settings icon
share icon
Tanong

Ano ang repormasyon ng mga Protestante?

Sagot


Upang maunawaan ang kasaysayan ng simbahang Protestante at repormasyon, mahalagang maunawaan muna ang isa sa mga doktrina ng Simbahang Katoliko tungkol sa pagsasalin ng awtoridad ng mga apostol sa kanilang mga kahalili. Ito'y nangangahulugan na isinalin ng mga apostol partikular ni Pedro, ang kaniyang kapangyarihan at kapamahalaan sa mga papa at dahil dito, mayroon silang natatanging awtoridad sa ibang mga simbahan at denominasyon. Ayon sa Diksyonaryo ng mga Katoliko, ang paglilipat ng kapangyarihan ng mga apostol sa kanilang mga kahalili hanggang sa kasalaukuyang papa ay matatagpuan lamang sa Simbahang Katoliko at walang ibang simbahan o iglesya na hiwalay sa Simbahang Katoliko ang maaaring magangkin ng awtoridad na ito.

Dahilan sa katuruang ito ng pagmamana ng kapangyarihan ng mga apostol kaya inaangkin ng Simbahang Katoliko ang natatanging awtoridad sa pagunawa sa Bibliya at sa paggawa ng mga doktrina gayundin ang pagkakaroon ng pinakamataas na tagapanguna sa katauhan ng papa na hindi nagkakamali sa kanyang sinasabi at mga itinuturo o ang tinatawg na "ex-cathedra" — sa kanyang pagganap sa kanyang tungkulin bilang pastor at guro ng lahat na mga Romano Katoliko. Kaya, ayon sa pananaw ng Simbahang Romano Katoliko, ang mga tradisyon o mga katuruan na itinuro o nanggaling sa mga papa ay hindi maaaring magkamali at may awtoridad na kapantay ng Bibliya. Ito ang isa sa mga pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng mga Romano Katoliko at mga Protestante, at isa sa mga pangunahing dahilan ng repormasyong Protestante.

Ngunit hindi lang ang Simbahang Katoliko ang nagaangkin na may natatanging awtoridad sa pamamagitan ng pagsasalin ng awtoridad ng mga apostol o sa pagtunton sa kanilang pinagmulan mula sa mga orihinal na mga apostol. Halimbawa, maging ang Eastern Orthodox Church ay nagaangkin din ng pagmamana ng awtoridad at kapangyarihan ng mga apostol. Halos pareho sa Simbahang Katoliko ang kanilang katuruan. Ang paghihiwalay sa pagitan ng Romano Katolisismo at Eastern Orthodox ay naganap noong 1054 A.D. dahil sa tinatawag na "Great Schism" o “malaking pagkakabaha-bahagi.” May mga denominasyon din sa grupo ng mga Protestante na nagsisikap na tuntunin ang kanilang pinanggalingan mula sa unang iglesya noong unang siglo hanggang sa panahon ng mga apostol. Habang hindi naniniwala ang mga protestanteng ito sa pagsasalin ng kapangyarihan ng mga apostol sa kanilang mga kahalili upang itatag ang kapamahalaan ng isang itinuturing na ‘papa,’ inuugat din nila ang kanilang koneksyon sa unang iglesya sa mas mababang antas upang patunayan ang awtoridad ng kanilang pananampalataya at mga gawaing pangrelihiyon.

Ang problema sa pagtunton sa linya ng mga apostol ng mga Romano Katoliko, maging ng Eastern Orthodox o Protestante ay sinisikap nilang suportahan ang kanilang awtoridad sa pamamagitan ng paghahanap sa maling pinanggagalingan ng awtoridad sa halip na patunayan ang kanilang awtoridad sa pamamagitan ng Salita ng Diyos. Mahalagang maunawaan ng mga Kristiyano na ang direktang pagkakaroon ng kaugnayan sa mga apostol ay hindi kailangan upang magkaroon ng awtoridad o kapangyarihan ang isang denominasyon o simbahan. Ibinigay ng Diyos at iningatan ang pinakamataas na awtoridad sa lahat ng pananampalataya at mga gawaing panrelihiyon - ang Salita ng Diyos o ang Bibliya. Kaya nga, ang awtoridad ng isang iglesya o denominasyon ay hindi nanggagaling sa kaugnayan nito sa iglesya noong unang siglo o sa mga apostol. Sa halip, ang awtoridad ng isang iglesya o denominasyon ay dapat na manggaling sa nasusulat na Salita ng Diyos - ang Bibliya. Ang katuruan ng isang iglesya o denominasyon ay may awtoridad at may bisa lamang kung kinakatawan nila ang tunay na kahulugan at malinaw na katuruan ng Salita ng Diyos. Isa itong mahalagang bagay na dapat na maunawaan pagdating sa kaugnayan sa pagitan ng mga Protestante at Romano Katoliko at ito rin ang pangunahing dahilan kung bakit nagkaroon ng repormasyong Protestante.

Upang maunawaan ang kasaysayan ng Kristiyanismo at ang pagaangkin ng Simbahang Katoliko ng pagsasalin ng awtoridad ng mga apostol maging ang pagaangkin nito ng pagiging nag-iisang tunay na simbahan na may natatanging kapamahalaan, mahalagang maunawaan natin ang dalawang pangunahing puntos. Una, dapat nating maunawaan na maging noong panahon ng mga apostol at ng unang iglesya noong unang siglo, malaki ng problema ang pagkakaroon ng mga bulaang guro at ng mga maling katuruan. Alam natin ito dahil maraming babala laban sa mga hidwang pananampalataya at bulaang guro ang makikita sa Bagong Tipan. Nagbabala mismo ang Panginoong Hesus na ang mga bulaang gurong ito ay magiging gaya sa "mga lobong maninila na nagdadamit ng tupa" (Mateo 7:15), at magsasama ang mga damo at trigo sa isang bukid hanggang sa paghiwalayin sila sa Araw ng Paghuhukom kung saan ihihiwalay Niya ang mga ligtas mula sa mga mapapahamak, ang mga tunay na "isinilang na muli" mula sa mga hindi totoong tumanggap kay Hesus (Mateo 13:24-30). Mahalaga ito sa pang-unawa sa kasaysayan ng simbahan, dahil halos mula pa sa umpisa, pinasok na ng mga bulaang guro at ng kanilang mga maling turo ang iglesya at iniligaw ang marami. Sa kabila nito, laging mayroong tunay na isinilang na muli na nananangang matibay sa doktrina ng kaligtasan sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo lamang sa lahat ng panahon, kahit na sa pinakamadilim na bahagi ng kasaysayan ng Kristiyanismo.

Ang ikalawang paraan upang maunawaan natin ng tama ang kasaysayan ng iglesya ay ang malaman na ang salitang Katoliko ay simpleng nangangahulugan lamang na "pangkalahatan." Mahalaga ito dahil sa mga naunang sulat ng mga Kristiyano noong una at ikalawang siglo, kung ginagamit nila ang salitang "Katoliko," ito ay tumutukoy sa "pangkalahatang iglesya" o sa "katawan ni Kristo" na kinabibilangan ng mga mananampalataya na isinilang na muli mula sa bawat lahi, wika at bansa (Pahayag 5:9; 7:9). Ngunit gaya ng ibang mga salita, kalaunan ang salitang "Katoliko" ay nagkaroon ng bagong kahulugan at ginamit sa paglalarawan ng isang bagong kaisipan. Sa huli, ang konsepto ng isang "pangkalahatan" o “katolikong iglesya” ay nagbago sa konsepto na ang lahat ng iglesya ay magsama-sama sa iisang grupo ng pananampalataya, hindi sa paraang espirtiwal kundi sa pisikal at kumalat ito sa buong mundo. Ang maling pagkakaunawang ito sa kalikasan ng nakikitang iglesya (na laging kinabibilangan ng mga damo at trigo o ng mga ligtas at hindi tunay na ligtas) at ng hindi nakikitang iglesya (na laging kinabibilangan ng mga tunay na ligtas o tunay na mananampalataya) ay naging konsepto na isang nakikita at tinawag na banal na Katolikong Simbahan na sa labas nito ay walang kaligtasan. Ang konseptong ito ay nagmula sa maling pagkaunawa sa kalikasan ng pangkalahatang iglesya na siyang naging Simbahang Katoliko Romano.

Bago maging tagasuporta ng Kristiyanismo si Emperador Constantino noong 315 A.D., laging pinag-uusig ang mga Kristiyano ng pamahalaan ng Roma. Noong maging tagasuporta siya ng Kristiyanismo, ginawa niyang isang legal na relihiyon ang Kristiyanismo sa Roma (hanggang sa kalaunan, ito ang naging opisyal na relihiyon ng bansang Roma) at naging kaisa sa kapangyarihan ng pamahalaang Roma. Ang pagsasamang ito ng estado at simbahan ang naging daan sa pagtatatag ng Simbahang Katoliko Romano at kalaunan, nilinang ng Simbahang Katoliko Romano ang mga doktrina nito upang suportahan ang layunin ng pamahalaan ng Roma. Sa panahong ito, ang paglaban sa Simbahang Katoliko Romano ay katumbas ng paglaban sa pamahalaan ng Roma at nagdudulot sa mga lumalaban ng mahigpit na parusa. Kaya kung tumututol ang isang tao sa ilang mga doktrina ng Simbahang Katoliko Romano, ito ay isang seryosong kaso na laging nagbubunga sa pagtitiwalag sa Simbahan at minsan ay humahantong pa sa kamatayan.

Gayunman, sa buong kasaysayan ng iglesya, laging may mga totoong Krsitiyano na mga isinilang na muli na bumabangon at lumalaban sa sekularisasyon ng Simbahang Katoliko Romano at sa pagpilipit sa pananampalataya na kanilang pinaniniwalaan. Sa kumbinasyon ng simbahan at estado, epektibong napatahimik ng simbahang Katoliko ang mga kumukwestyon at lumalaban sa mga doktrina at mga gawain nito at naging tunay na pangkalahatang iglesya ang Romano Katolisismo sa buong imperyo ng Roma. Laging may mga maliliit na kilusan na lumalaban sa ilang mga paniniwala at gawain ng Katoliko Romano na hindi sinasang-ayunan ng Bibliya ngunit maliliit lamang ang mga ito at magkakahiwalay. Bago ang repormasyong Protestante nong ika-labing anim na siglo, may mga lalaki gaya ni John Wyclife ng England, John Hus ng Czechoslovakia, at John Wessel ng Germany, na ibinigay ang kanilang buhay sa paglaban sa mga maling katuruan ng simbahang Katoliko Romano.

Dumating ang malakihang paglaban sa Simbahang Katoliko Romano at sa mga maling katuruan nito noong ika 16 siglo ng ang isang Romano Katolikong Monghe na si Martin Luther ay nagpaskel ng kanyang 95 theses laban sa mga maling katuruan ng simbahang Katoliko Romano sa pintuan ng Simbahan ng Castle sa Wittenberg, Germany. Ang intensyon ni Luther ay upang magkaroon ng reporma sa Simbahang Katoliko Romano at sa proseso ay hinamon niya ang awtoridad ng papa. Sa pagtanggi ng simbahang Katoliko Romano sa tawag ng repormasyon ni Martin Luther upang bumalik sa orihinal na katuruan ng Bibliya, nagumpisa ang repormasyong Protestante na pinagmulan ng apat na grupo: ang Lutheran, Reformed, Anabaptist at Anglican. Sa panahong ito, nagtaas ang Diyos ng mga makadiyos na lalaki sa iba't ibang bansa upang ibalik muli ang iglesya sa buong mundo sa orihinal na pinanggalingan nitong katuruan at gawain.

Sa likod ng repormasyong Protestante, may apat na pangunahing katanungan o doktrina na pinaniniwalaan ng mga tagapanguna ng repormasyon na nalisya sa katotohanan. Ang apat na katanungang ito ay: Paano naliligtas ang tao? Kanino matatagpuan ang awtoridad ng relihiyon? Ano ang iglesya o simbahan? At paano ang pamumuhay bilang isang Kristiyano? Upang masagot ang mga katanungang ito, ang mga tagapanguna ng repormasyon gaya nina Martin Luther, Ulrich Zwingli, John Calivin, at John Knox ay gumawa ng kapahayagan ng pananampalaya na tinatawag na "5 Solas" (ang sola ay isang salitang Latin na nangangahulugang "lamang"). Ang limang puntos na ito ng doktrina ang puso ng repormasyon na pinanghawakan ng mga repormista laban sa Simbahang Katoliko Romano upang labanan ang mga babala sa kanila na bawiin ang kanilang paninindigan, kung hindi ay maaaring maging sanhi iyon ng kanilang kamatayan. Ang limang mahalagang doktrinang ito ng repormasyong Porotestante ay ang mga sumusunod:

1-"Sola Scriptura," o ang “Bibliya lamang” - Pinagtitibay nito ang katuruan ng Bibliya na tanging ang Bibliya o ang nasulat na Salita ng Diyos lamang ang nagiisang pamantayan ng lahat ng katuruan at gawain sa pananampalatayang Kristiyano. Ang Kasulatan lamang ang pamantayan kung saan dapat salain ang mga katuruan at doktrina ng iglesya. Gaya ng malinaw na sinabi ni Martin Luther ng utusan siya na iatakwil ang kanyang katuruan: "hanggat hindi ako ganap na nakukumbinsi ng Kasulatan at ng simpleng katwiran — hindi ko tinatanggap ang awtoridad ng papa at ng mga konseho, sapagkat sinasalungat nila ang isa't isa — ang aking konsensya ay bilanggo ng Salita ng Diyos. Hindi ko kaya at hindi ko itatakwil ang aking pinaniniwalaan dahil hindi tama at hindi ligtas na labanan ko ang aking konsensya. Tulungan nawa ako ng Diyos. Amen"

2—"Sola Gratia," o “Kaligtasan dahil lamang sa Biyaya” - Pinagtitibay nito ang katuruan ng Bibliya na ang kaligtasan ay sa biyaya lamang ng Diyos at naligtas tayo sa poot ng Diyos dahil lamang sa Kanyang biyaya. Hindi lamang kinakailangan ng tao ang biyaya ng Diyos kay Kristo kundi ito lamang ang tanging dahilan ng kaligtasan. Ang biyayang ito ay ang supernatural na gawain ng Banal na Espiritu na nagdadala sa atin kay Kristo sa pamamagitan ng pagpapalaya sa atin sa pagkaalipin sa kasalanan at pagbuhay sa atin mula sa kamatayang espiritwal.

3—"Sola Fide," o “Pagpapawalang sala sa pamamagitan lamang ng pananampalataya” - Pinagtitibay nito ang katuruan ng Bibliya na ang pagpapawalang sala ay biyaya ng Diyos sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Kristo. Sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Kristo ipinagkakaloob sa atin ang Kanyang katwiran na siyang tanging nagbigay kasiyahan sa perpektong hustisya ng Diyos.

4—"Solus Christus," o“kay Kristo lamang” - Pinagtitibay nito ang katuruan ng Bibliya na kay Kristo lamang matatagpuan ang kaligtasan at ang kanyang banal na buhay at paghalili sa atin sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus ang sapat na pambayad sa Diyos para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan at pakikipagkasundo natin sa Diyos Ama. Hindi ipangangaral ang Ebanghelyo kung hindi ipinahayag ang paghalili sa tao sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo at sa pamamagitan ng pangangaral sa Ebanghelyo ni Kristo lamang magkakaroon ang tao ng tunay na pananampalataya.

5—"Soli Deo Gloria" o "Para lamang sa kaluwalhatian ng Diyos" — Pinagtitibay nito ang katuruan ng Bibliya na ang kaligtasan ay mula sa Diyos at ginanap ng Diyos para lamang sa Kanyang kaluwalhatian. Pinagtitibay nito na bilang mga Kristiyano, dapat nating luwalhatiin ang Diyos sa tuwina at mamuhay hanggang wakas na nagbibigay luwalhati sa Diyos, sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, at para lamang sa kaluwalhatian ng Diyos.

Ang limang mahalaga at saligang doktrinang ito ang dahilan ng repormasyong Protestante. Ang limang ito ay nagpapakita ng kamalian ng simbahang Katoliko Romano at ang dahilan kung bakit kinakailangan na papanumbalikin ang mga iglesya sa buong mundo sa tamang doktrina at katuruan ng Bibliya. Napakahalaga rin ng limang ito sa pagsubok sa iglesya at sa mga katuruan nito kung pareho ang mga iyon sa katuruan ng orihinal na iglesya. Sa maraming kaparaanan, marami din sa mga Kristiyanong Protestante sa kasalukuyan ang dapat na hamunin upang bumalik sa mga katuruang ito ng pananampalatayang Kristiyano tulad sa kung paanong hinamon ng mga repormista ang simbahang Romano Katoliko noong ikalabing- anim na siglo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang repormasyon ng mga Protestante?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries