang sa mga ebidensya sa arkeolohiya - na wala kahit isa ang sinalungat ang kahit isa sa mga itinuturo ng Bagong Tipan, maging ang katotohanan na ang mga apostol ay namatay na pinapangatawanan na nasaksihan nila ang mga gawa ni Hesus at ang Kanyang pagkabuhay na muli mula sa mga patay, ang Kristiyanismo ang may pinakamataas na pamantayan sa paggamit ng mga ebidensya upang patunayan ang mga inaangkin nitong katuruan. Ang katunayan ng Bagong Tipan sa kasaysayan - at ang pagpapahayag nito ng mga makatotohanang kwento ng mga aktwal na pangyayari - ang tanging tamang konklusyon ay totoo ang Bagong Tipan at at si Hesus ay Diyos na nagkatawang tao, pagkatapos na pagaralan ang lahat ng mga ebidensya.

Pagdating kay Hesus, mapupuna ng isang tao ang isang bagay na kapansin pansin tungkol sa Kanya - inaangkin Niya na Siya ang Diyos sa laman! Ang mismong mga salita ni Hesus (halimbawa: "Bago si Abraham ay AKO NA"), ang Kanyang mga gawa (halimbawa: ang Kanyang pagpapatawad sa mga kasalanan at pagtanggap sa pagsamba ng tao), ang Kanyang banal at mahimalang buhay (na Kanyang ginamit upang patunayan ang Kanyang pagaangkin ng katotohanan laban sa mga lumalaban sa Kanya) at ang Kanyang pagkabuhay na muli ay sumusuporta sa Kanyang pagaangkin na Siya ay Diyos. Pinatutunayan ng mga manunulat ng Bagong Tipan ang mga katotohanang ito ng paulit ulit sa kanilang mga sulat.

Ngayon, kung si Hesus ay Diyos, ang Kanyang sinasabi ay pawang katotohanan. At kung sinabi ni Hesus na ang Bibliya ay walang pagkakamali sa lahat ng sinasabi nito (tungkol sa Kanyang persona at mga ginawa), ito'y nangangahulugan na ang Bibliya ay totoo at ang itinuturo nito ay pawang katotohanan. Gaya ng ating nalaman, walang dalawang bagay na magkasalungat ang parehong totoo. Kaya ang anumang katuruan ng Koran ng Islam at ng mga kasulatan ng Judaismo na sumasalungat sa katuruan ng Bibliya ay hindi totoo. Sa katotohanan, parehong nabigo ang Islam at Judaismo dahil pareho nilang sinasabi na si Hesus ay hindi Diyos na nagkatawang tao, habang pinatutunayan ng mga ebidensya na katotohanan ang katuruang ito. At dahil tunay na makikilala natin ang Diyos (dahil ipinahayag Niya ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng Kanyang nasulat na Salita at sa pamamagitan ng pagkakatawang tao ni Hesus), ang agnostisismo o kawalang katiyakan tungkol sa mga bagay ng Diyos ay sinasasalungat nito. Sa huli, isa pang mahalagang katanungan ang nasagot - at ito ay tungkol sa paraan ng pamumuhay - dahil ang Bibliya ay naglalaman ng malinaw na instruksyon kung paano dapat mamuhay ang mga tao.

Ang parehong Bibliya ang nagproklama na iniibig ng Diyos ang sanlibutan at nagnanais Siya na atin Siyang kilalanin sa isang personal na kaparaanan. Ang totoo, inibig Niya ang tao ng gayon na lamang ng naging tao ang Diyos upang ipakita sa Kanyang mga nilikha kung ano ang mga katangian ng Diyos. Maraming mga tao ang nagnais na maging Diyos, ngunit ang Diyos ay nagnais na maging tao upang iligtas ang Kanyang mga iniibig mula sa walang hanggang pagkahiwalay sa Kanya. Ang katotohanang ito ay inilarawan ng kaugnayan ng Kristiyanismo sa buhay ng tao at gayundin ang pagbibigay kasagutan sa dalawang huling mahalagang katanungan sa buhay - ang kahulugan ng buhay at hantungan ng tao. Ang bawat tao ay nilikha ng Diyos para sa isang layunin, at ang bawat isa ay may hantungan na naghihintay para sa kanya - ang isang buhay na walang hanggan kasama ang Diyos o walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos. Ang pagkakatawang tao ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo ang nagwawasak sa katuruan ng Deismo na nagsasabi na ang Diyos ay hindi interesado sa kapakanan ng sangkatauhan.

Panghuli, nakita natin na ang tiyak na katotohanan (absolute truth) tungkol sa Diyos ay matatagpuan tulad sa isang palaisipan na matagumpay na nabigyang solusyon sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga inaangkin ng iba't ibang sistema ng paniniwala. Sistematikong mapapabulaanan natin ang mga kasinungalingan upang ang katotohanan lamang ang manatili sa pamamagitan ng paggamit ng hindi pabagu-bagong lohika (logical consistency), sapat na mga ebidensya (empirical adequacy) at kaugnayan sa buhay (existential relevancy) na sinamahan ng pagtatanong ng mga tamang tanong na nagbubunga ng makatotohanan at makatwirang konklusyon tungkol sa relihiyon at sa Diyos. Dapat sumang ayon ang lahat na ang tanging dahilan upang paniwalaan ang isang bagay ay dahil totoo iyon hindi sa anupamang kadahilanan. Ang tunay na paniniwala ay isang bagay na pinagpapasyahan at kahit gaano katibay ang mga ebidensya na ipinrisinta, nakalulungkot na may ilan pa rin na pipiliin na tanggihan ang Diyos at dahil dito, hindi nila matatagpuan ang nagiisang tunay na daan patungo sa pakikipagkasundo sa Diyos. "Sumagot si Jesus, "Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko" (Juan 14:6).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sa dami ng iba't ibang relihiyon ngayon, paano ko malalaman kung alin ang tama?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries