settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Samson?

Sagot


Ang buhay ni Samson ay puno ng pagkakasalungatan. Siya'y isang lalaki na may hindi pangkaraniwang lakas ngunit nagpakita ng napakalaking kahinaan sa moralidad. Naging hukom siya sa Israel sa loob ng 20 taon at hinirang siya sa Diyos bago pa isilang "bilang isang Nazareo" (Hukom 13:5). Ngunit patuloy siyang sumira sa mga alituntunin para sa mga Nazareo. Pinahananan siya ng Banal na Espiritu ng maraming beses at binigyan siya ng sobrang lakas para labanan ang mga Filisteo, ang mga manlulupig ng mga Israelita. Ito ay sa kabila ng katotohanan na si Samson ay isang babaero at isang mapaghiganting tao. Inilalarawan sa buhay ni Samson ang pangangailangan ng pagsasabi ng "hindi" sa tukso ng laman, ang paggamit ng Diyos kahit sa mga taong mahina at makasalanan para ganapin ang Kanyang kalooban, ang mga konsekwensya ng kasalanan at ang kahabagan ng Diyos.

Ang buhay ni Samson – Ang kanyang pagsilang
Nagsimula ang kwento ni Samson sa pagaanunsyo sa kanyang pagsilang. Isang lalaki buhat sa lipi ni Dan na nagngangalang Manoa ang nagkaasawa ng isang baog (Hukom 13:2). Dinalaw ng isang anghel ng Panginoon ang kanyang asawa at sinabi dito, "Hindi ka pa nagkakaanak. Ngunit hindi magtatagal, maglilihi ka at manganganak" (talata 3). Inutusan din siya ng anghel na sundin ang mga alituntunin para sa mga Nazareo sa kanyang pagbubuntis—hindi siya maaaring uminom ng alak, ng inuming gawa mula sa ubas, at hindi siya maaaring kumain ng pagkaing hindi nakapasa sa batas ng kosher. Sinabi ito ng babae kay Manoa, at dumalangin si Manoa na muling bumisita sa kanila ang anghel at magbigay pa ng karagdagang impormasyon tungkol sa pagpapalaki sa kanilang anak (talata 8).

Sinagot ng Diyos ang dalangin ni Manoa. Muling nagpakita ang anghel ng Panginoon sa kanyang asawa at tumakbo ito para sunduin si Manoa.Inulit ng anghel ang kanyang mensahe kay Manoa na itinanong naman kung ano ang pangalan ng anghel. Sinabi ng anghel kay Manoa, "Bakit gusto pa ninyong malaman ang aking pangalan? Ito'y kamangha-manghang pangalan" (Hukom 13:18). Pagkatapos, naghandog si Manoa ng isang kambing sa ibabaw ng isang bato at "Nang nagliliyab na ang apoy, nakita ng mag-asawang Manoa na ang anghel ay umakyat sa langit sa pamamagitan ng apoy. Nagpatirapa ang mag-asawa" (talata 20). Saka lamang naunawaan ni Manoa kung sino ang kanyang kausap: sinabi ni Manoa sa kanyang asawa, "Tiyak na mamamatay tayo sapagkat nakita natin ang Diyos!" (talata 22).

Tapat ang Diyos sa Kanyang salita at nagsilang ang asawa ni Manoa ng isang lalaki at pinangalanan nila ito ng Samson. Pinagpala ng Diyos si Samson habang lumalaki.

Ang buhay ni Samson – Sa tukso ng pagkakasala
Nilampasan ng aklat ng mga Hukom ang iba pang detalye ng buhay ni Samson at itinuloy ang kuwento ng buhay ni Samson sa paghahanap nito ng mapapangasawa. Nais niyang makapag-asawa ng isang babaeng taga Filistea sa kabila ng pagtutol ng kanyang mga magulang sa paglabag sa batas ng Diyos na nagbabawal sa mga Israelita na makipag-asawahan sa mga pagano. Sinamahan si Samson ng kanyang ama't ina sa Timnah para isaayos ang kanyang pagaasawa. Habang daan, isang leon ang umatake kay Samson. "pinalakas siya ng Espiritu ni Yahweh at pinatay niya sa pamamagitan lamang ng kanyang mga kamay ang leon na para lamang isang batang kambing. Ngunit hindi niya ito ipinaalam sa kanyang mga magulang" (Hukom 14:6). Kalaunan, napadaan si Samson sa labi ng leon at nakita niya na puno ito ng pulot na kanya naming kinain. Isa itong paglabag sa batas para sa Nazareo: "Sa buong panahon na inilaan niya ang kanyang sarili kay Yahweh ay hindi siya dapat lumapit sa patay" (Bilang 6:6). Tila alam ni Samon na mali ang kanyang ginawa dahil ng bigyan niya ng pulot pukyutan ang kanyang mga magulang, "Hindi sinabi ni Samson na iyon ay galing sa bangkay ng napatay niyang leon" (Hukom 14:9).

Ang kaugalian noon sa selebrasyon ng kasalan ay inilarawan sa Hukom 14:10 na isang literal na "inuman." Bilang isang Nazareo, si Samson ay "hindi dapat uminom ng alak at ng iba pang inuming nakalalasing" (Bilang 6:3). Bagama't hindi ipinahiwatig ng manunulat ng aklat ng Hukom kung personal na uminom si Samson ng alak o ng inuming nakalalasing sa okasyong iyon, ito ay isang okasyon na nagtulak sa kanya sa iba pang kasalanan. Habang nagkakasayahan, nag-alok si Samson ng pambayad: sinumang makasasagot sa kanyang palaisipan ay tatanggap ng "tatlumpung piraso ng pinong lino at tatlumpung magagarang damit" (Hukom 14:12). Pinagtaksilan si Samson ng kanyang bagong asawa at sinabi ang sagot sa mga Filisteo . Dahil sa galit, pumatay si Samson ng tatlumpung Filisteo at ibinigay ang kanilang ari-arian sa mga nakasagot sa kanyang palaisipan. Pagkatapos, ibinigay ng mga Filisteo ang kanyang asawa sa ibang lalaki. Ginamit ng Diyos ang lahat ng karima-rimarim na pangyayaring ito para sa kayang layunin: "Hindi alam ng mga magulang ni Samson na ang ginagawa niya ay kalooban ni Yahweh upang bigyan ito ng pagkakataong digmain ang mga Filisteo. Ang Israel noon ay nasasakop ng mga Filisteo" (talata 4).

Ang buhay ni Samson– Ginagamit ng Diyos kahit ang mahina at makasalanan para ganapin ang kanyang kalooban
Kusang lumapit si Samson sa mga sitwasyon na nagtulak sa kanya sa pagkakasala, ngunit sa bawat pagkakataon, ginamit siya ng Diyos para sa kanyang kaluwalhatian. Kahit na ang ating mga kasalanan ay hindi makahahadlang sa katuparan ng walang hanggang kalooban ng Diyos. Puno ng galit at paghihiganti, isinumpa ni Samson na gaganti siya sa mga Filisteo dahil sa pagnanakaw sa kanya ng kanyang asawa (Hukom 15:3). Sinunog niya ang mga taniman ng mga Filisteo (talata 4–5) at pagkatapos na patayin ng mga Filisteo ang kanyang asawa, sinalakay niya ang mga Filisteo at "marami ang kanyang napatay" (talata 8).

Nagtago pansamantala si Samson sa Juda, ngunit sa pagaalala na pinapalala ni Samson ang sitwasyon, itinali siya ng mga taga Juda at ibinigay sa mga Filisteo (Hukom 15:8–13). Habang papalapit ang mga Filisteo sa akala nila'y walang labang si Samson, "si Samson ay pinalakas ng Espiritu ni Yahweh at ang kanyang gapos ay pinatid niya na para lamang nasusunog na sinulid (talata 14). May nakita siyang panga ng asno. Dinampot niya ito at siyang ginamit sa pagpatay sa may sanlibong Filisteo" (talata 15).

Sa Gaza, gumamit si Samson ng isang upahang babae. Nang gabing iyon, nalaman ng mga taga Gaza na nasa kanilang siyudad si Samson kaya't naghintay sila hanggang madaling araw para siya patayin. Nakatakas si Samson ng gumising siya ng hating-gabi , "Ngunit nang hatinggabi na'y pumunta sa pintuang-bayan si Samson, inalis ang mga pangharang, poste at tarangka. Pinasan niya ang mga ito at dinala sa ibabaw ng gulod sa tapat ng Hebron" (Hukom 16:3).

Ang buhay ni Samson– May konsekwensya ang kasalanan
Ang layunin ng Diyos sa paglipol sa mga Filisteo ay para magtagumpay ang mga Israelita sa pamamagitan ni Samson ngunit pinapanagot pa rin Niya si Samson sa kanyang mga kasalanan at naranasan niya ang mga konsekwensya ng kanyang kahangalan at pagsuway. Nakilala ni Samson ang isang Filisteang si Delilah at umibig siya dito. Sinuhulan ng mga pinuno si Delilah para malaman kung ano ang pinanggagalingan ng lakas ni Samson at para ibigay siya ni Delilah sa kanilang mga kamay (Hukom 16:5). Nagmakaawa si Delilah kay Samson para sabihin ang pinaggagalingan ng kanyang lakas. Pagkatapos na magsinungaling ng ilang beses, sa huli, ibinunyag din ni Samson na ang kanyang lakas ay dahil sa kanyang pagiging ibinukod para sa Panginoon, partikular dahil sa hindi nalalapatan ng gunting ang kanyang buhok (tingnan ang Bilang 6:5). Ipinaalam ni Delilah sa mga pinunong Filisteo ang lihim ng lakas ni Samson at naghintay sila hanggang makatulog ito. Pagkatapos ipinaahit nila ang ulo ni Samson habang natutulog. Ginising ni Delilah si Samson ng isang sigaw: "Samson, paparating na ang mga Filisteo!" (talata 20). Bumangon si Samson para lumaban, "ngunit hindi niya alam na iniwan na siya ng Panginoon" (talata 20).

Ang patuloy at kusang pagsuway ni Samson ay nagtapos na. Nagtiwala siya ng labis sa kanyang sariling lakas hanggang sa punto na inakala niya na maaari niyang baluktutin ang kahit anong batas; maaaring dumating siya sa yugto ng kanyang buhay na inakala niyang hindi na niya kailangan ang Diyos. Bilang resulta, "Binihag siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Siya'y dinala nila sa Gaza, tinalian ng tanikalang tanso at pinagtrabaho sa isang gilingan sa loob ng bilangguan" (Hukom 16:21). Sa wakas, kailangang harapin ni Samson ang mga konsekwensya ng kanyang mga kasalanan.

Ang buhay ni Samson – Ang Diyos ay mahabagin
Ipinagdiwang ng mga Filisteo ang kanilang tagumpay laban kay Samson, at nagtipon-tipon ang mga pinuno sa templo ng kanilang diyus-diyusang si Dagon para purihin ito dahil sa pagbibigay nito ng tagumpay sa kanila laban kay Samson (Hukom 16:23). Sa gitna ng kanilang pagdiriwang, ipinakuha nila si Samson sa kulungan para sila maaliw. Habang nakasandal sa mga haligi ng paganong templo, "nanalangin si Samson, "Panginoong Yahweh, mahabag kayo sa akin. Isinasamo kong minsan pa ninyo akong palakasin upang sa pagkakataong ito'y makaganti ako sa mga Filisteo sa pagkadukot nila sa aking mga mata" (talata 28). Mahabaging ipinagkaloob ng Diyos kay Samson ang kanyang kahilingan. "Itinukod niya ang kanyang mga kamay sa dalawang haligi sa gitna ng gusali" (talata 30). Ibinuhos niya ang kanyang lakas at itinulak ang mga haligi. Gumuho ito at nabagsakan ang mga pinuno at lahat ng Filisteong naroroon. Kaya, ang napatay ni Samson sa oras ng kanyang kamatayan ay mas marami pa kaysa noong siya'y nabubuhay—mga 3,000 Filisteo.

Si Samson ay isang lalaki ng pananampalataya—binanggit siya sa listahan ng mga bayani ng pananampalataya sa Bibliya (Hebreo 11:32). Gayundin naman, siya ay isang lalaking makalaman, at ang kanyang maraming pagkakamali ay nagsisilbing babala sa atin na hindi tayo dapat maglaro ng apoy pagkatapos ay hindi aasang hindi tayo masusunog. Ipinapakita sa buhay ni Samson ang kahalagahan ng pagtitiwala sa kalakasan ng Diyos, hindi sa ating sariling kalakasan; ang pagsunod sa kalooban ng Diyos hindi sa katigasan ng ating ulo; at pagtitiwala sa karunungan ng Panginoon, hindi sa ating sariling karunungan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Samson?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries