Tanong
Ano ang kahulugan ng sako at abo?
Sagot
Ang sako at abo ay ginamit sa Lumang Tipan bilang simbolo ng kahihiyan, pagdadalamhati, at/o pagsisisi. Kung may isang tao na nais ipakita ang kanyang pagsisisi, magsusuot siya ng sako, uupo sa abo at maglalagay ng abo sa kanyang ulo. Ang sako ay isang magaspang na materyal na kadalasang yari sa balahibo ng itim na kambing, at hindi komportable kung isusuot ng isang tao. Ang abo ay sumisimbolo sa pagkawasak at kalungkutan.
Kung mamatay ang isang tao, ang paglalagay ng abo sa ulo at pagdadamit sako ng mga mahal sa buhay ay nagpapakita ng buong pusong pagdadalamhati para sa pagkawala ng taong iyon. Makikita natin ang isang halimbawa nito ng magdamit sako si David dahil sa pagkamatay ni Abner, ang kumander ng mga kawal ni Saul (2 Samuel 3:31). Ipinakita din ni Jacob ang kanyang pagdadalamhati sa pamamagitan ng pagdadamit sako ng kanyang malaman na “napatay” ang kanyang anak na si Jose (Genesis 37:34). Binabanggit sa mga pangyayaring ito ng pagdadalamhati para sa namatay ang pagdadamit ng sako ngunit hindi nabanggit ang abo.
Laging magkasama ang abo at sako sa panahong iyon ng pambansang mga kalamidad o pagsisisi mula sa kasalanan. Halimbawa sa Ester 4:1, inilalarawan ang pagpupunit ng damit, pagdadamit ng sako at paglalakad sa siyudad ni Mardoqueo habang “malakas na nananaghoy.” Ito ang reaksyon ni Mardoqueo sa pagbibigay ni haring Xerxes ng awtoridad sa buktot na si Haman para patayin ang lahat na mga Hudyo (tingnan ang Ester 3:8–15). Hindi lamang si Mardoqueo ang nagdalamhati. “Ang mga Judio naman sa bawat lalawigang naabot ng utos ng hari ay nanangis nang buong kapaitan, nag-ayuno at nagluksa. Karamihan sa kanila'y nagsuot ng damit panluksa at naglagay ng abo sa ulo” (Ester 4:3). Tumugon ang mga Hudyo sa nakakapanlumong balita tungkol sa pagpatay sa kanilang lahi sa pamamagitan ng pagdadamit sako at pag-upo sa abo na nagpapakita ng kanilang matinding pighati at pagkabalisa.
Ginagamit din ang sako at abo bilang isang pampublikong tanda ng pagsisisi at pagpapakumbaba sa Diyos. Nang ideklara ni Jonas ang mensahe ng Diyos sa Ninive na gugunawin na ng Diyos ang kanilang siyudad dahil sa kanilang kasamaan, ang lahat ng tao mula sa hari hanggang sa pinakaaba ay nagpakita ng pagsisisi, nagayuno, at nagdamit sako at naupo sa abo (Jonas 3:5–7). Dinamitan din nila ng sako maging ang mga hayop (talata 8). Ag kanilang katwiran ay, “Baka sa paraang ito'y mapawi ang galit ng Diyos, magbago siya ng kanyang pasya at hindi na niya ituloy ang balak na pagpatay sa atin” (talata 9). Ito ay kapansin-pansin dahil hindi sinabi sa Bibliya na binanggit sa mensahe ni Jonas ang awa ng Diyos; ngunit awa ang kanilang tinanggap. Malinaw na ang pagsusuot ng mga taga Ninive ng sako at pag-upo sa abo ay hindi isang walang kwentang palabas lamang. Nakita ng Diyos ang kanilang tunay na pagbabago—isang mapagkumbabang pagbabago ng puso na ipinapakita ng kanilang pagdadamit sako at pagupo sa abo — at ito ang dahilan para hindi sila wasakin ng Diyos (Jonas 3:10).
Ang iba pa na binanggit sa Bibliya na nagdamit ng sako ay si haring Ezekias (Isaias 37:1), Eliakim (2 Hari 19:2), Haring Acab (1 Hari 21:27), matatanda sa Jerusalem (Panaghoy 2:10), Daniel (Daniel 9:3), at ang dalawang saksi sa Pahayag 11:3.
Napakasimple na ang sako at abo ay ginagamit noon bilang panlabas na tanda ng panloob na kundisyon ng puso. Ipinapakita ng simbolismong ito ang pagbabago ng puso ng isang tao sa panlabas at ipinapahiwatig ang kalungkutan at pagsisisi ng isang tao. Hindi ang mismong pagdadamit ng sako at pag-upo sa abo o paglalagay nito sa ulo ang dahilan ng pagpapakita ng Diyos ng habag kundi ang pagpapakumbaba na ipinapakita ng aksyong ito (tingnan ang 1 Samuel 16:7). Ang kapatawaran ng Diyos bilang tugon sa tunay na pagsisisi ay ipinagdiwang ni David sa pamamagitan ng mga pananalitang ito: “Pinawi mo itong aking kalungkutan, pinalitan mo ng sayaw ng kagalakan! Pagluluksa ko ay iyong inalis, kaligayahan ang iyong ipinalit” (Awit 30:11).
English
Ano ang kahulugan ng sako at abo?