Tanong
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Samuel?
Sagot
Si Samuel, na ang kahulugan ng pangalan ay "narinig ng Diyos," ay inihandog sa Diyos ng kanyang inang si Hannah, bilang bahagi ng kanyang panatang ginawa bago siya isilang (1 Samuel 1:11). Si Hannah ay dating baog. Isang araw nanalangin siya ng buong taimtim sa tabernakulo para magkaanak anupa't inakala ng propetang si Eli na siya ay lasing (1 Samuel 1). Ipinagkaloob ng Diyos ang kahilingan ni Hannah at tapat sa kanyang pangako, pagkatapos na awatin si Samuel sa edad na humigit kumulang na apat na taon, dinala ni Hannah si Samuel sa tabernakulo para maglingkod sa ilalim ng saserdoteng si Eli (1 Samuel 1:22–25). Kahit na isang bata pa lamang, binigyan si Samuel ng kanyang sariling tunika, isang kasuutan na normal na nakareserba para lamang sa isang saserdote habang naglilingkod sa harapan ng Panginoon sa toldang tipanan sa Shiloh, kung saan nakatago ang Kaban ng Tipan(1 Samuel 2:18; 3:3). Ayon sa tradisyon, ang mga anak na lalaki ng isang saserdote ang dapat na humalili sa ministeryo ng kanilang ama, gayunman, masama ang mga anak ni Eli na sina Hophni at Phinehas, anupa't silaý imoral at nilalapastangan ang mga handog para sa Panginoon (1 Samuel 2:17, 22). Samanatala, patuloy na lumaki si Samuel at kinalugdan siya ng Panginoon at ng mga tao (1 Samuel 2:26).
Sa panahong bihira ang mga hula at mga pangitain mula sa Panginoon, isang gabi, narinig ni Samuel ang isang tinig na inakala niyang tinig ni Eli. Bagama't naglilingkod na ang batang si Samuel sa tabernakulo, hindi pa niya kilala ang Panginoon dahil hindi pa niya naririnig ang tinig ng Diyos (1 Samuel 3:7). Sa unang tatlong beses na tinawag ng Panginoon si Samuel, si Eli ang sinasagot ni Samuel. Naunawaan ni Eli kung ano ang nangyayari at sinabihan si Samuel na sagutin ang Diyos kung muli siyang tatawagin. Pagkatapos, "Si Yahweh ay lumapit kay Samuel at muli itong tinawag, "Samuel, Samuel!"Sumagot si Samuel, "Magsalita po kayo, nakikinig ang inyong lingkod" (1 Samuel 3:10). Binigyan ng Diyos si Samuel ng isang mensahe ng paghatol na sasabihin niya kay Eli. Kinabukasan, humakbang si Samuel sa pananampalataya at sinabi kay Eli ang lahat bagama't masama ang balitang kanyang hataid para kay Eli at sa kanyang pamilya (1 Samuel 3:11–18). Tinanggap ni Eli ang balita. Kumalat sa buong Israel ang kredibilidad ni Samuel bilang isang propeta at patuloy na ipinahayag ng Diyos ang Kanyang salita sa mga tao sa pamamagitan ni Samuel (1 Samuel 3:20–21).
Nilusob ng mga Filisteo, ang mortal na kaaway ng mga Israelita, ang bayan ng Diyos. Napatay ang mga anak ni Eli sa labanan at nabihag ang Kaban ng Tipan at dinala sa Filistea. Nang marinig ang balita tungkol sa pagkamatay ng kanyang mga anak, namatay din si Eli. Makaraan ang ilang buwan, ibinalik ng mga Filisteo ang Kaban ng Tipan sa Israel kung saan nanatili ito sa Kiriath Jearim sa loob ng mahigit na 20 taon. Habang humihingi ang mga Israelita ng tulong sa Diyos laban sa kanilang mga kaaway, inutusan sila ni Samuel na wasakin ang mga diyus-diyusan na kanilang sinasamba. Sa pangunguna ni Samuel, at sa kapangyarihan ng Diyos, natalo ng mga Israelita ang mga Filisteo at nagkaroon ng panahon ng kaayapaan sa pagitan ng Israel at ng Filistea (1 Samuel 7:9–13). Kinilala si Samuel bilang hukom ng buong Israel.
Gaya ng mga anak ni Ei, ang dalawang anak ni Samuel na sina Joel at Abijah ay nagkasala din sa Diyos sa pamamagitan ng kurapsyon at pagpilipit sa hustisya. Itinalaga ni Samuel ang kanyang mga anak bilang mga hukom, ngunit sinabi ng mga matatanda ng Israel na dahil matanda na siya at hindi siya tinularan ng kanyang mga anak, nais nilang humirang si Samuel ng isang hari na mamamahala sa kanila gaya ng sa ibang mga bansa (1 Samuel 8:1–5). Ang unang reaksyon ni Samuel sa kanilang kahilingan ay pagdaramdam at ipinanalangin niya sa Diyos ang tungkol sa bagay na ito. Sinabi ng Diyos kay Samuel na hindi siya ang tinanggihan ng mga Israelita kundi ang Diyos bilang kanilang hari. Pinahintulutan ng Diyos si Samuel na ibigay sa mga tao ang kanilang kahilingan ngunit binalaan ang mga tao kung ano ang kanilang maaasahan mula sa isang hari (1 Samuel 8:6–21).
Dumating ang panahon na pinahiran ng langis ni Samuel si Saul, isang lalaki mula sa lahi ni Benjamin bilang unang hari ng Israel (1 Samuel 10:1). Gayunman, tumawag si Samuel sa Diyos para sa isang tanda para ipakita sa mga Israelita ang kasamaan ng pagpili ng isang panlupang hari upang palitan ang kanilang tunay na hari—ang Diyos (1 Samuel 12:16–18). Paglipas ng ilang panahon, nalaman ni Samuel na tinanggihan na ng Diyos si Saul bilang hari para pangunahan ang Kanyang bayan dahil sa kanyang mgapagsuway (1 Samuel 13:11–13). Agad na binalaan ni Samuel si Saul na humanap na ang Diyos ng papalit sa kanya bilang hari (1 Samuel 13:14). Pagkatapos na magpatuloy si Saul sa pagsuway sa Diyos, tinanggihan siya ni Samuel bilang hari (1 Samuel 15:26). Nagbalik si Samuel sa kanyang sariling bayan at hindi na muling nagtungo sa tabi ni Saul, ngunit nagluksa siya para kay Saul (1 Samuel 15:35). Sinabihan ng Diyos si Samuel na pumili ng panibagong hari mula sa pamilya ni Jesse (1 Samuel 16:1), at pinahiran ni Samuel ng langis ang bunsong anak ni Jesse na si David (1 Samuel 16:13). Ngunit namatay si Samuel bago naging ganap na hari si David "at nagtipon ang buong Israel at nagluksa para sa kanya" (1 Samuel 25:1).
Ang buhay ni Samuel ay mahalaga sa kasaysayan ng Israel. Isa siyang propeta at itinalaga niya bilang hari ang unang dalawang hari ng Israel at siya ang pinakahuli sa lahat ng mga hukom ng Israel at itinuturing na pinakadakilang hukom (Hukom 13:20). Binanggit si Samuel kasama nina Moises at Aaron bilang mga lalaking tumugon sa tawag ng Diyos (Awit 99:6). Kalaunan sa kasaysayan ng Israel, noong namumuhay sa pagsuway ang mga Israelita, idineklara ng Diyos na hindi na sila maipagtatanggol ni Moises at Samuel, ang dalawa sa pinakadakilang tagapamagitan ng Israel (Jeremias 15:1). Ito ay maliwanag na indikasyon ng kapangyarihan ng panalangin ni Samuel —at ang laki ng kasalanan ng Israel sa panahon ni Jeremias.
Napakarami nating matututunan sa buhay ni Samuel. Sa partikular, makikita natin ang walang hanggang kapamahalaan ng Diyos sa Israel kahit sino man ang piliin ng mga tao na maghari sa kanila. Maaari nating hayaan ang ibang mga bagay na manahan sa trono ng ating mga puso, ngunit mananatiling makapangyarihan ang Diyos at hindi Siya kailanman tatanggap ng mga taong aabusuhin ang Kanyang kapangyarihan sa buhay ng kanilang mga nasasakupan.
Napakahirap para kay Samuel na sabihin ng walang labis at walang kulang ang kanyang unang pangitain kay Eli. Gayunman, makikita na kahit sa kanyang murang edad, ang lubos na katapatan ni Samuel ay sa Diyos higit sa lahat. Maaaring may mga panahon na natatakot tayo sa mga nasa kapangyarihan, ngunit gaya ng napatunayan ni Samuel ng maraming beses, ang Diyos ang dapat nating unahin sa lahat ng bagay. Maaaring kutyain tayo ng mundo sa ating pananatiling matatag sa ating pananampalataya. Gayunman, maaari tayong magtiwala na ipagtatanggol ng Diyos ang mga nanatiling tapat sa Kanyang salita (Awit 135:14).
Bagama't nagkaroon ng malalim na reserbasyon si Samuel sa pagpayag sa mga tao na magkaroon ng sailing hari, mabilis niyang isinangguni sa Diyos ang tungkol sa bagay na ito at agad na sumunod sa Kanyang desisyon (1 Samuel 8:6–7). Marami sa atin ang sumasangguni sa Diyos sa mahahalagang desisyon sa ating mga buhay ngunit ilan sa atin ang nakahandang tanggapin ang Kanyang payo at sumunod doon, lalo na kung tila laban ang kanyang kalooban sa ating kalooban? Maaaring matuto ang mga tagapanguna sa partikular na halimbawa ng kapangyarihan na natamo ni Samuel dahil sa kanyang malapit na kaugnayan sa Diyos na pinupukaw ng isang malusog na buhay espiritwal. Si Samuel ay isang dakilang tao ng panalangin, at iginalang siya ng mga tao dahil dito (1 Samuel 12:19, 23). Bagama't alam ni Samuel ang mga kasalanan ni Saul, hindi siya tumigil sa pananalangin at pagdadalamhati para dito. Tunay na inilarawan ni Samuel na isang kasalanan ang hindi manalangin para sa mga tao na nasa ilalim ng kanyang pangangalaga. Maaaring isipin natin na hindi na maibabalik pa ang isang tao sa kanyang relasyon sa Diyos sa tuwing makikita nating nagkakasala ang taong iyon ngunit tiyak na magaganap ang plano ng Diyos para sa bawat isa sa atin at hindi ito dapat na maging dahilan para hindi na natin ipanalangin at kalingain ang mas mahihina sa atin ang pananampalataya (Roma 15:1; 1 Tesalonica 5:14).
Ang pangunahing tema sa buong buhay ni Samuel ay tanging ang Diyos lamang ang dapat tumanggap ng kaluwalhatian at karangalan. Pagkatapos na gawing hukom ni Samuel ang kanyang mga anak, maaaring napakalungkot para sa kanya na malaman na hindi sila karapat-dapat manguna. Nang sangguniin niya ang Diyos tungkol sa kahilingan ng mga tao para sa isang hari, wala siyang sinabi para ipagtanggol ang kanyang mga anak. Si Samuel ay masunurin sa mga tagubilin ng Diyos para ibigay sa mga tao ang kanilang nais.
Ang susing talata sa buhay ni Samuel ay makikita sa kanyang pananalita kay haring Saul: "Akala mo ba'y higit na magugustuhan ni Yahweh ang handog at hain kaysa ang pagsunod sa kanya? Mas mabuti ang pagsunod kay Yahweh kaysa paghahandog, at ang pakikinig ay higit sa haing taba ng tupa'" (1 Samuel 15:22). Ang pagsunod sa mga Salita ng Diyos ang dapat na lagi nating unahin sa lahat ng bagay.
English
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Samuel?