Tanong
Ano ang the Watchtower Bible and Tract Society?
Sagot
Ang Watchtower Bible and Tract Society ay isang organisasyon na pinamumunuan ng mga lider ng Saksi ni Jehovah. Ang Watchtower Society ay itinatag noong 1886 at kasalukuyang nakabase sa Brooklyn, New York. Nagtataglay ang Watchtower ng napakalaking kontrol sa mga miyembro ng Saksi ni Jehivah at lumikha pa ito ng sariling salin ng Bibliya na tinatawag na New World Translation. Ang samahan ay sumailalim sa pamamahala ng ilang mga presidente simula ng ito ay itatag at ipinosisyon ang sarili bilang pangunahing karibal ng mga Kristiyanong Ebangheliko. Habang inaangkin na tanging mga Saksi ni Jehovah lamang ang mga lehitimong tagasunod ng Diyos, tinatanggihan at nilalabanan naman ng Watchtower ang ilang mga pangunahing makasaysayang doktrina ng pananampalatayang Kristiyano.
Sa pagsisimula, ang Watchtower ay nagkamali sa isa sa pinakamahalagang katanungan sa lahat ng relihiyon: Sino si Hesu Kristo? Itinuturo ng Watchtower Society na si Hesu Kristo ay ang unang nilikha ng Diyos na si Jehovah hindi ang nagkatawang taong Diyos na gaya ng malinaw na itinuturo ng Bibliya (Tito 2:13; Colosas 2:9). Dahil dito, kinikilala nila si Hesus bilang isang nilalang sa halip na Manlilikha ng lahat ng bagay (Colosas 1:16-17; Juan 1:1-3). Inulit nila ang pagkakamali ng Arianismo, na kinondena bilang isang maling katuruan ng Iglesyang Kristiyano sa Konseho ng Nicea at napakadaling pabulaanan sa pamamagitan ng tapat na pagbabasa ng Kasulatan.
Mula ng matatag, tinanggihan ng Watchtower ang katuruan ng Bibliya tungkol sa Trinidad (Isang Diyos na umiiral sa tatlong magkakapantay, at walang hanggang Persona) at sinasabi na ang doktrina ng mga Kristiyano tungkol sa Diyos ay isang panlilinlang ni Satanas. Tinukoy pa ng nagtatag ng Saksi ni Jehovah at dating Presidente ng Society na si Charles Taze Russell na ang konsepto ng Kristiyano tungkol sa Diyos ay “mismong ang Diyablo.” Ang Diyos ng Watchtower ay hindi ang Diyos ng Bibliya at dahil dito, wala siyang kakayahan na iligtas ang mga tao sa kanilang kasalanan.
Sa pagtatangka na depensahan ang kanilang doktrina sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng mga teksto sa Bibliya, gumawa ang Society ng sarili nitong salin ng Kasulatan noong 1961. Ang saling ito na kilala sa tawag na New World Translation ay itinuturing ng mga Saksi ni Jehovah na “tanging tapat na salin ng mga teksto ng Bibliya.” Ang NWT ay kakaiba dahil ito ang unang intensyonal at sistematikong pagsisikap na makapagsalin ng kumpletong bersyon ng Bibliya na inedit at nirebisa para sa tanging layunin na suportahan ang doktrina ng isang grupo ng pananampalataya. Paulit-ulit na pinuna ng mga iskolar ng salitang Griyego sa lahat ng hanay ng teolohiya ang NWT dahil sa maling pagkakasalin nito ng maraming mga susing talata at salita sa Bibliya.
Ang namayapang dating Propesor ng Bagong Tipan sa Princeton Theological Seminary at awtor ng ilang kinikilalang mga aklat sa kritisismong tekstwal na si Dr. Bruce Metzger ay nagsabi, “Isiningit ng ng Saksi ni Jehovah sa kanilang salin ng Bagong Tipan ang mga maling salin ng salitang Griyego.” Sinabi ni Dr. Robert Countess matapos makumpleto ang kanyang Ph.D. dissertation tungkol sa New World Translation na ang salin ng Watchtower “ay hindi naging matagumpay sa pagpapanatili ng kanilang mga kunsiderasyong doktrinal mula sa impluwensya ng aktwal na salin. Dapat itong ituring na isang salin na may kinikilingang katuruan. May mga ilang bahagi ng saling ito ang sadyang hindi tapat.”
Ang isa pang dahilan sa hindi paniniwala sa mga pagaangkin ng Watchtower ay ang mahabang kasaysayan nito sa paggawa ng mga maling propesiya. Sa maraming okasyon, hinulaan ng Watchtower Society ang wakas ng mundo; ang pinakahuling petsa ay noong 1946, 1950, at 1975. Ang kanilang mga hula ay malinaw na kasinungalingan, dahil sa kanilang pagaangkin na ang Society ang “tunay na tagapagsalita ng Diyos sa mundo sa panahong ito.” Ang kasaysayan ng Society sa pagawa ng mga maling hula ay ganap na kasalungat sa pamantayan ng Bibliya sa isang tunay na propeta: “Upang matiyak ninyo kung ang sinabi ng propeta ay galing kay Yahweh o hindi, ito ang palatandaan: kapag hindi nangyari o nagkatotoo ang sinabi niya, iyon ay hindi mula kay Yahweh; ang mensahe niya ay gawa-gawa lamang niya. Huwag ninyo siyang katatakutan” (Deuteronomio 18:21-22).
Gayundin naman, ipinagbabawal ng Watchtower ang paglilingkod sa militar, ang pagdiriwang ng mga tanging araw gaya ng kaarawan at ang pagpupugay sa watawat ng bansa. Ang dahilan sa likod ng mga pagbabawal na ito ay nag-ugat sa maling pagaangkin ng grupo bilang isang eksklusibong organisadong koleksyon ng bayan ng Diyos. Itinuturing ng Watchtower ang lahat ng sistema ng mundo (anumang gawain na hindi konektado sa Watchtower) na may kaugnayan kay Satanas at karapatdapat na ipagbawal. Kasama rito ang pagsasalin ng dugo sa maysakit. Sinabi ng Watchtower na ang pagsasalin ng dugo ay “maaaring magresulta sa daglian o napakaiksing panahon ng pagpapahaba ng buhay ng tao, ngunit ang kapalit nito ay buhay na walang hanggan para sa isang tapat na Kristiyano.” Mali din ang pagpapalagay ng Society sa mga biblikal na pagbabawal sa pagkain ng dugo (Genesis 9:4; Gawa 15:28-29) na huhantong hanggang sa pagbabawal sa modernong pagsasanay sa medisina na pagsasalin ng dugo, isang pagbabawal na sa katotohanan ay naging dahilan ng kamatayan ng maraming miyembro at mga anak ng mga Saksi ni Jehovah.
Sa kabila ng paulit-ulit na nabigong mga hula, tila tulad sa gawain ng kulto na paghiwalay ng kanilang mga miyembro sa sosyedad at ang sinadyang maling pagsasalin ng Bibliya upang patunayan ang kanilang maling teolohiya, patuloy na umaani ang Watchtower Bible and Tract Society ng mga walang malay na miyembro taun taon. Tungkulin ng mga Kristiyanong tapat sa Bibliya na maging handa sa pagsansala sa mga maling doktrina sa pamamagitan ng pagpapaliwanag sa tamang katuruan ng Bibliya (Tito 1:9). Gaya ng sinasabi sa atin ni Judas, dapat tayong manindigan sa ating “pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman” (Judas 3). English
Ano ang the Watchtower Bible and Tract Society?