Tanong
Ang New World Translation ay isang katanggap-tanggap na salin ng Bibliya?
Sagot
Tinagurian ng pangulong organisasyon ng Saksi ni Jehovah na The Watchtower Society ang kanilang sariling salin ng Bibliya na The New World Translation (NWT) bilang “isang salin ng Banal na kasulatan na direktang isinalin mula sa Hebreo, Aramaiko at Griyego sa makabagong salitang Ingles ng isang kumite na itinalaga ng Saksi ni Jehovah.” Ang NWT ay isinalin ng mga hindi kilalang iskolar na kabilang sa “New World Bible Translation Committee.” Inaangkin ng Saksi ni Jehovah na sinadya nilang hindi ipakilala ang mga tagasalin upang diumano ay maiukol lamang sa Diyos ang kapurihan. Ngunit siyempre, ito ay dagdag na benepisyo para sa mga tagasalin upang maging malaya sila sa anumang pagsusuri ng kanilang mga pagkakamali at hadlangan ang mga iskolar ng Bibliya na alamin ang kanilang mga pinagaralan sa akademya bilang kwalipikasyon sa pagsasalin ng Bibliya.
Ang New World Translation ay kakaiba dahil sa isang natatanging dahilan – ito ay bunga ng unang intensyonal na sistematikong pagsisikap na gumawa ng isang kumpletong salin ng Bibliya at iniedit at nirebisa para sa tanging layunin na sumang-ayon sa doktrina ng isang grupo. Nalalaman ng mga Saksi ni Jehovah at ng Watchtower Society na ang kanilang mga paniniwala ay sumasalungat sa Kasulatan. Kaya, sa halip na baguhin ang kanilang paniniwala upang sumang-ayon sa Kasulatan, ang Kasulatan ang kanilang binago upang sumang-ayon sa kanilang paniniwala. Binago ng “New World Bible Translation Committee” ang lahat na bahagi ng Kasulatan na hindi sumasang-ayon sa teolohiya ng Saksi ni Jehovah. Malinaw na ipinakikita ito ng katotohanan na habang inilalathala ang mga bagong edisyon ng New World Translation, may mga idinadagdag pa silang pagbabago sa mga teksto ng Bibliya. Habang patuloy na pinatutunayan ng mga Kristiyano sa pamamagitan ng mga talata sa Kasulatan ang pagka-Diyos ni Kristo, maglalathala naman ang Watchtower Society ng isang bagong edisyon ng New World Translation na binago ang mga talatang iyon. Ang mga sumusunod ang ilan sa pinakakilalang halimbawa ng mga talatang intensyonal na binago sa NWT:
Isinalin sa New World Translation ang salitang Griyegong staurós (“krus”) na “kahoy ng pagpaparusa” dahil hindi naniniwala ang mga Saksi ni Jehovah na ipinako sa krus si Hesus. Hindi isinalin ng New World Translation ang salitang Hebreong sheol o ang mga salitang Griyegong hades, gehenna, at tartarus na “impiyerno” dahil hindi sila naniniwala sa impiyerno. Ginamit sa NWT ang salitang “presensya” sa halip na “pagparito” para sa salitang Griyegong parousia dahil pinaniniwalaan ng mga Saksi ni Jehovah na dumating na si Hesus noong unang bahagi ng 1900s. Sa Colosas 1:16, isiningit ng NWT ang salitang “iba” sa kabila ng ang salitang ito ay hindi matatagpuan sa orihinal na tekstong Griyego. Ginawa ito upang ibigay ang pananaw na ang “lahat ng ibang mga bagay” ay ginawa sa pamamagitan ni Kristo sa halip na kung ano ang sinasabi ng teksto sa orihinal na salin na “ang lahat ng bagay ay ginawa sa pamamagitan ni Kristo.” Ito ay upang suportahan ang kanilang paniniwala na si Kristo ay isa lamang nilikha dahil tinatanggihan nila ang katuruan ng Trinidad o tatlong persona ng Diyos.
Ang pinakakilalang teksto na tahasang binaluktot ng New World Translation ay ang Juan 1:1. Mababasa sa orihinal na teksto, “Ang Salita ay Diyos.” Isinalin sa NWT ang talatang ito na, “ang salita ay isang diyos.” Ito ay paglalagay ng isang paniniwalang panteolohiya sa teksto sa halip na hayaan ang teksto na magsalita para sa kanyang sarili. Walang artikulo sa salitang Griyego (sa salitang Ingles ay “a” o “an”). Kaya ang paggamit ng isang artikulo sa saling Ingles ay dapat na idagdag ng isang tagasalin. Ito ay katanggap-tanggap sa gramatikong Ingles, hanggat hindi nito binabago ang kahulugan ng teksto.
May perpektong paliwanag kung bakit ang salitang Griyegong theos ay dapat na walang artikulo sa Juan 1:1 at kung bakit mali ang pagkasalin dito ng New World Translation. May tatlong pangunahing batas sa salitang Griyego na dapat isaalang-alang upang maintindihan natin kung bakit mali ang saling ito ng NWT.
1. Sa salitang Griyego, ang kaayusan ng mga salita ay hindi nagdedetermina ng gamit ng salita gaya sa salitang Ingles. Sa salitang Ingles, ang istruktura ng isang pangungusap ay ayon sa kaayusan ng salita: Simuno – pandiwa – at panaguri. Kaya ang pangungusap na, “tinawag ni Harry ang aso” ay hindi katumbas ng “tinawag si Harry ng aso.” Ngunit sa salitang Griyego, ang gawain ng isang salita ay dinidetermina ng dulo ng salita kung saan nakaugnay ang salitang ugat. Sa Juan 1:1, may dalawang posibleng dulo ang salitang ugat na theo, ang isa ay “s” (theos), at ang isa ay “n” (theon). Kung ang dulo ng theo ay “s” ito ay normal na nangangahulugan na ang pangngalan ang ginamit bilang simuno ng pangungusap, habang kung “n” naman ang nasa dulo ng theo, ang pangngalan ay ginamit bilang panaguri.
2. Kung ang ang gawain ng isang panggalan sa pangungusap ay isang panaguri, ang dulo nito ay dapat na sinusundan ng kapareho ng dulo ng pangngalan na kinakatawan nito upang malaman ng mambabasa kung ano ang inilalarawan ng pangngalan. Kaya nga ang salitang theo ay dapat na “s” ang dulo dahil kinakatawan nito ang salitang logos. Kaya ang Juan 1:1 ay dapat na isalin sa: “kai theos en ho logos.” Ang theos ba ang simuno ng pangungusap o ang logos? Parehong nagtatapos sa “s” ang dalawang salita. Ang sagot ay malalaman sa susunod na batas ng gramatiko sa salitang Griyego.
3. Sa mga pagkakataon na may dalawang pangngalan na lumabas sa isang pangungusap, at pareho sila ng dulo, laging idinadagdag ng manunulat ang artikulong “ang” sa unahan ng simuno upang maiwasan ang pagkalito ng mambabasa. Naglagay si Juan ng artikulong “ang” sa salitang logos (“Ang Salita”) sa halip na sa theos. Kaya’t ang logos ang simuno sa pangungusap at ang theos ang panaguri. Sa salitang Tagalog ang magiging gramatiko ng talatang Juan 1:1 ay dapat na, “ang Salita ay Diyos” sa halip na “ang Diyos ay ang Salita” o “ang Diyos ay isang salita.”
Ang pinakamalinaw na ebidensya ng pagkiling ng salin ng Watchtower sa kanilang sariling teolohiya ay ang kanilang pabagu-bagong paraan ng pagsasalin. Sa buong Ebanghelyo ni Juan, ang salitang Griyegong “theon” ay isinasalin ng walang tiyak na artikulo. Hindi isinalin kahit saan ang salitang theon sa New World Translation bilang “isang diyos.” Tatlo lamang talata maliban sa Juan 1:1 na isinalin sa New World Translation ang salitang theos na walang artikulo bilang “Diyos.” Ang pinakapabagu-bagong salin sa NWT ay ang salin nila sa Juan 1:18 kung saan ang parehong salitang “Diyos” ay isinalin sa salitang “Diyos” at “isang diyos” sa parehong pangungusap.
Kaya nga walang basehan sa orihinal na gramatiko ang ginawang pagsasalin ng Watchtower kundi ang pagkiling sa kanilang sariling teolohiya. Habang maaaring magtagumpay ang mga tagapagtanggol ng New World Translation sa pagpapakita na ang Juan 1:1 ay maaaring isalin sa paraang kanilang ginawa, hindi nila maipapakita na ito ang tamang salin. Hindi rin nila maipapaliwanag ang katotohanan na hindi isinalin ng NWT ang parehong parirala sa salitang Griyego sa parehong paraan sa buong aklat ng Juan. Tanging ang maling katuruan ng pagtanggi sa pagka-Diyos ni Kristo ang dahilan ng Watchtower Society upang sapilitang baguhin ang kahulugan ng mga tekstong Griyego upang ang maling salin ay magmukhang tama para sa mga walang kamalayan sa mga katotohanang ito.
Ang maling teolohiya at heretikong paniniwala ang nasa likod ng hindi tapat ay pabagu-bagong salin ng Watchtower sa Bibliya na tinatawag na New World Translation. Kaya’t tunay na hindi katanggap tanggap ang saling ito ng Bibliya. May kakaunting pagkakaiba lamang sa pagitan ng lahat ng salin ng Bibliya sa salitang Ingles at Tagalog. Walang salin sa Ingles at Tagalog ang perpekto. May mga tagasalin ng Bibliya ang nakakagawa ng kaunting pagkakamali sa kanilang pagsasalin ng salitang Hebreo at Griyego sa salitang Ingles. Ngunit sinadya ang ginawang pagbabago ng NWT sa kahulugan ng mga teksto upang suportahan ang maling teolohiya ng Saksi ni Jehovah. Ang New World Translation ay hindi isang bersyon kundi isang perbersyon ng Bibliya. English
Ang New World Translation ay isang katanggap-tanggap na salin ng Bibliya?