settings icon
share icon
Tanong

Nararapat ba na ang tradisyon ng mga Katoliko ay ituring na kapantay sa awtoridad ng Bibliya?

Sagot


Kailangan bang tanggapin na ang awtoridad ng tradisyon ay kapantay ng awtoridad sa Kasulatan? O ang mga tradisyon ba ng simbahan ay dapat lang tanggapin at sundin kung sila ay naaayon sa itinuturo ng Kasulatan? Ang sagot sa mga katanungang ito ay may malaking epekto sa iyong paniniwala at sa iyong pamumuhay bilang isang Kristiyano. Pinaninindigan namin na tanging ang Bibliya lamang ang awtoridad at hindi nagkakamaling mapagkukunan ng katuruan at ng mga gawaing dapat sanayin ng simbahan. Maaari lamang tanggapin ang isang tradisyon kung ito ay sang-ayon sa itinuturo ng Kasulatan o sinasang ayunan ng buong buo ng Bibliya. Narito ang pitong dahilan mula sa Bibliya na sumusuporta sa katuruan na tanging ang Bibliya lamang ang dapat na tanggapin bilang awtoridad sa lahat ng katuruan at gawing Kristiyano:

(1) Sinasabi ng Bibliya na ang lahat ng Kasulatan ay hiningahan ng Diyos (2 Timoteo 3:16), paulit ulit na binabanggit sa Kasulatan ang mga katagang ".at sinabi ng PANGINOON" Sa ibang salita, ang nasulat na Salita ng Diyos, ang Bibliya lamang, ang maituturing na Salita ng Diyos. Hindi sinabi kailanman patungkol sa kahit anong tradisyon ng simbahan na sila ay hiningahan din ng Diyos at mula mismo sa Panginoon at sa gayon ay hindi rin nagkakamali.

(2) Sa Kasulatan lamang umaapela ang Panginoong Hesu Kristo at ang mga apostol sa pagpapatunay at pagdedepensa sa kanilang mga katuruan sa tuwina (Mateo 12:3, 5; 19:4; 22:31; Mark 12:10). May mahigit 60 talata na makikita ang salitang "..nasusulat" na ginamit ni Hesus at ng mga apostol upang suportahan ang kanilang mga itinuturo.

(3) Ang Kasulatan lamang ang iniuutos na gamitin ng iglesya sa pagsala sa mga katuruan na darating sa iglesya (Acts 20:32). Gayundin naman, ang nasulat na Salita ng Diyos din ang kinikilala sa Lumang Tipan na siyang tanging pinanggagalingan ng katotohanan kung saan dapat na ibase ng tao ang kanyang pamumuhay (Josue 1:8; Deuteronomio 17:18-19; Awit 1; Awit 19:7-11; 119; etc.). Sinabi ni Hesus na ang isa sa mga dahilan kung bakit mali ang pagkaunawa ng mga Saduseo tungkol sa pagkabuhay na muli ay sa kadahilanang hindi nila alam ang Kasulatan (Markos 12:24).

(4) Ang hindi pagkakamali ay hindi kailanman sinabi na katangian ng mga magiging lider ng iglesya na kahalili ng mga apostol. Sa Luma at Bagong Tipan, makikita na may mga lider ng relihiyon mismo ang naging tagapagturo ng kamalian (1 Samuel 2:27-36; Mateo 15:14; 23:1-7; Juan 7:48; Gawa 20:30; Galacia 2:11-16). Itinuturo ng Luma at Bagong Tipan sa mga tao na dapat na saliksikin ang Kasulatan upang malaman kung alin ang katotohanan at kasinungalingan (Awit 19; 119; Isaias 8:20; 2 Timoteo 2:15; 3:16-17). Bagama't itinuro ng Panginoong Hesus ang paggalang sa mga lider ng relihiyon (Mateo 23:3), isang turo na sinunod ng mga apostol, binigyan nila tayo ng halimbawa ng humiwalay at lumaban sila sa mga lider ng relihiyon na nagtuturo ng salungat sa mga itinuro ng Panginoong Hesus (Gawa 4:19).

(5) Itinuring ni Hesus na magkapantay ang Kasulatan at Salita ng Diyos (Juan 10:35). Ngunit pagdating sa mga tradisyon ng relihiyon, kinundena Niya ang mga tradisyon na sinasalungat ang Salita ng Diyos (Markos 7:1-13). Hindi kailanman ginamit ni Hesus ang tradisyon upang suportahan ang Kanyang mga katuruan at aksyon. Bago isulat ang Bagong Tipan, ang Lumang Tipan lang ang Kasulatan na itinuturing na kinasihan ng Diyos. Gayunman, literal na may daan daang tradisyon ang mga Hudyo na nakatala sa Talmud (isang koleksyon ng komentaryo na inipon ng mga Rabi). Mayroon ng Lumang Tipan at tradisyon ng mga Hudyo na nakasaulat sa Talmud ng mangaral ang Panginoong Hesus at ang mga apostol. Wala saanman sa Kasulatan na ginamit ni Hesus at ng mga apostol ang mga tradisyon ng mga Hudyo sa kanilang pagtuturo. Sa halip, bumanggit sila ng mga talata mula sa Lumang Tipan ng daang beses. Inakusahan ng mga Pariseo ang Panginoong Hesus ng hindi pagsunod sa tradisyon ng mga Hudyo (Mateo 15:2) Saway ang iginanti sa kanila ng Panginoong Hesus, "Bakit naman ninyo nilalabag ang utos ng Diyos dahil sa inyong minanang turo?" (Mateo 15:3). Ang paraan kuing paano itinuring ni Hesus at ng mga apostol ang tradisyon at Kasulatan ay isang halimbawa para sa iglesya. Partikular na sinaway ni Hesus ang mga Pariseo sa pagturing sa mga "kautusan ng tao" bilang doktrina (Mateo 15:9).

(6) Ipinangako ng Kasulatan na hindi ito kailanman mabibigo at lahat ng nakasaad dito ay matutupad. Muli, hindi ipinangako ang ganito sa mga tradisyon ng simbahan (Awit 119:89,152; Isaias 40:8; Mateo 5:18; Lukas 21:33).

(7) Ang Kasulatan ang instrumento ng Banal na Espiritu at Kanyang kasangkapan para sa paggapi sa kay Satanas at sa pagbabago ng buhay ng tao (Hebreo 4:12; Efeso 6:17).

"Mula pa sa pagkabata, alam mo nang ang Banal na Kasulatan ay nagtuturo ng daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig kay Cristo Jesus. Lahat ng kasulata'y kinasihan ng Diyosa at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay. Sa gayon, ang lingkod ng Diyos ay magiging handa sa lahat ng mabubuting gawain" (2 Timoteo3:15-17). "Ganito ang inyong isasagot, "Nasa inyo ang aral ng Diyos at ang patotoo! Huwag kayong makikinig sa mga sumasangguni sa espiritu, ipapahamak lang kayo ng mga iyan" (Isaias 8:20).

Ayon sa 2 Timoteo 3:15-17, ang Kasulatan ang nagtuturo ng daan ng kaligtasan at hiningahan ng Diyos at ang tanging kailangan ng mananampalataya upang ganap siyang maihanda para sa mabubuting gawain. Nangangahulugan ang "maging handa sa lahat ng mabubuting gawain" na ito lamang ang ating kailangan. Nagtataglay ang Banal na Kasulatan ng lahat ng impormasyong mula sa Diyos upang makapamuhay tayo ayon sa Kanyang kalooban. Ayon sa Isaias 8:20, ang "Kautusan at patotoo" (mga terminolohiyang ginagamit sa Kasulatan, tingnan ang Awit 119), ang sukatan ng katotohanan.

"Nang gabi ring iyon, pinapunta ng mga kapatid sina Pablo at Silas sa Berea. Pagdating doon, sila'y pumasok sa sinagoga ng mga Judio. Mas mabuting kausapin ang mga Judio roon kaysa mga taga-Tesalonica; wiling-wili sila ng pakikinig sa pangangaral ni Pablo, at sinasaliksik araw-araw ang mga Kasulatan upang tingnan kung totoo nga ang mga sinasabi niya" (Gawa 17:10-11). Sa talatang ito, pinuri ni Pablo ang mga Hudyo sa Berea dahil sa kanilang pagsusuri kung ang mga naririnig ba nila mula kay Pablo ay ayon sa Kasulatan. Hindi nila agad agad tinanggap ang mga katuruan ni Pablo. Sinuri nila ang kanyang mga sinabi at ikinumpara ang mga iyon sa Kasulatan at nakita nilang totoo ang kanyang mga sinasabi.

Sa Aklat ng mga Gawa 20:27-32, kinilala ni Pablo sa publiko na lilitaw ang mga lobo at mga bulaang guro mula mismo sa iglesya. Ano ang kanyang panlaban sa mga ito? Hindi ni Pablo itinuro ang pagkonsulta sa mga lider ng iglesya upang maprotektahan sila laban sa mga maling katuruan kundi itinuro niya na ang Diyos at ang kanyang mga Salita, hindi ang tradisyon ng iglesya o sinumang matanda sa iglesya ang maaari nilang konsultahin upang malaman kung ano ang totoo.

Habang walang talata na nagsasabi na ang Bibliya ang aming tanging awtoridad, paulit ulit na nagbibigay ang Bibliya ng ng mga halimbawa at paalala na ituring ang Kasulatan bilang awtoridad ng katuruang Kristiyano. Pagdating sa pagsusuri sa pinagmulan ng katuruan ng isang mangangaral o lider ng relihiyon, ang Kasulatan ang sukatan kung ang kanilang itinuturo ay galing sa Diyos.

Gumagamit ang mga Romano Katoliko ng ilang mga sitas sa Bibliya upang suportahan ang pagkapantay ng awtoridad ng tradisyon sa Kasulatan. Narito ang ilang mga karaniwang talata na kanilang ginagamit at ang kanilang paliwanag:

"Kaya nga, mga kapatid, kayo'y mangagpakatibay, at inyong panghawakan ang mga aral na sa inyo'y itinuro, maging sa pamamagitan ng salita, o ng aming sulat" (2 Tesalonica 2:15). "Aming inuutos nga sa inyo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kayo'y magsihiwalay sa bawa't kapatid na lumalakad ng walang kaayusan, at hindi ayon sa aral na tinanggap nila sa amin" (2 Tesalonica 3:6). Hindi ang tradisyon ng mga Romano Katoliko ang tinutukoy sa mga talatang ito kundi ang mga katuruan na tinagggap nila mula kay Pablo, ang kanyang mga sinabi at isinulat. Hindi ito tungkol sa mga minanang turo mula sa kanilang mga magulang kundi mga katuruan na kanila mismong tinanggap mula kay Pablo. Hindi dito ipinapahintulot ni Pablo ang anumang tradisyon kundi ang kanyang itinuro sa mga taga Tesalonica. Salungat ito sa mga tradisyon ng Romano Katoliko na kanilang natutunan mula noong ika apat na siglo hanggang sa kasalukuyan na hindi naman mula sa panulat o turo ng mga apostol.

"Ang mga bagay na ito ay aking isinusulat sa iyo, na inaasahang makararating sa iyong madali; Nguni't kung ako'y magluwat ng mahabang panahon, ay upang maalaman mo kung paano ang dapat sa mga tao na ugaliin nila sa bahay ng Dios, na siyang iglesia ng Dios na buhay, at haligi at suhay ng katotohanan." (1 Timoteo 3:14-15). Ang salitang "haligi at suhay ng katotohanan" ay hindi nangangahulugan na ang simbahan o iglesya ang piangmumulan ng katotohanan o maaaring ito ang pagmulan ng tradisyon na maaaring idagdag sa Kasulatan. Ang simbahan o iglesya bilang "haligi at suhay ng katotohanan" ay simpleng nangangahulugan na ito ang tagapagdala at tagapagtanggol ng katotohanan. Sa Bagong Tipan, pinuri ang mga iglesya dahil sa kanilang pagbabahagi ng katotohanan, "Gayon din kami, palibhasa'y may magiliw na pagibig sa inyo, ay kinalugdan naming kayo'y bahaginan, hindi lamang ng evangelio ng Dios, kundi naman ng aming sariling mga kaluluwa, sapagka't kayo'y naging lalong mahal sa amin" (1 Tesalonica 1:8). Pinuri sa Bagong Tipan ang mga unang Kristiyano dahil sa kanilang pagtatanggol sa katotohanan, "Gaya ng matuwid na aking isiping gayon tungkol sa inyong lahat, sapagka't kayo'y nasa aking puso, palibhasa'y, sa aking mga tanikala at pagsasanggalang at sa pagpapatunay naman sa evangelio, kayong lahat na kasama ko ay may bahagi sa biyaya" (Filipos 1:7). Walang kahit isang talata sa buong Bibliya na nagpapakita na ang iglesya ay may awtoridad o kapamahalaan na gumawa ng bagong katuruan o magpatibay ng bagong katotohanan at magdeklara na ang mga katuruang iyon ay mula sa bibig ng Diyos.

"Datapuwa't ang Mangaaliw, sa makatuwid baga'y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo'y aking sinabi. - (Juan 14:26). Ito ay pangako na ibinigay sa mga apostol. Tutulungan ng Banal na Espiritu ang mga apostol na matandaan ang lahat ng sinabi sa kanila ni Hesus. Hindi sinasabi saanman sa Bibliya na magkakaroon ang mga apostol ng mga kahalili at ang pangakong ito ay para lamang sa kanila.

"At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: at anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anomang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit" (Mateo 16:18-19). Ginagamit ng Simbahang Katoliko Romano ang mga talatang ito upang suportahan ang kanilang turo na si Pedro ang unang Papa at ang iglesya ay itinayo sa kanya. Ngunit kung uunawaain sa tamang konteksto sa mga sumunod na pangyayari sa aklat ng mga Gawa, makikita na si Pedro ang nagbukas ng Ebanghelyo sa mundo dahil siya ang unang nangaral ng Ebanghelyo ni Kristo sa mga Hudyo noong Araw ng Pentecostes (Gawa 2). Siya rin ang unang nangaral ng Ebanghelyo sa mga Hentil (Gawa 10). Kaya't ang pagtatali at pagkakalag ay ginagawa sa pamamagitan ng pangangaral ng Ebanghelyo, hindi sa pamamagitan ng mga tradisyon ng Romano Katoliko.

Habang malinaw na makikita na ang Kasulatan mismo ang nagtatanggol sa kanyang sariling awtoridad, hindi kailanman ipinagtanggol ng Kasulatan ang tradisyon o itinuring man na "kapantay" nito ang tradisyon ng tao. Sa katunayan, mas maraming sinasabi ang Kasulatan laban sa tradisyon kaysa sa pagpabor sa tradisyon.

Ikinakatwiran ng Romano Katoliko na ibinigay ang Kasulatan sa tao sa pamamagitan ng Simbahan kaya't may pantay na awtoridad o higit pang awtoridad ang Simbahan kaysa sa Kasulatan. Ngunit kahit na sa mga kasulatan ng simbahang Katoliko Romano (mula sa unang konseho ng Vatican), makikita na ang mga konseho ng simbahan na kumilala kung aling aklat ang dapat ibilang na Salita ng Diyos ay walang ginawa kundi ang kilalanin lamang kung ano ang ginawang maliwanag ng Banal na Espiritu. Kaya nga hindi ang simbahan ang nagbigay ng Kasulatan sa mga tao, kundi kinilala lamang ng Simbahan kung ano ang ibinigay ng Diyos sa simbahan sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Gaya ng sinabi ni A. A. Hodge, kung makikilala ng isang karaniwang tao ang isang prinsipe at tawagin ito sa kanyang pangalan, hindi ito nagbibigay sa kanya ng karapatan na mamuno sa kanyang kaharian. Sa ganito ring paraan, ang pagkilala ng isang konseho ng simbahan kung alin sa mga aklat ang hiningahan ng Dios, ay hindi nagbibigay sa tradisyon ng iglesya ng kapantay na awtoridad sa tradisyon.

Sa pagbubuod, hindi nga makakakita ng kahit isang talata sa Bibliya na nagsasabi na ang "Salita lamang ng Diyos, at hindi ang tradisyon ang nagiisang awtoridad sa pananampalataya at gawa." Gayunman, dapat nating tanggapin ang katotohanan na paulit ulit na ipinaalala ng mga manunulat ng Lumang Tipan, ni Hesus at ng mga apostol na ang Kasulatan lamang ang gamitin hindi ang tradisyon, bilang sukatan ng katotohanan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Nararapat ba na ang tradisyon ng mga Katoliko ay ituring na kapantay sa awtoridad ng Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries