settings icon
share icon
Tanong

Ang katuruan ba na tinatawag na sabihin mo at angkinin mo (name it claim it) ay naaayon sa Bibliya?

Sagot


Ang katuruan na tinatawag na sabihin mo at angkinin mo (name it claim it) o Ebanghelyo ng kasaganaan / pagyaman (prosperity gospel) ay hindi naaayon sa Bibliya at sumasalungat sa maraming kaparaanan sa tunay na mensahe ng Ebanghelyo at sa malinaw na katuruan ng Kasulatan. Habang maraming iba't ibang bersyon ang pilosopiyang "name-it-claim-it" sa ngayon, lahat sila ay may parehong katangian. Ang katuruang ito ay nag-ugat sa maling pangunawa at maling pagpapakahulugan sa ilang mga talata sa Kasulatan at isang ganap na maling katuruan na may katangian ng isang kultong doktrina.

May mas maraming pagkakatulad ang New Age metaphysics at ang kilusang Word of Faith at ang mensahe ng teolohiyang name-it-claim-it kaysa sa Biblikal na Kristiyanismo. Sa halip na lumikha ng mga realidad sa pamamagitan ng ating isip gaya ng ipinapayo ng mga nagsusulong ng doktrina ng New Age, itinuturo ng name-it-claim-it na maaari nating gamitin ang "kapangyarihan ng pananampalataya" (power of faith) upang lumikha ng ating sariling realidad o makamit ang ating mga ninanais. Sa esensya, binigyan ng bagong kahulugan ang pananampalataya at ginawang "isang kasangkapan upang kontrolin ang Diyos para ibigay ang ating kagustuhan" sa halip na "pagtitiwala sa isang banal at makapangyarihang Diyos sa kabila ng ating kalagayan." Ang "pananampalataya" ay naging "isang pwersa o kapangyarihan na maaaring gamitin upang makuha ang kagustuhan ng isang tao" sa halip na "pagtitiwala sa Diyos sa kabila ng mga pagsubok at pagdurusa."

Maraming aspeto kung saan lumayo ang name-it-and-claim-it mula sa Biblikal na Kristiyanismo. Tunay na itinataas ng katuruang ito ang tao at ang kanyang pananampalataya ng higit kaysa Diyos. Sa katotohanan, marami sa mga ekstremistang tagapagturo ng Word of Faith ang nagtuturo na nilikha ang tao na kapantay ng Diyos at ang tao ay nasa parehong kalagayan ng mismong Diyos sa espiritu. Itinatanggi ng mapanganib at maling katuruang ito ang pinakapangunahing katuruan ng Biblikal na Kristiyanismo na isa lamang ang Diyos, sapat na dahilan upang ituring ang mga ekstermistang tagapagtuto ng Word of Faith bilang mga kulto at mga hindi tunay na Kristiyano.

Parehong pinipilit ng katuruan ng mga kultong meta-pisikal at name-it-and-claim-it ang katotohanan at niyayakap ang maling katuruan na ang ating isip ang komokontrol sa ating realidad. Kung kapangyarihan man ng positibong pagiisip (power of positive confessions) o prosperity gospel, pareho ang kanilang itinuturo — anuman ang iyong iniisip o pinaniniwalaang mangyari ang siyang ganap na komokotrol sa mga bagay na mangyayari. Kung nagiisip ka ng negatibo o nagkukulang ka sa pananampalataya, magdurusa ka o hindi mo makakamtan nag iyong inaasahan. Ngunit sa kabilang banda, kung magiisip ka ng positibo o magkakaroon ka lamang ng "sapat" na pananampalataya. Magkakaroon ka ng kayamanan, kalusugan at kasiyahan ngayon. Maganda sa pandinig at nakakaakit ang maling katuruang ito dahil umaayon ito sa mga likas na kagustuhan ng tao kaya ito ay napakapopula sa ngayon.

Habang masarap sa pandinig ng makasalanang tao ang Ebanghelyo ng Kasaganaan / pagyaman (prosperity gospel) at ang ideya ng pagkontrol sa hinaharap ng isang tao sa pamamagitan ng kanyang salita (name-it-claim-it), isa itong malaking insulto sa Diyos na ipinakilala ang Kanyang sarili sa Kasulatan. Sa halip na kilalanin ang ganap na kapamahalaan ng Diyos sa lahat ng bagay gaya ng inihayag sa Kasulatan, niyayakap ng mga tagasunod ng paniniwalang "name-it-claim-it" ang isang huwad na diyos na hindi kayang kumilos ng hiwalay sa pananampalataya ng tao. Ipiniprisinta nila ang isang maling pananaw sa Diyos sa pamamagitan ng pagtuturo na nais ng Diyos na pagpalain ang tao gaya kalusugan, kayamanan at kasiyahan ngunit hindi Niya ito kayang gawin malibang may sapat na pananampalataya ang tao. Kaya nga, hindi ang Diyos ang may kontrol sa tao kundi ang tao na ang may kontrol sa Diyos. Siyempre, ang katuruang ito ay lubos na salungat sa itinuturo ng Kasulatan. Hindi nakadepende ang Diyos sa pananampalataya ng tao upang makakilos. Sa buong Kasulatan, makikita natin na pinagpapala ng Diyos ang sinuman na Kanyang piniling pagpalain at pinagagaling ang sinuman na Kanyang gustong pagalingin ng hindi nakasalalay sa positibong pananaw at pananampalataya ng tao.

Ang isa pang problema katuruang name-it-and-claim-it ay ang kabiguan nitong kilalanin na si Jesus mismo ang tunay na kayamanan ng isang tunay na Kristiyano na karapat-dapat sa lahat ng pagsasakripisyo (Mateo 13:44). Sa halip, kinikilala nila si Jesus ng hindi higit sa isang kaparaanan upang makuha ang kanilang kagustuhan ora mismo. Malinaw ang mensahe ni Jesus na tinawag ang Kristiyano upang "itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa Akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito. Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? Ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng kanyang buhay?" (Mateo 16:24–26). Salungat ang mga pananalitang ito ni Jesus sa mensahe ng prosperity gospel. Sa halip na mensahe ng pagtanggi sa sarili, ang turo ng prosperity gospel ay paghahanap sa pansariling kasiyahan. Ang layunin nito ay hindi upang maging kagaya ni Kristo sa pamamagitan ng pagsasakripisyo kundi ang pagkakaroon ng mga bagay na ating ninanais sa kasalukuyan. Malinaw na pagsalungat ito sa mga katuruan ng ating Tagapagligtas.

Itinuturo ng Bibliya na, "ang lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng mga pag-uusig" (2 Timoteo 3:12), ngunit itinuturo ng name-it-and-claim-it na ang lahat ng paghihirap na ating pinagdaraanan ay simpleng resulta lamang ng kawalan ng pananampalataya. Ganap na nakatuon ang prosperity gospel sa pagkakaroon ng lahat ng bagay na iniaalok ng mundo, ngunit sinasabi sa 1 Juan 2:15, "Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang umiibig sa sanlibutan ay hindi umiibig sa Ama" at sa katotohanan, ang mga taong umiibig sa mga bagay sa mundong ito ay nagiging kaaway ng Diyos (Santiago s 4:4). Ang mensahe ng ebanghelyo ng kasaganaan ay tahasang salungat sa tunay na itinuturo ng Bibliya.

Sa kanyang aklat na Your Best Life Now, sinasabi ng magangaral ng prosperity gospel na si Joel Osteen na ang susi sa isang maginahwang buhay, masayang tahanan, at matibay na pagsasamahan ng mag-asawa, at mas magandang trabaho ay matatagpuan sa isang simple ngunit malalim na proseso na pagbabago sa iyong paraan ng pagiisip tungkol sa iyong buhay na tutulong sa iyo upang matupad kung ano ang tunay na mahalaga." Napakalaki ng pagkakaiba nito mula sa Biblikal na katotohanan na hindi maaaring maikumpara ang buhay sa kasalukuyan sa buhay na darating, "Para sa akin, ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang ipahahayag sa atin balang araw" (Roma 8:18). Ang mensahe ng prosperity gospel ay nakatuon sa mga "kayamanan" o mabubuting mga bagay na ating ninanais at maaaring makamtan ngayon habang sinasabi naman ni Jesus, "Huwag kayong mag-impok ng mga kayamanan dito sa lupa; dito'y may naninirang insekto at kalawang, at may nakakapasok na magnanakaw. Sa halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo'y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw. Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso" (Mateo 6:19–21).

Hindi si Jesus dumating upang payamanin, pagalingin sa sakit at bigyan ng pansamantalang kasiyahan ang tao sa mundong ito. Dumating si Jesus upang iligtas tayo sa ating mga kasalanan upang mabuhay tayong kasama Niya sa walang hanggang kasiyahan sa Kanyang piling. Ang pagsunod kay Kristo ay hindi isang kasangkapan upang makamtan ang lahat ng mga materyal na bagay na ating ninanais sa buhay na ito kundi ito ang tanging paraan upang maranasan ang tunay na buhay at makamtan ito hanggang sa walang hanggan. Ang ating pagnanais ay hindi para sa pinakamasarap na buhay ngayon kundi upang magkaroon ng saloobing kagaya ni apostol Pablo na natutuhang masiyahan anuman ang kanyang naging kalalagayan sa buhay (Filipos 4:11).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang katuruan ba na tinatawag na sabihin mo at angkinin mo (name it claim it) ay naaayon sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries