settings icon
share icon
Tanong

Kalooban ba ng Diyos na magkasakit ang mga mananampalataya?

Sagot


Ang doktrina ng Bibliya tungkol sa walang hanggang kapamahalaan ng Diyos ay nagpapatunay na ang Diyos ang may kapangyarihan sa lahat ng mga bagay. May ganap siyang kontrol sa lahat ng mga pangyayari at bagay sa buong sansinukob. May ganap Siyang kapamahalaan sa nakaraan, sa kasalukuyan at sa darating, at walang anumang nangyayari na hindi Niya pinahintulutan. Maaaring direktang Siya ang gumawa ng isang bagay, o Kanyang pinahintulutan na mangyari ang isang bagay. Ang pagpapahintulot na mangyari ang isang bagay at direktang paggawa ng isang bagay ay dalawang magkaibang bagay. Halimbawa, ang Diyos ang direktang lumikha kina Adan at Eba; pagkatapos ay pinahintulutan Niya sila na magkasala laban sa Kanya. Hindi Siya ang dahilan ng kanilang pagkakasala. Siguradong maaari Niya silang pigilang magkasala, ngunit pinili Niya na hindi sila pigilan para sa Kanyang sariling layunin upang ganapin ang Kanyang perpektong kalooban. Ang pagsuway ni Adan at Eba ang dahilan ng lahat ng kasamaan, mga kasamaan na hindi ginawa ng Diyos ngunit kanyang pinahintulutang maganap.

Ang sakit o karamdaman ay isa sa mga manipestasyon ng 2 malawak na uri ng kasamaan , moral at natural. Ang kasamaang moral ay ang kalupitan ng tao sa kanyang kapwa tao. Ang natural na kasamaan ay kinapapalooban ng mga masamang pangyayari gaya ng mga kalamidad at karamdaman. Ang kasamaan ay pagpilipit at pagkasira ng isang bagay na orihinal na mabuti. Sa kaso ng mga sakit at karamdaman, ito ay estado kung saan nawawala ang mabuting kalusugan. Ang salitang Griyego para sa “kasamaan” ay “ponerous,” na aktwal na nangangahulugan na “pagkasira,” o “isang bagay na nagwawasak.”

Nang magkasala si Adan, sinumpa ng Diyos ang sangkatauhan upang magdanas ng konsekwensya ng kasalanan at isa sa mga konsekwensyang ito ay ang pagkakaroon ng karamdaman. Sinasabi sa Roma 8:20-22, “Nabigo ang sangnilikha, hindi sa kagustuhan nito, kundi dahil sa ito ang niloob ng Diyos. Gayunman, may pag-asa pa, sapagkat ang sangnilikha ay palalayain sa pagkaalipin nito sa kabulukan, at makakahati sa maluwalhating kalagayana ng mga anak ng Diyos. Alam natin na hanggang ngayon ang sangnilikha ay dumaraing sa paghihirap.” Ang Diyos, na Siyang nagpasakop sa buong sangnilikha sa kabulukan pagkatapos na magkasala ang tao, ay may plano na palayain sa huli ang lahat ng sangnilikha sa pagkalipin sa kabulukan, gaya ng pagpapalaya Niya sa atin sa pagkaalipin natin sa kasalanan sa pamamagitan ni Hesu Kristo.

Hanggang hindi nagaganap ang araw na iyon, ginagamit ng Diyos ang sakit at karamdaman at iba pang uri ng kasamaan upang ganapin ang Kanyang walang hanggang layunin, ang luwalhatiin ang Kanyang sarili, at itanyag ang Kanyang banal na Pangalan. May mga pagkakataon na mahimalang pinagagaling Niya ang mga karamdaman. Nagministeryo si Hesus sa Israel at nagpagaling ng lahat ng uri ng sakit at karamdaman (Mateo 4:23) at binuhay Niya si Lazaro mula sa mga patay pagkatapos nitong mamatay mula sa isang karamdaman. May mga pagkakataon naman na ginagamit ng Diyos ang sakit bilang pangdisiplina o kaya nama'y bilang hatol sa kasalanan. Sa Lumang Tipan, binigyan ng Diyos ng ketong si Haring Oseas (2 Cronica 26:19-20). Si Haring Nabucodunosor naman ay ginawa ng Diyos na isang baliw hanggang sa kilalanin niya na “lahat ng nabubuhay ay walang halaga. Ginagawa niya sa hukbo ng langit ang balang ibigin Niya” (Daniel 4). Pinatay ng Diyos si Herodes at ipinakain ito sa mga uod dahil inangkin nito ang kaluwalhatian na para lamang sa Diyos (Gawa 12:21-23). Sa isang banda naman, sinabi ni Hesus na pinahintulutan ng Diyos ang pagkabulag ng isang lalaki; hindi bilang parusa dahil sa kanyang kasalanan, kundi upang ipahayag Niya ang Kanyang sarili at ang Kanyang kamangha-manghang gawa sa pamamagitan ng sakit na iyon (Juan 9:1-3).

Kung nakakaranas tayo ng sakit o karamdaman, maaring hindi ito direktang gawa ng Diyos sa ating buhay sa halip, dahil ito sa makasalanang mundo, makasalanang katawan o kaya nama'y bunga ng pagpapabaya sa sariling kalusugan. At kahit na sinasabi sa Bibliya na nais ng Diyos na maging malusog tayo sa pangangatawan (3 John 2), ang lahat ng sakit at karamdaman ay pinahihintulutan Niya para sa Kanyang layunin, nauunawaan man natin ang layuning iyon o hindi.

Ang sakit at karamdaman ay resulta ng pagbagsak ng tao sa kasalanan, ngunit ang Diyos pa rin ang may kontrol ng lahat ng bagay at Siya ang nagtatakda kung hanggang saan lang ang kasamaang mangyayari sa buhay ng isang tao (gaya ng Kanyang itinakda kay Satanas sa pagbibigay ng pagsubok kay Job). Sinasabi Niya sa atin na Siya ang Makapangyarihan sa Lahat ng may mahigit na limampung beses sa Bibliya at kahanga-hangang maranasan kung papaanong ang kanyang walang hanggang kapamahalaan ay kasangayon ng ating mga ginagawang pagpili maging mabuti man iyon o masama upang ganapin ang Kanyang perpektong layunin (Romans 8:28).

Para sa mga mananampalataya na nagdaranas ng sakit at karamdaman o anumang uri ng pisikal na kabigatan, ang kaalaman na maaari nating maluwalhati ang Diyos sa pamamagitan ng ating mga karamdaman ang pumapawi sa ating mga pagaalinlangan kung bakit Niya pinahihintulutan ang ating mga pagdurusa sa katawan, isang bagay na ganap lamang nating mauunawaan doon sa langit. Sa panahong iyon, ang lahat ng ating mga katanungan ay masasagot, o sa mas tamang pangungusap, hindi na natin magagawang magtanong pa doon sa langit dahil tiyak na malulunod tayo sa kasiyahan dahil sa pagkamangha natin sa presensya ng ating kamangha-manghang Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Kalooban ba ng Diyos na magkasakit ang mga mananampalataya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries