Tanong
Ano ang ibig sabihin ng paggamit ng maraming salitang walang kabuluhan sa panalangin?
Sagot
Sinabi ni Hesus sa Kanyang sermon sa bundok, “Sa pananalangin ninyo'y huwag kayong gagamit ng maraming salitang walang kabuluhan, gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila'y papakinggan sila ng Diyos dahil sa haba ng kanilang sinasabi” (Mateo 6:7). Ang salitang walang kabuluhan ay nangangahulugang “walang laman” o “walang saysay”; kaya nga binalaan tayo ni Hesus na huwag gumamit ng mga paulit-ulit na panalangin gamit ang mga salitang walang kabuluhan sa ating pananalangin dahil hindi ito makatutulong upang dinggin ng Diyos ang ating mga panalangin. Hindi sa dami at ganda ng pananalita tumitingin ang Diyos; sa halip, ang Kanyang ninanais para sa atin ay “isang pusong tapat” (Awit 51:6).
Sinabi ni Hesus na ang paggamit ng mga walang kabuluhang pananalita o mga pormulang salita sa pananalangin ang siyang sinasanay ng mga “walang Diyos” at mga pagano at dapat na hindi maging bahagi ng panalanging Kristiyano. Ang ating mga panalangin ay dapat na maiksi at simple gaya ng panalangin ni Elias sa Bundok ng Carmelo at hindi masyadong matagal na gaya ng paulit-ulit na panalangin ng mga propeta ni Baal (tingnan ang 1 Hari 18:25–39).
Kung tayo’y nananalangin, ipinapaabot natin ang laman ng ating puso sa Diyos at sumasamba sa Kanya. Ito ay gaya ng pakikipagusap sa Kanya sa ating mga puso. Maraming relihiyon—kabilang ang ilang sangay ng Kristiyanismo ang nagpapayo na ulit-ulitin ang isang panalangin. May mga Iglesya pa na nagtuturo na kung mananalangin ang kanilang miyembro ng isang partikular na panalangin sa isang itinakdang dami ay mapapatawad sila sa kanilang kasalanan. Ito ay paganismo at pamahiin lamang; ang mga panalangin na itinuturing na gaya sa isang pormula ang tinutukoy ni Hesus na walang kabuluhan at paulit-ulit na salita at walang lugar sa Iglesya. Tinubos na ni Hesus ang kasalanan ng Kanyang mga hinirang ng minsan sa lahat ng panahon (Hebreo 10:10), at maaari na tayong lumapit sa trono ng biyaya ng Diyos ng may lakas ng loob sa pamamagitan ng handog ni Kristo (Hebreo 4:15–16), hindi dahil sa “dami” at ganda ng ating mga salita (Mateo 6:7).
Madaling maengganyo na manalangin ng walang kabuluhang mga salita, at ulit-ulitin ang parehong mga salita sa ating pananalangin sa halip na manalangin mula sa puso. Dapat nating ituon sa Diyos ang ating isipan sa ating pananalangin at parangalan Siya sa ating mga puso. Sinabi ng Diyos sa Isaias 29:13, “…Sa salita lamang malapit sa akin ang mga taong ito, at sa bibig lamang nila ako iginagalang, subalit inilayo nila sa akin ang kanilang puso,at ayon lamang sa utos ng tao ang kanilang paglilingkod.”
Nagbabala si Hesus laban sa paggamit ng mga walang kabuluhang pananalita na paulit-ulit na binabanggit sa panalangin kaya’t dapat natin itong iwasan. Ang pagpapaulit-ulit ng mga walang kabuluhang pananalita sa pananalangin ay umuubos ng ating oras ngunit hindi nito pinatutunayan ang ating pagtatalaga sa Diyos ng ating sarili o ginagawang mas epektibo ang ating mga panalangin para sagutin ng Diyos. Dapat nating turuan ang ating mga anak sa kanilang murang edad na manalangin sa isang natural na paraan gamit ang mga pangkaraniwang salita ng may pangingimi sa Diyos.
Ang pagiging matiyaga sa panalangin ay hindi katulad ng pananalangin gamit ang mga walang kabuluhang pananalita. Walang masama sa pananalangin ng paulit-ulit sa parehong bagay (tingnan ang 2 Corinto 12:8). Ang totoo, itinuro sa atin ni Hesus na “dapat tayong manalanging lagi at huwag manghinawa” (Lukas 18:1). Ngunit dapat na ang ating mga panalangin ay nagmumula sa ating mga puso, hindi minemorya lamang at dapat na nagbibigay ng papuri sa Diyos, hindi inulit ulit ang parehong mga salita na isinulat o itinuro ng tao.
Itinuturo sa atin ng Bibliya na manalangin ng may pananampalataya (Santiago 1:6), na isang direktang pagpapaabot ng ating mga kahilingan sa Diyos (Mateo 6:9), sa pangalan ni Hesus (Juan 14:13). Dapat tayong magpaabot ng ating mga dalangin sa diwa ng kapakumbabaan at paggalang sa Diyos (Lukas 18:13), ng may katiyagaan (Lukas 18:1), at pagsuko sa Kanyang kalooban (Mateo 6:10). Itinuturo sa atin ng Bibliya na iwasang manalangin na gaya ng mga ipokrito na ang pananalangin ay pakitang tao lamang (Mateo 6:5), at nagtitiwala sa bisa ng walang kabuluhang pananalita na inuulit-ulit sa kanilang mga panalangin (Mateo 6:7).
English
Ano ang ibig sabihin ng paggamit ng maraming salitang walang kabuluhan sa panalangin?