Tanong
Ano ang ibig sabihin ng paniniwala na sagrado ang buhay?
Sagot
Ang pariralang “sagrado ang buhay” ay sumasalamin sa paniniwala na dahil nilikha ng Diyos ang tao ayon sa Kanyang wangis (Genesis 1:26-27), may likas na kasagraduhan ang buhay kaya’t dapat itong ingatan at igalang sa lahat ng panahon. Habang binibigyan ng Diyos ang tao ng kapamahalaan na pumatay at kumain ng ibang nilalang na may buhay (Genesis 9:3), maliwanag naman na ipinagbabawal sa tao ang pagpatay sa kapwa tao at parusang kamatayan ang kaparusahan dito (Genesis 9:6).
Nilikha ang tao ayon sa wangis ng Diyos, ngunit sinira ng kasalanan ang wangis na iyon. Hindi likas na sagrado o banal ang taong nagkasala. Ang kasagraduhan ng buhay ay hindi nakasalalay sa katotohanan na tayo ay mabuti at kahanga-hangang nilalang. Ang tanging dahilan sa kasagraduhan ng buhay ay mailalapat sa sangkatauhan dahil sa katotohanang nilikha tayo sa wangis ng Diyos at ibinukod sa lahat ng iba pang anyo ng may buhay. Bagama’t sinira ng kasalanan ang wangis na ito ng Diyos na nasa tao, nasa tao pa rin ang wangis na ito. Nilikha ang tao ayon sa wangis ng Diyos at ang wangis na ito ay nangangahulugan na ang buhay ng tao ay dapat na laging tratuhin ng may dignidad at paggalang.
Ang kasagraduhan ng buhay ng tao ay nangangahulugan na ang sangkatauhan ay higit na mahalaga sa lahat ng nilalang. Hindi ito nangangahulugan na banal ang buhay ng tao na kagaya ng kabanalan ng Diyos. Ang Diyos lamang ang banal sa Kanyang sarili. Sagrado lamang ang buhay ng tao sa aspeto ng pagiging “bukod tangi” sa lahat ng may buhay na nilalang ng Diyos. Maraming tao ang inilalapat ang kasagraduhan ng buhay sa mga isyu gaya ng aborsyon at pagpatay dahil sa awa, at bagamat maaari itong ilapat sa mga isyung ito, mailalapat ito sa mas marami pang mga isyu sa buhay. Ang kasagraduhan ng buhay ang dapat na magtulak sa atin upang bantayan ang lahat ng anyo ng kasamaan at kawalang katarungan na ginagawa laban sa buhay ng tao. Ang karahasan, pangaabuso, paninikil, pagbebenta ng tao, at marami pang kasamaan ay pagsalangsang laban sa buhay ng tao.
Sa kabila ng kasagraduhan ng buhay, may higit na magandang argumento laban sa mga bagay na ito: Ang pinakadakilang utos ng Diyos. Sa Mateo 22:37-39, “At sinabi sa kaniya, Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo. Ito ang dakila at pangunang utos. At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” Sa mga utos na ito, makikita natin na ang ating aksyon ay dapat na bunsod ng ating pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa iba. Kung iniibig natin ang Diyos, pahahalagahan natin ang ating sariling buhay bilang bahagi ng plano ng Diyos, gagawin ang Kanyang kalooban haggang sa punto na ang ating kamatayan ay para sa ikaluluwalhati ng Kanyang kalooban. At iibigin at iingatan din natin ang Kanyang mga anak (Galacia 6:10; Colosas 3:12-15). Makikita din natin ang mga pangangailangan ng matatanda at mga maysakit. Iingatan natin ang iba mula sa panganib - iyon may ay mula sa aborsyon, pagpatay dahil sa awa, pagbebenta ng kapwa, o iba pang pangaabuso. Habang ang kasagraduhan ng buhay ay maaaring maging pundasyon, ang pag-ibig ang dapat na maging motibasyon. English
Ano ang ibig sabihin ng paniniwala na sagrado ang buhay?