Tanong
Ako ay isang Saksi ni Jehovah, bakit ko ikukonsidera na maging isang Kristiyano?
Sagot
Maaaring ang pinakamahalagang pagkakahalintulad sa pagitan ng mga Ebanghelikong Kristiyano at Saksi ni Jehovah ay ang paniniwala sa Bibliya bilang pinakamataas na awtoridad na nagmula sa Diyos sa mga isyu tungkol sa Kanya at sa Kanyang inaasahan para sa tao. Habang maaaring iba ang pangunawa natin sa mga bagay bagay, kapuri puri ang mga Saksi ni Jehovah pagdating sa kanilang pagtitiwala at masusing pagaaral ng Banal na Kasulatan upang makilala ang Diyos at malaman ang Kanyang kalooban. Gaya ng mga Bereans, dapat tayong maging matalino sa pagsusuri sa lahat ng bagay sa liwanag ng Kasulatan. Sa layuning ito, dapat nating siyasatin ang mga talata ng New World Translation (ang salin ng Bibliya na inilathala ng Watchtower Society ng Saksi ni Jehovah) upang linawin ang ilang mga karaniwang maling pangunawa.
Ang Pangalan ng Diyos
Kinuha ng mga Kristiyano ang kanilang pangalan sa pagiging tagasunod at pagsamba nila kay Hesu Kristo. Una silang tinawag na “Kristiyano” sa Antioquia sa panahon ng pangangaral ni Apostol Pablo (Gawa 11:26). Paulit ulit na nilinaw ni Pablo na dapat na magpatotoo ang mga Kristiyano sa mga tao patungkol sa persona ni Kristo, at magpatunay tungkol sa Kanyang mga itinuro at ginawa. Sa kabilang banda, pinaniniwalaan ng mga Saksi ni Jehovah na dapat na ituon ang pagsamba tanging sa Diyos Ama lamang (na tinutukoy minsan sa Bibliya na “Jehovah”). Gayunman, ang pangalang Jehovah, ay isang pinaghalong pangalan na nilikha ng mga Kristiyano sa pamamagitan ng pagdadagdag ng pantig sa tetragrammaton “YHWH,” na siyang orihinal na salin na kilala natin ngayon na salitang “Yahweh” sa salitang Hebreo at “Jehovah” sa salitang Griyego. Kinikilala ng mga Ebanghelikong Kristiyano si Hesus bilang Diyos na kapantay ng Diyos Ama, ngunit iba ang gawain sa Diyos Ama. Kinikilala ng mga Kristiyano na ang isa sa mga pangalan ng Diyos ay Jehovah; gayunman, may iba pang pangalan at titulo para sa Diyos na ginamit sa Kasulatan upang tukuyin ang Diyos Ama.
Itinuturo ng mga Saksi ni Jehovah na si Hesus ay siya ring si Arkanghel Miguel, at tinatanggihan nila ang Kanyang pagka-Diyos. Gaya ng natural na implikasyon, kung paniniwalaan na si Hesus ay hindi Diyos, napakaraming talata sa Bibliya ang magkakasalungatan. Gayunman, alam natin na ang Salita ng Diyos ay hindi nagkakamali at hindi nito sasalungatin ang kanyang sarili. Kaya nga, dapat nating maunawaan ang Salita ng Diyos sa isang paraan na hindi sinasalungat ang kanyang sarili at tapat sa Kanyang kapahayagan. Mapapansin na walang magiging pagkakasalungatan sa mga talata ng Bibliya kung kikilalanin si Hesus bilang Diyos at Anak ng Diyos – ang perpektong kapahayagan ng Diyos sa anyong tao – na isinantabi ang Kanyang mga karapatan bilang Diyos upang maging lingkod ng lahat para sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan. Narito ang mga talata na nagpapatunay na si Hesus ay Diyos ayon sa Kasulatan.
Ang Kaluwalhatian ng Diyos
(Mga talata patungkol sa Diyos Ama)
Isaias 42:8, “Ako si Yahweh; 'yan ang aking pangalan; walang makakaangkin ng aking karangalan; ang papuri'y sa akin, hindi sa diyus-diyosan..”
Isaias 48:11, “…Ang karangalan ko'y tanging akin lamang, walang makakahati kahit na sinuman.”
(Mga talata patungkol kay Hesus)
Juan 8:54, “Kung ako ang nagpaparangal sa aking sarili, walang kabuluhan iyon. Ang nagpaparangal sa akin ay ang aking Ama at sinasabi ninyong siya ang inyong Diyos.”
Juan 16:14, “Pararangalan niya ako sapagkat tatanggapin ng Espiritu mula sa akin ang ipahahayag niya sa inyo.”
Juan 17:1, “Ama, dumating na ang oras; parangalan mo na ang iyong Anak upang maparangalan ka niya.”
Juan 17:5, “Kaya, Ama, ipagkaloob mo sa akin ngayon ang kaluwalhatiang taglay ko sa piling mo bago pa likhain ang daigdig.”
Filipos 2:10, “Sa gayon, sa pangalan ni Jesus ay luluhod at magpupuri ang lahat ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa.”
Hebreo 5:5, “Gayundin naman, hindi itinaas ni Cristo ang kanyang sarili upang maging Pinakapunong Pari. Siya'y pinili ng Diyos na nagsabi sa kanya, ‘Ikaw ang aking Anak, mula ngayo'y ako na ang iyong Ama.’”
Ang Tagapagligtas
(Tungkol sa Ama)
Isaias 43:3, “Sapagkat ako si Yahweh na iyong Diyos, ang Banal na Diyos ng Israel na iyong Tagapagligtas.”
Isaias 43:11, “Ako ay si Yahweh, wala nang iba pa; walang ibang Tagapagligtas, maliban sa akin.”
Isaias 45:21, “Sino ang makakapagsabi ng mga bagay na magaganap? Hindi ba akong si Yahweh, ang Diyos na nagliligtas sa kanyang bayan? Walang ibang diyos maliban sa akin!”
(Tungkol kay Hesus)
Luke 2:11, “Isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon.”
Gawa 13:23, “Sa angkan ng lalaking ito nagmula si Jesus, ang Tagapagligtas na ipinangako ng Diyos sa Israel.”
Tito 1:4, “… Sumaiyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula sa ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus.”
Kaninong pangalan tayo dapat manampalataya?
(Sinabi tungkol kay Hesus o sa pamamagitan ni Hesus)
Juan 14:12, “Pakatandaan ninyo: ang nananalig sa akin ay makakagawa ng mga ginagawa ko, at higit pa kaysa rito, sapagkat babalik na ako sa Ama.”
Gawa 4:12, “Sa kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan ng sinumang tao sa buong mundo na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas.”
Gawa 26:18, “…At sa pamamagitan ng pananampalataya nila sa akin, sila'y patatawarin sa kanilang mga kasalanan at sila'y mapapabilang sa mga taong pinaging-banal ng Diyos..”
Pahayag 2:13, “Nalalaman ko kung saan ka nakatira, sa lugar na pinaghaharian ni Satanas, ngunit nananatili kang tapat sa akin. Hindi mo tinalikuran ang iyong pananampalataya sa akin …”
Juan 20:28, “Sumagot si Tomas, Panginoon ko at Diyos ko!” Sinabi sa kanya ni Jesus, ‘Naniniwala ka na ba dahil nakita mo ako?’”
Juan 20:31, “Ang mga nakatala rito ay isinulat upang kayo'y sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at upang magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya.”
Gawa 2:38, “Sumagot si Pedro, “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo....”
1 Juan 3:23, “Ito ang kanyang utos: sumampalataya tayo sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at magmahalan tayo gaya ng iniutos ni Cristo sa atin.”
Nilikha ba si Hesus o Manlilikha?
Itinuturo ng Saksi ni Jehovah na nilikha ni Jehovah si Hesus bilang isang anghel, pagkatapos, nilikha naman ni Hesus ang ibang mga bagay. Ngunit ano ang sinasabi ng Bibliya?
(Tungkol sa Ama)
Isaias 66:2, “Sa lahat ng bagay ako ang maylikha, kaya ako ang may-ari ng lahat ng ito.”
Isaias 44:24, “Akong si Yahweh, na iyong Tagapagligtas, ang lumikha sa iyo: Ako ang lumikha ng lahat ng bagay.…”
(Tungkol kay Hesus)
Juan 1:3, “Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya.”Kung ang lahat ng bagay ay nilikha sa pamamagitan ni Hesus, hindi Siya maaaring kasama sa mga nilikha dahil kasama Siya sa “lahat ng mga bagay.”
Katayuan, Pangalan at Titulo ni Hesus at ni Jehovah
Isaias 9:6, “Sapagkat isinilang ang isang sanggol na lalaki para sa atin. Ibibigay sa kanya ang pamamahala; at siya ay tatawaging Kahanga-hangang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.”
Pahayag 1:8, “Ako ang Alpha at ang Omega,” sabi ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat; Diyos sa kasalukuyan, sa nakaraan, at siyang darating.”
Pahayag 1:17-18, “…Huwag kang matakot! Ako ang simula at ang wakas, at ang nabubuhay! Namatay ako ngunit tingnan mo, ako'y buhay ngayon at mananatiling buhay magpakailanman. Nasa ilalim ng aking kapangyarihan ang kamatayan at ang daigdig ng mga patay..”
Pahayag 2:8, “…Ito ang ipinapasabi sa iyo ng simula at wakas, ang namatay at muling nabuhay”
Pahayag 22:12-16, “At sinabi ni Jesus, “Makinig kayo! Darating na ako! Dala ko ang mga gantimpalang ibibigay sa bawat isa ayon sa kanyang ginawa! Ako ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang simula at ang wakas.” “Akong si Jesus ang nagsugo sa aking anghel upang ang mga bagay na ito'y ipahayag sa inyo na nasa mga iglesya. Ako'y mula sa angkan ni David; ako ang maningning na bituin sa umaga.”
Pahayag 21:6-7, “Sinabi pa rin niya sa akin, “Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Ang sinumang nauuhaw ay bibigyan ng tubig na walang bayad na mula sa bukal na nagbibigay-buhay; ito ang makakamtan ng magtatagumpay. At ako'y magiging Diyos niya at siya nama'y magiging anak ko.” Kung si Jehovah ang Alpha at Omega (ang una at huling letra sa alpabetong Griyego), ang “una at huli” ay dapat na tumutukoy kay Jehovah, gaya ng inaangkin ng mga Saksi ni Jehovah. Ngunit kailan namatay si Jehovah? Ang tanging “una at huli” na namatay at nabuhay na mag-uli ay si Hesus.
Hebreo 1:13, “Kailanma'y hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel, “Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”“?
Katotohanan at Pagkakaisa
Ang kamatayan ni Hesus bilang handog para sa kasalanan ng tao ay tinanggap ng Diyos Ama dahil sa isang kadahilanan: Ang Kanyang sariling katuwiran lamang ang Kanyang tinatanggap. Ang katuwiran ng isang tao o isang anghel ay hindi sapat. Hindi nito mabibigyang kasiyahan ang banal at perpektong pamantayan ng Kautusan ng Diyos. Si Hesus lamang ang sapat na handog dahil Siya ang katuwiran ng Diyos at dahil hinihingi ng Kautusan ang pagbububo ng dugo para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, nagkatawang tao si Hesus upang maging pantubos sa mga sasampalataya sa Kanyang pangalan.
Pansinin na kung tatanggapin natin na si Hesus ang Diyos na nagkatawang tao, ang lahat ng mga talata sa itaas ay madaling tanggapin na totoo at nagkakaisa. Mauunawaan din sila ng malinaw gamit ang sintido komon, kung tinatanggap ang kahulugan ng mga talata sa literal na paraan. Gayunman, kung tatangkain natin na ipagpalagay na si Hesus ay hindi Diyos – na siya si Arkanghel Miguel – ang lahat ng mga talatang nabanggit ay hindi totoo at sinasalungat ang sa isa’t isa kung uunawain sa kanilang normal na konteksto. Kaya nga, hinihingi ng katotohanan ng Salita ng Diyos na magkaisa tayo sa pangunawa na lahat ng Kasulatan ay nagkakaisa, magkakaugnay, hindi nagkakamali at totoo. Ang pagkakaisa ng buong Kasulatan ay matatagpuan lamang sa persona at pagka-Diyos ni Hesu Kristo. Nawa makita natin ang katotohanang ito kung paano ito inihayag sa buong Kasulatan, hindi dahil nais lamang nating unawain ito sa ganitong paraan at nawa ang Diyos ang tumanggap ng lahat na kaluwalhatian.
Kung mayroon kang katanungan tungkol kay Hesus bilang Diyos na nagkatawang tao, maaari mong ipadala sa amin ang iyong tanong. Kung handa ka ng ilagak ang iyong pagtitiwala kay Hesus bilang Diyos na nagkatawang tao, maaari kang manalangin ng ganito: “Ama, kinikilala ko na ako ay isang makasalanan at kaparapatdapat sa iyong kaparusahan. Kinikilala ko si Hesus at naniniwala ako sa Kanya na Siya lamang ang tanging Tagapagligtas, at dahil Siya ay Diyos, maaari ko Siyang maging Tagapagligtas. Inilalagak ko ang aking pagtitiwala kay Hesus lamang na Siyang tanging makakapagligtas sa akin. Diyos Ama, patawarin Mo po ako sa lahat na aking mga kasalanan, linisn mo po ako at baguhin. Salamat po sa iyong kahanga-hangang biyaya at kahabagan!” English
Ako ay isang Saksi ni Jehovah, bakit ko ikukonsidera na maging isang Kristiyano?