Tanong
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Ruth?
Sagot
Si Ruth ay isang "babae ng Moab" ngunit konektado sa lahi ng Israel sa pamamagitan ni Lot, ang pamangkin ni Abraham (Ruth 1:4; Genesis 11:31; 19:37). Nabuhay si Ruth sa panahon ng mga Hukom. Naging asawa siya ng isa sa dalawang anak ng isang pamilyang Israelita na nanirahan sa Moab, ngunit may isang yugto sa kanilang buhay na ang kanyang biyenan, ang kanyang asawa at ang nagiisang kapatid na lalaki ng kanyang asawa ay namatay lahat. Kaya kinailangang magdesisyon si Ruth kung mananatili siya sa Moab o sasama sa kanyang biyenang si Naomi sa isang lupain na hindi niya kilala – sa lupain ng Juda.
Mahal ni Ruth ang kanyang biyenan at sobra ang pagkaawa niya rito dahil hindi lamang namatay ang kanyang asawa kundi maging ang kanyang dalawang anak. Pinamili si Ruth ng kanyang hipag na si Orpah kung gusto niyang manatiling kasama nito sa Moab ngunit hindi kayang tiisin ni Ruth na mahiwalay sa kanyang biyenang si Naomi o sa Diyos ng Israel na kanyang nakilala sa pamamagitan ng kanyang asawa. Magkasamang naglakbay si Naomi at Ruth pabalik sa Juda sa bayan ng Betlehem kung saan sila nagdesisyong manirahan. Kumalat ang balita tungkol kay Naomi at nabalitaan ni Boaz, ang may-ari ng katabing bukid ang tungkol sa katapatan ni Ruth gaya ng nakatala sa Ruth 2:11–12: "Sumagot si Boaz, "Nabalitaan ko ang lahat ng ginawa mo sa iyong biyenan mula nang mamatay ang iyong asawa. Alam ko ring iniwan mo ang iyong mga magulang at sariling bayan upang manirahan sa isang lugar na wala kang kakilala. Pagpalain ka nawa ni Yahweh dahil sa iyong ginawa. Gantimpalaan ka nawa ni Yahweh, ang Diyos ng Israel sapagkat sa kanya ka lumapit at nagpakupkop!"
Kaugalian noon sa Israel na kailangang kunin ng kapatid na lalaki ang asawa ng kapatid na namatay para ipagpatuloy ang lahi ng kanyang kapatid. Dahil namatay rin ang nagiisang kapatid ng asawa ni Ruth, walang ibang magaaruga sa kanila. Araw-araw, pumupunta si Ruth samga bukid para mamulot ng butil mula sa pinag-anihan para may makain sila ni Naomi. Nagkatrabaho siya sa bukid ni Boaz ng hindi nalalaman na si Boaz ay kamag-anak ni Naomi. Pagdating ni Boaz sa kanyang bahay, napansin niya si Ruth at tinanong ang tagapangasiwa sa anihan kung sino siya. Sinabi ng alipin kay Boaz ang tungkol sa katapatan ni Ruth kay Naomi at ang kasipagan nito sa gawain sa bukid. Personal na sinabi ni Boaz kay Ruth na manatili ito sa kanyang bukid at sumama sa ibang mga babae at binalaan niya ang ibang lalaki na huwag siyang gagalawin at inimbitahan siya na uminom ng tubig na dala ng mga katulong ni Boaz tuwing siyaý nauuhaw (Ruth 2:8–9). Tumugon si Ruth ng may kapakumbabaan at pagpapasalamat at tinanong kung bakit siya pinagpapakitaan ng kabutihan ni Boaz. Sa puntong ito, sinabi ni Boaz na narinig niya ang pagsasakripisyo ni Ruth para sa kanyang biyenan (Ruth 2:10–13). Nagpatuloy si Boaz sa pagpapakita ng kabutihan kay Ruth at binibigyan niya ito ng pagkain at sinabihan pa ang mga mangaani na kusang magiwan ng mga bigkis ng butil para mapulot ni Ruth (Ruth 2:14–16).
Nang sabihin ni Ruth kay Naomi kung saan siya nakakapulot ng butil, natuwa si Naomi at sinabi kay Ruth na si Boaz ay isa sa kanyang malapit na kamag-anak, at kamag-anak din ng kanyang asawang si Elimelech; kaya nga pasado si Boaz para maging taga-tubos ni Elimelech. Napakahalaga sa bansang Israel na magkaroon ng pangalan at lahi sa bawat pamilya ng Israel kaya ito ang nagbigay ng karapatan kay Ruth para hingin kay Boaz na gampanan ang nasabing papel. Pinayuhan ni Naomi si Ruth na patuoy na mamulot ng butil sa mga bukid ni Boaz na kanya namang ginawa tuwing anihan ng trigo at sebada (Ruth 2:18–23).
Sa isang anihan ng sebada, pinayuhan ni Naomi si Ruth na pumunta kay Boaz habang nagtatahip ito ng sebada at hilingin dito na maging taga-tubos ng kanyang asawa. Bukas ang isip ni Ruth at masunurin kaya nakinig siya sa kanyang biyenan at sinunod ang kahilingan nito (Ruth 3:2–5). Sinunod ng eksakto ni Ruth ang tagubilin ni Naomi. Tumugon ng positibo si Boaz ngunit alam niya na isang mas malapit na kamag-anak ang unang may karapatan na tumubos kay Ruth at sa ari-arian ng kanyang pamilya. Dapat na konsultahin muna ang lalaking iyon bago maging asawa ni Boaz si Ruth. KInabukasan, nakipagpulong si Boaz sa iba pang mga kamag-anak ni Naomi na legal namang ibinigay sa kanya ang lahat ng karapatan kay Ruth at sa ari-arian ni Noemi.
Ikinasal sina Boaz at Ruth at nagkaroon sila ng anak na ang pangalan ay Obed. Nagalak ang mga babae sa Betlehem dahil nasaksihan nila ang katapatan ng Diyos at sinabi kay Noemi, "Purihin si Yahweh! Binigyan ka niya sa araw na ito ng isang apo na kakalinga sa iyo. Maging tanyag nawa sa Israel ang bata! Maghatid nawa siya ng kaaliwan sa puso mo at mag-alaga sa iyong pagtanda. Ang mapagmahal mong manugang, na nagsilang sa bata, ay higit kaysa pitong anak na lalaki" (Ruth 4:14–15).
Nagtiwala si Ruth sa Panginoon, at ginantimpalaan Niya siya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya hindi lamang ng asawa kundi ng isang anak (si Obed), isang apo (si Jesse), at isang apo sa tuhod na nagngangalang David, ang hari ng Israel (Ruth 4:17). Maliban sa mga kaloob na ito (Awit 127:3), pinagpala ng Diyos si Ruth sa pagsasama sa kanyang pangalan sa listahan ng angkang pinagmulan ni Jesus (Mateo 1:5).
Si Ruth ay isang halimbawa kung paanong kaya ng Diyos na baguhin ang isang buhay at dalhin ang buhay na iyon sa direksyong kanyang itinalaga. Makikita natin na isinakatuparan ng Diyos ang Kanyang perpektong plano sa buhay ni Ruth, gaya ng kung paanong ginaganap Niya ang Kanyang layunin sa buhay ng Kanyang mga anak (Roma 8:28). Bagama't nanggaling si Ruth sa pamilya ng mga pagano sa Moab, nang sandaling makilala niya ang Diyos ng Israel, siyaý naging isang buhay na patotoo para sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya. Bagama't nabuhay siya sa kahirapan bago siya naging asawa ni Boaz, naniwala siya na tapat ang Diyos sa pagkalinga sa Kanyang bayan. Gayundin, si Ruth ay isang halimbawa sa atin ng pagsisikap sa buhay at katapatan. Alam natin na ginagantimpalaan ng Diyos ang katapatan: "Hindi maaaring kalugdan ng Diyos ang walang pananampalataya sa kanya, sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kanya" (Hebreo 11:6).
English
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Ruth?