settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sabwatang Illuminati (Illuminati conspiracy)?

Sagot


Ang sabwatang Illuminati (Illuminati conspiracy) ay isang teorya na diumano ay may pagsasabwatan ng mga “pinakamayayaman sa sosyedad sa buong mundo” (“global elite”) na kung hindi man may kontrol sa mundo ay naghahangad na kontrolin ang buong mundo. Gaya ng iba pang teorya ng pagsasabwatan, ang mga paniniwala tungkol sa sabwatang Illuminati ay sobrang magkakaiba. Dahil dito, talagang napakaimposible na magbigay ng eksakto at kumpletong synopsis o buod kung ano ang pagsasabwatang ito. Ginawang popular sa mga aklat at mga pelikula kamakailan lang, ang sabwatang Illuminati (Illuminati conspiracy) ay nakaabot sa estado ng pagiging isang kultong kathang-isip (“cult fiction.)”

Kung susubukan ng sinuman na lagumin ang kuwento ng sabwatang Illuminati, ganito ang kalalabasan: Ang Illuminati ay nagumpisa bilang isang lihim na samahan sa ilalim ng direksyon ng mga paring heswita (Jesuit priests). Sa katagalan, isang konseho na binubuo ng limang lalaki na kumakatawan sa bawat isa sa bawat sulok ng pentagram ang nagtatag ng tinatawag na “The Ancient and Illuminated Seers of Bavaria.” Sila ang matataas na opisyal ng mga Freemasons na Luciferian (mga mason na sumasamba kay Lucifer), na ganap na nakatalaga ang sarili sa mistisismo (paniniwala sa mga mga mistikal o hindi mga maipaliwanag na bagay at ng Pagdidisiplina sa Isip sa Silangan (Eastern Mental Disciplines) na naghahangad na magkaroon ng malaking kapangyarihan sa pagiisip. Ang kanilang plano at layunin diumano ay ang pagdomina sa mundo para sa kanilang panginoon (kung sinong panginoon ito ay magkakaiba ang kanilang pananaw). Ang Illuminati diumano ang pangunahing pwersa na humihimok na magkaroon ng iisang pamunuan at ng nagiisang etikang panrelihiyon sa buong mundo, at nagiisang may kontrol sa sistema ng ekonomiya ng mundo. Ang mga organisasyon gaya ng United Nations, International Monetary Fund, World Bank, at International Criminal Court diumano ay mga galamay ng Illuminati. Ayon sa teorya ng sabwatang Illuminati, ito ang nasa likod ng mga pagtatangka na impluwensyahan o i-brainwash ang mga ignorante sa pamamagitan ng pagkontrol sa kanilang isip at manipulasyon ng paniniwala gamit ang mga pahayagan, mga kurikulum ng edukasyon, at mga lider-pulitika ng mga bansa.

Ipinagpapalagay na may isang pribadong pamunuan na kinabibilangan ng mga pinakamayayaman sa buong mundo, may mga kinatawan sila na komokontrol sa mga pangunahing bangko sa buong mundo. Sila diumano ang nasa likod ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pagbagsak ng ekonomiya, kawalan ng oportunidad na makapagtrabaho at nagmamanipula sa mga merkado o pamilihan sa buong mundo at sumusuporta sa ilang lider at nasa likod ng pag-agaw sa kapangyarihan sa mga lider at pinapanghina ang kalooban ng iba para makamit ang kanilang layunin. Ang ipinagpapalagay na layunin ng Illuminati conspiracy ay lumikha ng mga krisis at pagkatapos ay ayusin ang mga krisis na ito na sa huli ay kukumbinsi sa masa na ang globalismo, kasama ang pagkontrol sa ekonomiya ng iisang grupo at isang pangmundong etikang panrelihiyon ang nagiisang solusyon sa mga kahirapan ng mundo. Ang istruktura na karaniwang kilala sa tawag na “New World Order” ay pamumunuan siyempre ng Illuminati.

May basehan ba ang sabwatang Illuminati mula sa isang Biblikal o Kristiyanong pananaw? Maaari. Maraming mga hula sa Bibliya tungkol sa mga mangyayari sa katapusan ng mundo ang tumutukoy, ayon sa nakararaming teologo, sa isang gobyernong pangbuong mundo, isang sistema ng pananalapi na pangbuong mundo, at isang relihiyon na pangbuong mundo. Maraming nagpapakahulugan sa mga hula sa Bibliya ang naniniwala na ang New World Order na ito ang kokontrolin ng Antikristo, ang huwad na tagapagligtas sa huling panahon. Kung may anumang katotohanan ang Illuminati conspiracy at ang New World Order at talagang tunay na itong nagaganap, para sa Kristiyano, may iisang katotohanan na dapat tandaan: Ang Diyos ang nagpapahintulot sa lahat ng mga kaganapang ito ayon sa Kanyang ganap na kapamahalaan at ang mga ito ay ayon sa Kanyang pangkalahatang plano. Ang Diyos ang tunay na may kontrol hindi ang Illuminati. Walang plano o pakana na binubuo ng Illuminati ang makakapigil o makakahadlang man sa plano ng Diyos sa mundo.

Kung may katotohanan man ang sabwatang Illuminati, ito ay katulad lamang sa mga piyesang pawn ng ahedres (chess) sa kamay ni Satanas, mga kasangkapan na kanyang ginagamit sa kanyang pakikipaglaban sa Diyos. Ang kahihinatnan ng Illuminati ay katulad din ng kahihinatnan ng kanilang panginoon na si Satanas/Lucifer. Sila’y pawang itatapon sa lawang apoy para parusahan araw at gabi, magpakailanman (Pahayag 20:10). Sa Juan 16:33 idineklara ni Jesus, “Sinabi ko ito sa inyo upang sa inyong pakikipag-isa sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Magdaranas kayo ng kapighatian sa sanlibutang ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!” Para sa mga Kristiyano, ang lahat ng ating kailangang maunawaan tungkol sa sabwatang Illuminati ay nilagom sa mga salita sa 1 Juan 4:4, “Mga anak, kayo nga'y sa Diyos at napagtagumpayan na ninyo ang mga huwad na propeta, sapagkat ang Espiritung nasa inyo ay mas makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan.”

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sabwatang Illuminati (Illuminati conspiracy)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries