Tanong
Ano ang mga Sabadista (Seventh-day Adventism) at ano ang kanilang pinaniwalaan?
Sagot
Ang Sabadismo (Seventh-day Adventism) ay isang sekta ng Kristiyanismo na kabilang sa maraming paniniwala na ang pagsamba ay dapat na ganapin tuwing "ikapitong araw" (o Sabbath – Sabado sa Tagalog) sa halip na araw ng Linggo. Tila may iba't ibang antas sa mga Sabadista. May ilang Sabadista na pareho ang paniniwala sa tradisyonal na Kristiyanismo at naniniwala na maaaring idaos sa ibang araw ang pagsamba maliban sa araw ng Sabado. May iba namang grupo ng Sabadista na naniniwala sa maraming maling katuruan.
Nagmula ang Sabadismo sa Adventismo (Adventism), isang kilusang pangrelihiyon noong ika-19 siglo na umaasa sa nalalapit na pagbabalik (Advent) ni Jesu Cristo. Tinatawag din ang mga Adventists na Millerites dahil si William Miller ang nagtatag ng relihiyong ito, isang bulaang propeta na humula na ang pagbabalik ni Kristo ay magaganap kung hindi 1843 ay 1844. Nang hindi matupad ang hula ni William Miller, naghiwa-hiwalay ang mga Millerites; at tinawag ang pangyayaring ito bilang "Ang Dakilang Kabiguan" (the Great Disappointment). Ngunit dalawa sa mga tagasunod ni Miller ang nagsabi na nagkaroon sila diumano ng pangitain patungkol sa maling hula. Sinabi nila na sa halip na dumating si Jesus sa lupa, pumasok si Jesus sa templo sa langit – kaya nga tama ang hula ni Miller – 'yon nga lamang, hindi sa pisikal na pamamaraan kundi sa espiritwal. Ang taong ito na nagtakip sa pagkakamali ni Miller ay isang 17 anyos na babae na nagngangalang Ellen G. Harmon, na nagkaroon diumano ng 2,000 pangitain sa isang pulong panalangin pagkatapos na mapahiya si Miller. Sa pamamagitan ng pangitain ni Ellen Harmon, siya ang nagbigay ng pag-asa sa mga nadismayang Millerites. Pinagisa niya ang mga paksyon ng Adventista at naging tapat na espiritwal na gabay para sa bagong nabuong grupo ng relihiyon.
Noong 1846, naging asawa ni Ellen si James White, isang mangangaral na Adventista. Mula noon, nakumbinsi sila na para sa lahat ng Kristiyano ang pagsamba sa araw ng Sabbath o Sabado. Noong 1847, muling nagkaroon ng pangitain si Ellen G. White – sa pagkakataong ito, kinumpirma diumano sa kanya ng Diyos na ang pagsamba sa araw ng Sabbath ay dapat na maging isang pangunahing doktrina. Sa ilalim ng impluwensya ni Ellen G. White, tinawag na Sabadista ang mga Seventh-day Adventists. Bilang isang magaling na manunulat, hinugis ng mga pangitain at panulat ni Ellen G. White ang Seventh-day Adventism. Sa ngayon, nakararaming Sabadista ang itinuturing pa rin na si Ellen G. White bilang isang babaeng propeta ng Diyos, bagama't marami sa kanyang mga hula ang hindi nagkatotoo. Sa katotohanan, sinasabi ng mga Sabadista na tumutukoy sa mga aklat ni Ellen G. White ang Pahayag 19:10 ("sapagkat ang pagpapatotoo tungkol kay Jesus ang diwa ng propesiya").
Noong 1855, tumahan ang mga Sabadista sa Battle Creek, Michigan sa Amerika, at noong Mayo 1863 opisyal na nabigyan ng legal na karapatan ang General Conference ng Seventh-day Adventists bilang isang organisasyong panrelihiyon. Sa sumunod na limang dekada, nakapagsulat si Ellen G. White ng halos 10,000 pahina ng mga propesiya. Kasama sa mga aklat na ito ang doktrina na tinatawag na "The Great Controversy," ang isang digmaan na nagaganap sa pagitan ni Jessus at ng Kanyang mga anghel at ni Satanas at ng kanyang mga anghel. Ang ibang pangitain ay tumatalakay sa pagkain na tinatawag ni Ellen G. White na "Ebanghelyo ng Kalusugan" (the gospel of health) (Testimonies for the Church, Vol. 6, p. 327). Ipinagbabawal ng Seventh-day Adventism ang pagkain ng karne o ng mga tinatwaga nilang mga "pagkaing laman." Itinuturo ni White na masama sa kalusugan ang pagkain ng karne dahil kung ano ang "nakasasama sa katawan ay nakakasama din sa isip at kaluluwa" (The Ministry of Healing, kabanata 24: "Flesh as Food," p. 316). Hindi kataka-taka na pagkatapos na ituro ang pagsamba tuwing Sabado, maguumpisa ang mga Sabadista na magdagdag ng iba pang elemento ng legalismo sa kanilang katuruan.
Ngunit ang problema, ang Kellogg's Corn Flakes ay gawa ng Sabadista. Isang Sabadistang doktor sa Battle Creek ang nagnais na gumawa ng panghalili sa vegetarian diet at gumawa siya ng pagkaing pangalmusal na may halong karne. Samantala, patuloy na nakakita ng mga pangitan si Ellen G. White, at nagumpisa siyang magturo ng iba pang mga maling katuruan gaya ng pagtulog ng kaluluwa (soul sleep) at pagpuksa sa kaluluwa (annihilationism) na sumasalungat sa Mateo 25:46.
Kabilang sa iba pang maling katuruan ng Sabadismo ang katuruan na si Satanas ang panakip butas sa kasalanan (scapegoat) at siyang nagdala sa kasalanan ng mga mananampalataya (The Great Controversy, p. 422, 485)— salungat ito sa itinuturo ng Bibliya na Si Jesus ang nagdala sa ating mga kasalanan (1 Pedro 2:24). Itinuturo din nila na si Jesus at si Miguel Arkanghel ay iisa (Judas 1:9, Clear Word Bible, inilathala ng Review and Herald Publishing Association, 1994)—isang doktrina na itinatanggi ang tunay na kalikasan ni Kristo—at nagtuturo na pumasok si Jesus sa ikalawang yugto ng gawain ng pagtubos noong Oktubre 22, 1844, gaya ng inihula ni Hiram Edson. At siyempre, ang pagpapalaganap ng katuruan ng pagsamba tuwing araw ng Sabado bilang pangunahing doktrina na sumasalungat sa katuruan ng Kasulatan (tingnan ang Roma 14:5).
Ang Sabadismo ay isang malawak na kilusan at hindi lahat ng Sabadista ay nanghahawak sa mga doktrinang nabanggit sa itaas. Ngunit dapat na seryosong pagisipan ng mga Sabadista ang mga sumusunod: ang kinikilalang propeta ng kanilang iglesya ay isang huwad na guro na nagtuturo ng mga maling katuruan, at ang kanilang iglesya ay nag-ugat sa mga nabigong hula ni William Miller.
Kaya, dapat bang dumalo ang isang Kristiyano sa isang iglesya ng Sabadista? Dahil sa pagkagusto ng mga Sabadista na tanggapin ang mga rebelasyon na wala sa Bibliya at mga maling katuruan na nabanggit sa itaas, mariin naming pinapayuhan ang mga mananampalataya na huwag makilahok sa mga Sabadista. Oo, maaaring maging mananampalataya ang isang taong nagsusulong ng Sabadismo. Ngunit, gayundin naman, sapat ang mga potensyal na panganib upang babalaan tayo laban sa pagsali sa iglesyang Sabadista.
English
Ano ang mga Sabadista (Seventh-day Adventism) at ano ang kanilang pinaniwalaan?