settings icon
share icon
Tanong

Sino ang mga Samaritano?

Sagot


Inokupa ng mga Samaritano ang lupain na dating pagaari ng tribo ni Efraim at ng kalahati ng lupain ng tribo ni Manases. Ang kabisera ng lupain ay ang Samaria. Ang Samaria ay isang dating malaki at marangyang siyudad. Nang dalhing bihag ang 10 tribo ng Israel sa Asiria, ipinadala ng hari ng Asiria ang mga taga Cutha, Ava, Hamath, at Sepharvaim upang tirhan ang Samaria (2 Hari 17:24; Ezra 4:2-11). Ang mga dayuhang ito ay nakipag asawahan sa mga Israelita na natira sa Samaria at sa palibot nito. Sa umpisa, ang mga “Samaritanong” ito ay sumamba sa mga diyus diyusan ng kanilang sariling mga bansa , ngunit ginulo sila ng mga leon, kaya’t ipinagpalagay nila na ang dahilan nito ay ang kanilang hindi paggalang sa Diyos ng lugar na iyon. Isang saserdoteng Hudyo ang ipinadala mula sa Asiria upang turuan sila tungkol sa relihiyon ng mga Hudyo. Tinuruan sila tungkol sa mga aklat ni Moises, ngunit pinanatili nila ang marami sa kanilang kaugalian na hindi nakalulugod sa Diyos. Niyakap ng mga Samaritano ang isang relihiyon na isang kumbinasyon ng Judaismo at ng pagsamba sa mga diyus diyusan (2 Hari 17:26-28). Dahil ang mga Israelitang naninirahan sa Samaria ay nakipagasawahan sa mga dayuhan at inangkin ang relihiyon na sumasamba sa mga diyus diyusan, ang mga Samaritano sa pangkalahatan ay itinuturing na mga “mestiso” at hinahamak at kinamumuhian ng mga Hudyo.

Ang mga sumusunod ang mga karagdagang dahilan ng alitan sa pagitan ng mga Israelita at ng mga Samaritano:

1. Pagkatapos na bumalik ng mga Hudyo mula sa pakakabihag sa Babilonia, nagumpisa silang muling itayo ang templo. Habang itinatayo ni Nehemias ang moog ng Jerusalem, tinangka ng mga Samaritano na pigilan siya (Nehemias 6:1-14).

2. Nagtayo ang mga Samaritano ng kanilang sariling templo sa Bundok ng Gerizim, na ipinagpipilitan nila na siyang lugar na itinalaga ni Moises kung saan dapat sumamba ang buong bansa. Itinalaga ni Sanbalat, ang pinuno ng mga Samaritano, ang manugang niyang si Manases bilang punong saserdote. Dahil dito, napanatili ang relihiyon ng mga Samaritano.

3. Naging taguang lugar ang Samaria ng mga kriminal na taga Judea (Josue 20:7; 21:21). Bukas palad na tinanggap ng mga Samaritano ang mga kriminal na nagtatago sa batas ng mga Hudyo. Ang mga sumuway sa kautusan ng mga Hudyo at ang mga itiniwalag sa Judaismo ay nakatagpo ng kakampi sa Samaria na siyang nagpalaki ng galit na namamagitan sa dalawang grupo.

4. Ang limang aklat lamang ni Moises ang tinatanggap ng mga Samaritano at tinatanggihan ang mga sulat ng mga propeta at ang mga tradisyon ng mga Hudyo.

Ang mga ito ang dahilan ng hindi pagkakasundo at pagkakaiba sa pagitan ng dalawang grupo at itinuturing ng mga Hudyo ang mga Samaritano na pinakamasama sa lahat ng lahi ng tao (Juan 8:48) at wala silang anumang pakikisama sa kanila (Juan 4:9). Sa kabila ng pader na namamagitan sa pagitan ng dalawang grupong ito, giniba ni Hesus ang pader na ito at ipinangaral ang Ebanghelyo ng kapayapaan sa mga Samaritano (Juan 4:6-26). Kalaunan, sinundan ng mga apostol ang ginawang halimbawa ni Hesus sa kanyang pakikitungo sa mga Samaritano (Gawa 8:25).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino ang mga Samaritano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries