Tanong
Ano ang mangyayari sa muling pagparito ni Cristo?
Sagot
Ang ikalawang pagparito ni Cristo ay tinukoy ng maraming beses sa Kasulatan sa halos 1,500 na mga sitas sa Lumang Tipan at isa sa bawat 25 talata sa Bagong Tipan kung saan binabanggit ang pagbabalik ng Mesiyas o Tagapagligtas. Ang dami ng materyales na nakalaan sa mahalagang pangyayaring ito ang nagbibigay-diin sa sinasabi ng Diyos sa Amos 3:7: “Tunay na ang Panginoong Yahweh ay di kumikilos, kung hindi pa ipinababatid sa mga lingkod niyang propeta.”
Sa maiksing salita, ang muling pagparito ni Cristo ang kaganapan ng tinutukoy na kaharian ng Diyos sa Kasulatan—ang ganap na paghahari ng Diyos sa Kanyang mga nilikha kabilang ang sangkatauhan. Para ito maisakatuparan, maghahatid si Jesus ng dalawang magkaibang paghatol, dalawang magkaibang pagkabuhay na mag-uli, at dalawang magkaibang walang hanggang patutunguhan.
Sa pagbabalik ni Cristo, nakahanda Siya para makipagdigma (Pahayag 19:11–16). Magtitipon ang mga bansa para labanan ang Jerusalem (Zacarias 14:2) sa tinatatawag nating digmaang Armagedon. Ngunit iyon ang araw ng muling pagparito ni Jesus: “Sa araw na iyon, tatayo si Yahweh sa Bundok ng mga Olibo sa gawing silangan ng Jerusalem. Magkakaroon ng maluwang na libis sa gitna ng bundok, pagkat mahahati ito mula sa silangan hanggang kanluran: ang kalahati ay mapupunta sa hilaga at sa timog naman ang kalahati” (Zacarias 14:4). Ito ay isang natatanging araw sa kasaysayan ng mundo: “Sa panahong iyon, wala nang taglamig at hindi na didilim; mananatiling maliwanag kahit sa gabi. Si Yahweh lamang ang nakakaalam kung kailan ito mangyayari” (Zacarias 14:6–7). Matatalo ang mga kaaway ng Diyos, at ang Antikristo at ang bulaang propeta ay “inihagis nang buháy sa lawa ng apoy na nagliliyab sa asupre” (Pahayag 19:20). Itatatag ni Jesus ang Kanyang kaharian at “ang daigdig ay pamamahalaan ni Yahweh” (Zacarias 14:9).
Sa pagtatatag ng Kanyang kaharian sa mundo, huhukuman muna ni Jesus ang mga taong nabubuhay pa pagkatapos ng kapighatian sa mundo sa panahon ng Kanyang muling pagparito. Ito ay tinatawag na “paghatol sa mga tupa at mga kambing” o “paghatol sa mga bansa” (Mateo 25:31–46). Ang mga nakaligtas sa hatol na ito ay mananatili sa mundo at magtatamasa ng isang panahon ng kapayapaan at kasaganaan kasama si Cristo sa loob ng 1,000 taon (tinatawag na isanlibong taon; tingnan ang Pahayag 20:4–6). Ang mga hindi nakapasa sa paghatol na ito ay susumpain at itatapon “sa apoy na di namamatay na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon” (Mateo 25:41). Igagapos si Satanas at pagbabawalang kumilos sa loob ng isanlibong taon ng paghahari ni Cristo (Pahayag 20:1–3).
Sa panahong iyon, magkakaroon din ng pagkabuhay na mag-uli ng mga sumasampalataya sa Diyos (Pahayag 20:4–6). Ang mga nabuhay na mag-uling mananampalataya ay makakasama ng mga mananampalatayang nabubuhay kasama si Jesus sa loob ng Kanyang isanlibong taon ng paghahari sa lupa.
Sa pagtatapos ng isanlibong taon, pakakawalan si Satanas at isang panghuling digmaan ang magaganap na mabilis na mapagtatagumpayan ni Cristo (Pahayag 20:7–9). Pagkatapos, permanenteng itatapon si Satanas sa lawang apoy. Sa puntong ito magaganap ang ikalawang pagkabuhay na mag-uli ng lahat ng namatay sa buong kasaysayan ng mundo. Mabubuhay ang mga hindi mananampalataya at huhukuman sila sa tinatawag na dakilang puting trono; lalapatan sila ng karampatang parusa ayon sa kanilang mga ginawa habang sila’y nabubuhay sa lupa sa lawang apoy (Pahayag 20:11–15).
Kaya, ang muling pagparito ni Cristo ang magpapasimula sa dalawang magkaibang walang hanggang patutunguhan ng tao—isang kasama ang Diyos at isang hiwalay sa Kanyang biyaya. Ang katotohanang ito ay itinala sa dalawang talata sa aklat ni Malakias: “Darating ang araw na gaya ng isang nagbabagang hurno, tutupukin ang mga palalo at masasama gaya ng dayami at walang matitira sa kanila,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Ngunit sa inyo na nagpaparangal sa akin ay sisikat ang aking katarungan na tulad ng araw, at ang sinag nito'y magpapagaling sa inyo. Lulundag kayo sa tuwa na parang mga guyang pinalaya sa kulungan” (Malakias 4:1–2).
Ano ang mangyayari sa muling pagparito ni Cristo? Magagapi ang kasamaan, muling lilikha ang Diyos ng bagong langit at lupa at magwawagi ang Diyos. Ang iyong tugon sa pagbabalik ni Jesus ay nakasalalay sa iyong relasyon sa Kanya. Maaaring ito ay isang napakalaking kapahamakan sa kasaysayan ng sangkatauhan o isang ganap na kasiyahan sa isang pinagpalang pag-asa (Tito 2:13). Ang pananampalataya kay Cristo ang magiging dahilan ng pagkakaiba. “Ngunit sa pagbabalik ng Anak ng Tao, may daratnan pa kaya siyang mga taong may pananampalataya?” (Lukas 18:8).
English
Ano ang mangyayari sa muling pagparito ni Cristo?