Tanong
Sino ang Reyna ng Langit?
Sagot
Ang pariralang “reyna ng Langit” ay dalawang beses na binanggit sa Bibliya, parehong sa aklat ni Jeremias. Ang unang insidente ay may koneksyon sa mga bagay na ginagawa ng mga Israelita na naging dahilan ng poot sa kanila ng Diyos. Maraming pamilya ang nasangkot sa pagsamba sa mga diyus diyusan. Nangunguha ng panggatong ang mga anak at ginagamit iyon ng mga ama sa paggawa ng mga altar upang sumamba sa mga diyus diyusan. Ang mga babae naman ay gumagawa ng masa at nagluluto ng tinapay para sa “Reyna ng Langit” (Jeremias 7:18). Ang titulong ito ay tumutukoy kay Ishtar, isang babaeng diyus diyusan ng bansang Asiria at Babilonia na tinatawag ding Ashtoreth o Astarte ng iba’t ibang grupo. Sinasabing siya ang asawa ng diyus diyusang si Baal na tinatawag din sa pangalang Moloch. Ang motibasyon ng mga babae sa pagsamba kay Ashtoreth ay nag-ugat sa kanyang reputasyon bilang diyosa ng fertility o pagkakaroon ng anak. Noong panahong iyon, ang pagkakaroon ng mga anak ang pinakananais ng mga babae kaya’t ang pagsamba sa “Reyna ng Langit” ay isang normal na gawain sa mga paganong sibilisasyon. Nakalulungkot na naging popular din ang pagsambang ito sa mga Israelita.
Ang ikalawang pagbanggit sa pariralang “Reyna ng Langit” ay makikita sa Jeremias 44:17-25 kung saan ibinabahagi ni Jeremias sa mga Israelita ang mga salita na sinabi sa kanya ng Diyos. Ipinaalala Niya sa mga tao na ang kanilang pagsuway at pagsamba sa diyus diyusan ang naging dahilan ng sobrang pagkagalit at ng pagpaparusa sa kanila ng Diyos. Binalaan sila ni Jeremias na marami pang mas mahigpit na parusa ang naghihintay sa kanila kung hindi sila magsisisi. Sumagot sila at sinabi kay Jeremias na wala silang intensyon na isuko ang kanilang ginagawang pagsamba sa mga diyus diyusan at sinabing magpapatuloy sila sa paghahandog ng inumin sa reyna ng langit at sinabi pang si Ashtoreth ang dahilan ng kanilang tinatamasang kapayapaan at kasaganaan sa halip na kilalanin na iyon ay dahil sa biyaya at kahabagan ng Diyos.
Hindi maliwanag kung saan nanggaling ang ideya na si Ashtoreth ang kasama ng Diyos sa langit ngunit madaling makita kung paanong ang paghahalo ng paganismo na itinataas ang isang diyosa sa pagsamba sa tunay na Hari ng Langit ay magbubunga sa kumbinasyon ng Diyos at ni Ashtoreth. At dahil ang pagsamba kay Ashtoreth ay kinapapalooban ng sekswalidad (pagkakaroon ng anak, fertility, at prostitusyon sa templo) ang resulta ng paghahalong ito ng pagsamba sa isang reyna at sa tunay na Diyos, sa makasalanang pagiisip ay natural na sekswal sa kalikasan. Malinaw na ang ideya ng “Reyna ng Langit” bilang kasama ng Hari ng langit ay isang pagsamba sa diyus diyusan at hindi naaayon sa Bibliya.
Walang “Reyna ng Langit.” Walang naging Reyna sa Langit. Ang tiyak ay may isang Hari sa Langit, ang Panginoon ng mga hukbo, si Jehovah. Siya lamang ang naghahari sa langit. Hindi Niya ibabahagi ang Kanyang pamumuno o ang Kanyang trono o ang Kanyang kapamahalaan sa kaninuman. Ang ideya na si Maria, ang ina ni Hesus ang Reyna ng Langit ay walang kahit anong basehan sa Bibliya. Ito ay nag-ugat sa proklamasyon ng mga pari at mga papa ng Simbahang Katoliko. Habang si Maria ay isang babaeng makadiyos at lubos na pinagpala na pinili upang siyang magsilang sa Tagapagligtas ng sanlibutan, hindi siya isang Diyos sa anumang paraan, o hindi nagkasala man, o karapatdapat sambahin, dalanginan at pahalagahan tulad sa Diyos. Ang lahat ng mga tagasunod ng Diyos ay tumanggi sa pagsamba. Tumanggi sa pagsamba si Apostol Pedro at ang ibang mga apostol (Gawa 10:25-26; 14:13-14). Tumanggi sa pagsamba ang mga anghel (Pahayag 19:10; 22:9). Laging pareho ang kanilang sinasabi: “Ang Diyos lamang ang dapat sambahin!” Ang ibigay ang pagsamba sa kaninuman maliban sa Diyos ay pagsamba sa diyus diyusan. Ang sariling pananalita ni Maria na tinatawag na “Magnificat” (Lukas 1:46-55) ay nagpapakita na hindi Niya kailanman itinuring ang Kanyang sarili na isang taong walang kasalanan at nararapat sa pagsamba. Sa halip umasa siya sa biyaya ng Diyos para sa kanyang kaligtasan: “At sinabi ni Maria,”Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon, at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas.” Ang mga makasalanan lamang ang nangangailangan ng Tagapagligtas, at kinilala ni Maria na kinakailangan niya ang isang Tagapagligtas.
Bilang karagdagan, sinaway mismo ni Hesus ang isang babae na sumigaw sa Kanya, “Mapalad ang babaing nagbuntis at nag-alaga sa iyo” (Lukas 11:27). Sinagot Niya ito, “Higit na mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!” Sa pamamagitan ng pananalitang ito ng Panginoon, hinahadlangan Niya ang anumang inklinasyon ng tao na itaas si Maria upang sambahin. Maaari Niyang sabihin, “Oo, pinagpala ang Reyna ng Langit!” Ngunit hindi Niya ito ginawa. Pinagtitibay Niya ang parehong katotohanan na pinatotohanan ng Bibliya – walang isang “Reyna ng Langit,” at ang tanging pagbanggit sa Bibliya tungkol sa “Reyna ng Langit” ay tumutukoy sa diyus diyusan ng mga huwad na relihiyon.
English
Sino ang Reyna ng Langit?