Tanong
Ano ang reyna ng kahalayan / mahiwagang Babilonia?
Sagot
Kasama sa pangitain ni Juan sa aklat ng Pahayag ang simbolikong paglalarawan sa isang persona na kilala sa tawag na “Mahiwagang Babilonia” o “Reyna ng Kahalayan (MBB)” o “Ina ng mga patutot (KJV).” Inilarawan sa Pahayag 17:1–2 ang isang pangitain: “Pagkatapos, ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok ay lumapit sa akin at sinabi niya, “Halika, ipapakita ko sa iyo kung paano paparusahan ang reyna ng kahalayan na nakaupo sa ibabaw ng maraming tubig. Ang mga hari sa lupa ay nakiapid sa babaing ito, at ang lahat ng tao sa sanlibutan ay nilasing niya sa alak ng kanyang kahalayan.” Ibinigay sa Pahayag 17:5 ang kanyang pangalan: “At sa kaniyang noo ay nakasulat ang isang pangalan, HIWAGA, DAKILANG BABILONIA, INA NG MGA PATUTOT AT NG MGA KASUKLAMSUKLAM SA LUPA (KJV).”
Ayon sa Pahayag 17:3, ang patutot sa pangitain ay “isang babaing nakasakay sa isang pulang halimaw. Ang halimaw ay may pitong ulo at sampung sungay. Nakasulat sa buong katawan nito ang mga pangalang lumalait sa Diyos.” Ang halimaw sa talatang ito ay ang parehong halimaw na tinutukoy sa Pahayag 13:1—eksakto ang paglalarawan sa dalawa— isang halimaw) na simbolo ng Antikristo, ang lalaking Suwail (2 Tesalonica 2:3–4; Daniel 9:27). Kaya ang “Reyna ng Kahalayan,” o “Ina ng mga patutot,” sinuman o anuman ito, ay may malapit na kaugnayan sa Antkristo sa huling panahon.
Ang katotohanan na ang Reyna ng Kahalayang ito ay tinukoy na isang “hiwaga” ay nangangahulugan na hindi tayo ganap na makatitiyak sa kanyang pagkakakilanlan. Binibigyan tayo ng mga talata ng ilang palatandaan; gayunman, sinasabi sa Pahayag 17:9 “Kailangan dito ang pang-unawa at karunungan: ang pitong ulo ay ang pitong burol na kinauupuan ng babae. Ang mga ito rin ay pitong hari.” May ilang iskolar ng Bibliya na iniuugnay ang talatang ito sa Simbahang Romano Katoliko dahil noong unang panahon, ang siyudad ng Roma ay kilala bilang isang “siyudad sa ibabaw ng pitong burol.” Ngunit ipinapaliwanag sa talata 10 na ang pitong (7) burol ay sumisimbolo sa pitong (7) hari o kaharian, na ang lima sa kanila ay bumagsak na at isa pa ang paparating. Kaya nga ang “Reyna ng Kahalayan” o “Ina ng mga Patutot,” ay hindi maaaring eksklusibong maiuugnay sa Roma. Sa halip, may kaugnayan siya sa pitong ibat ibang imperyo o kaharian sa mundo (ang isa sa kanila ay lalabas pa lamang sa hinaharap).
Iniuugnay ng Pahayag 17:15 ang patutot sa “mga tao, karamihan, mga bansa at mga wika.” Ang Reyna ng Kahalayan ay magkakaroon ng napakalaki at pandaigdigang impluwensya. May isang yugto ng panahon na siya ang maghahari sa buong sanlibutan, at magkakaroon siya ng “kapangyarihan sa mga hari sa lupa” (Pahayag 17:18). Gayunman, may yugto ng panahon na babaling at mapopoot sa Kanya ang mga hari na nasa ilalim ng kapamahalaan ng Antikristo at wawasakin siya ng mga ito (Pahayag 17:16).
Maaari bang malutas ang hiwagang ito tungkol sa “mahiwagang babilonia?” Oo, sa ilang antas. Ang mahiwagang Babilonia ay ang masamang sistema ng sanlibutan na kontrolado ng Antikristo sa panahon ng Kapighatian. Makikipangalunya sa kanya ang mga hari sa mundo at “malalasing” sa kanyang pangangalunya ang mga naninirahan sa sanlibutan. Sa Kasulatan, laging ginagamit ang salitang pangangalunya bilang simbolo ng pagsamba sa diyus-diyusan at espiritwal na pagtataksil sa Diyos (halimbawa: Exodo 34:16; Ezekiel 6:9). Tila ang “reyna ng kahalayan” ay ang pagkakaisa ng lahat ng hidwang sistema ng pananampalataya sa buong kasaysayan ng mundo. Ang katotohanan na siya ay “lango sa dugo ng mga banal” (Pahayag 17:6) ay nagpapakita ng kanyang pagkamuhi sa tunay na relihiyon at ang kanyang nakapangingilabot na wakas ay nagpapakita ng poot ng Diyos sa mga hidwang pananampalataya (mga talatang 16–17).
English
Ano ang reyna ng kahalayan / mahiwagang Babilonia?