settings icon
share icon
Tanong

Sino ang responsable sa kamatayan ni Cristo? Sino ang pumatay kay Jesus?

Sagot


Maraming mukha ang sagot sa katanungang ito. Una, walang duda na responsable ang mga lider ng relihiyon ng Israel sa kamatayan ni Jesus. Sinasabi sa atin sa Mateo 26:3-4, "Ang mga punong pari at ang mga pinuno ng bayan ay nagkakatipon noon sa palasyo ng pinakapunong pari na si Caifas. Binalak nilang ipadakip si Jesus nang lihim at ipapatay." Hiniling ng mga pinunong Judio sa mga Romano na parusahan si Jesus ng parusang kamatayan (Mateo 27:22-25). Hindi na nila hahayaan pa na magpatuloy si Jesus sa paggawa ng mga himala at kababalaghan dahil natatakot silang maagawan Niya ng posisyon sa sosyedad at makuha ang atensyon at pagsunod ng mga tao (Juan 11:47-50) kaya "pinagplanuhan nila na ipapatay si Jesus" (Juan 11:53).

Ang mga Romano ang aktwal na nagpapako kay Jesus sa krus (Mateo 27:27-37). Ang pagpapako sa krus ang paraan ng mga Romano sa pagpatay sa mga nagkasala at nagpapahintulot at nagsasagawa ng pagpaparusa sa ilalim ng awtoridad ni Pontio Pilato, ang Romanong gobernador na humatol ng parusang kamatayan kay Jesus. Ang mga Romanong sundalo ang nagpako sa mga kamay at paa ni Jesus at ang tropa ng sundalong Romano ang nagtayo ng krus at isang Romanong sundalo ang sumibat sa Kanyang tagiliran (Mateo 27:27-35).

Kasabwat din ang mga mamamayang Judio sa pagpatay kay Jesus. Sila ang sumigaw ng "ipako Siya sa krus, Ipako Siya sa krus!" habang nakatayo Siya at nililitis sa harapan ni Pilato (Lukas 23:21). Sumigaw din sila na palayain si Barabas sa halip na si Jesus (Mateo 27:21). Kinumpirma ito ni Pedro sa Gawa 2:22-23 ng kanyang sabihin sa mga lalaki ng Israel, "Ang Jesus na ito, na ipinagkanulo sa inyo ayon sa pasya at kaalaman ng Diyos sa mula't mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga taong masasama." Sa katunayan, ang pagpatay kay Jesus ay isang sabwatan sa pagitan ng bansang Roma, ni Herodes, ng mga pinuno ng mga Judio, at ng mga mamamayan ng Israel na binubuo ng iba't ibang grupo ng tao na hindi nagkaisa sa anumang usapin simula ng sila'y mapailalim sa pamamahala ng Roma ngunit nagkaisa sa pagkakataong ito para pagplanuhan at isakatuparan ang isang layunin: ang pagpatay sa Anak ng Diyos.

Panghuli at maaaring nakamamangha, ang Diyos Ama mismo ang nagpapatay kay Jesus. Ito ang pinakadakilang gawain ng paglalapat ng hustisya ng Diyos na Kanyang isinakatuparan "ayon sa pasya at kaalaman ng Diyos sa mula't mula pa" (Gawa 2:23) para sa isang napakadakilang layunin. Ang kamatayan ni Jesus sa krus ang nagbigay ng katiyakan ng kaligtasan sa hindi mabilang na mga tao at nagkaloob ng tanging daan para mapatawad ng Diyos ang kasalanan ng mga tao ng hindi nawawalang saysay at naisasantabi ang Kanyang kabalanan at perpektong katuwiran. Ang kamatayan ni Cristo sa krus ang perpektong plano ng Diyos para sa walang hanggang katubusan ng lahat ng sa Kanya. Hindi ito isang tagumpay para kay Satanas, gaya ng inaakala ng iba, o isang hindi kinakailangang trahedya. Sa halip ito ay ang pinakamabiyayang gawa ng Diyos na nagpapakita ng Kanyang kabutihan at kaawaan, ang pinakadakilang pagpapahayag ng pag-ibig ng Diyos Ama sa mga makasalanan. Ipinapatay ng Diyos Ama si Jesus para sa ating mga kasalanan upang mabuhay tayo sa kabanalan at katuwiran sa Kanyang harapan, isang katuwiran na magiging posible lamang sa pamamagitan ng krus ni Cristo. "Hindi nagkasala si Cristo, ngunit alang-alang sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pakikipag-isa natin sa kanya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos" (2 Corinto 5:21).

Kaya nga, tayong mga lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya ay pinawalang sala dahilan sa Kanyang dugo na nabuhos doon sa krus. Namatay Siya para bayaran ang ating kaparusahan dahil sa ating mga kasalanan (Roma 5:8; 6:23).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino ang responsable sa kamatayan ni Cristo? Sino ang pumatay kay Jesus?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries