Tanong
Ang saradong canon (closed canon) – ano ang mga implikasyon nito?
Sagot
Ang canon ng Kasulatan ay tumutukoy sa lahat ng mga aklat sa Kristiyanong Bibliya at Kasulatang Hebreo na magkasamang bumubuo sa kumpleto, banal at kinasihang Salita ng Diyos. Tanging ang mga aklat ng canon lamang ang itinuturing na may awtoridad sa mga bagay tungkol sa pananampalataya at pamumuhay. Ang kahulugan ng saradong canon ay kumpleto na ang Bibliya; wala ng iba pang aklat ang maaaring idagdag dito. Hindi dadagdagan ng Diyos ang Kanyang salita.
Ang canon o sukatan ng Kasulatan ay pinagpasyahan ng Diyos, hindi ng tao. Mahalaga ang pagkakaibang ito. Ang mga aklat na tinatanggap bilang Salita ng Diyos ay itinuturing na kinasihan ng Diyos hindi dahil mga tao ang nagpasya na maging bahagi sila ng canon. Nakabilang ang mga aklat na ito sa canon dahil hiningahan sila ng Diyos noong panahong isinusulat sila ng mga manunulat. Responsable lamang ang mga mananampalataya sa pagtuklas o pagkilala sa canon. Ang proseso ng pagtuklas ay nagsimula sa mga iskolar na Judio at mga rabbi at tinapos ng unang iglesya sa pagtatapos ng ikaapat na siglo.
Ang pagunlad ng kumpleto at saradong canon ng Kasulatan ay nahugis habang sinusuri at kinikilala ng unang iglesya kung ano ang mga Kasulatan na tunay na hiningahan ng Diyos. Sa pananaw ng tao, hindi perpekto ang naging proseso, ngunit sa huli nanaig ang makapangyarihang layunin ng Diyos.
Sa ngayon, isinasama ng mga Protestante ang 66 na aklat ng Luma at Bagong Tipan sa canon. Tinatanggap naman ng mga Romano Katoliko at ilang simbahang Orthodox sa Silangan ang mga karagdagang Kasulatan na tinatawag na Apokripa, isang pangkat ng mga aklat na hindi itinuturing na may awtoridad o hindi galing sa Diyos ng mga nasa relihiyong Judaismo at Protestanteng Kristiyano.
Ang pinakamahalagang implikasyon ng isang saradong canon ay hindi na maaaring idagdag sa Bibliya ang mga karagdagang aklat at wala sa aliman sa mga aklat na kasama ngayon sa Bibliya ang maaaring alisin. Nagsalita na ang Diyos.
Ipinapahiwatig ng saradong canon na ang ibang mga aklat pangrelihiyon na itinuturing ng kanilang mga deboto na galing sa Diyos ay dapat na tanggihan at ituring na huwad. Ang aklat ng Mormon, ang Koran, ang Dakilang Kontrobersya, ang Siyensya at Kalusugan na may susi sa Kasulatan—ang lahat ng mga aklat na ito ay gawa lamang ng mga tao at hindi produkto ng Banal na Espiritu ng Diyos.
Ipinapahiwatig din ng isang saradong canon na wala ng mga apostol at propeta sa kasalukuyan na nakakatanggap ng mga bagong mensahe mula sa Diyos. Biniyayaan ngayon ng Diyos ang iglesya ng mga guro at mga mangangaral, ngunit ang sinuman na nagsasabi na nakatanggap siya ng isang bagong kapahayagan mula sa Diyos, nagpapahayag na ang kanyang mensahe ay kinasihan ng Diyos, o nagpapalagay na siya ay may awtoridad na kapantay ng Bibliya, ay nililinlang at inililigaw ang mga tao. Nakakalungkot na marami sa iglesya ang nakikinig sa mga panaginip at mga pangitain na ibinabahagi sa pulpito at sa mga taong nagaangkin na “kinausap sila ng Diyos.”
Ngunit paano ang mga aklat ng mga hula na natuklasan ngayon? Paano kung makita ang isang nawawalang sulat ni Pablo? Kahit na may iba pang sulat si Pablo na matagpuan at matiyak na iyon ay kanyang isinulat, hindi natin iyon idadagdag sa canon ng Kasulatan. Maipagpapalagay natin na sumulat si Pablo ng maraming sulat para sa iba’t ibang grupo sa panahon ng kanyang ministeryo, ngunit marami sa kanila ay hindi ay hindi naingatan at nagpapakita na hindi kalooban ng Diyos na maisama sila sa canon (tingnan ang 2 Corinto 7:8 para sa isang posibleng pagbanggit sa isang hindi kanonikadong sulat).
Ang aklat ni Judas, ang isa sa mga huling aklat na naisama sa canon bago ito naisara ay nagsasabi, “Mga minamahal, ang nais ko sanang isulat sa inyo'y ang tungkol sa kaligtasang tinatamasa nating lahat, ngunit nakita kong ang kailangang isulat sa inyo'y isang panawagan na inyong ipaglaban ang pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman sa mga banal” (Judas 1:3). Ang salitang “pananampalataya” sa tekstong ito ay tumutukoy sa kabuuan ng pinaniniwalaan ng mga Kristiyano, sa lahat ng mga turo ng mga apostol, o sa buong saligan ng pananampalatayang Kristiyano. Sa ibang salita, ang lahat na ating pinaniniwalaan sa pananampalatayang Kristiyano ay naibigay na o naihayag na sa mga banal sa pamamagitan ng apostol at mga propeta. Sa pamamagitan ng mga Kasulatan, binigyan tayo ng Diyos ng natatangi at kumpletong saligan ng kaalaman para sa pamumuhay Kristiyano.
Hahayaan ng isang bukas na canon na maidagdag sa Bibliya ang mga aklat o mga teksto ng Kasulatan sa pamamagitan ng nagpapatuloy na kapahayagan ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagdadagdag ng mga aklat sa canon, sinasabi natin na ang kasalukuyang Bibliya ay hindi kumpleto at kulang sa ilang kaparaanan.
Binalaan tayo sa Kawikaan 30:5–6 na huwag magdagdag sa Salita ng Diyos: “Ang lahat ng salita ng Diyos ay mapananaligan at siya ang kanlungan ng mga nananalig sa kanya. Huwag mong daragdagan ang kanyang salita sapagkat pagsasabihan ka niya bilang isang sinungaling.”
Binalaan tayo sa Deuteronomio 4:2 na huwag magdagdag o magbawas sa mga utos ng Diyos: “Huwag ninyo itong daragdagan ni babawasan. Sundin ninyo ang mga utos na ibinigay ko sa inyo mula kay Yahweh” (tingnan din ang Deuteronomio 12:32).
Sa pagtatapos ng aklat ng Pahayag, ang huling aklat ng Bibliya, mababasa din natin ang parehong babala: “Akong si Juan ay nagbibigay ng babala sa sinumang makarinig sa mga propesiya na nasa aklat na ito: sa sinumang magdaragdag sa nilalaman ng aklat na ito ay idaragdag ng Diyos sa kanya ang mga salot na nakasulat dito. Ang sinumang mag-alis ng anuman sa mga salita ng aklat ng propesiyang ito, ay aalisan ng Diyos ng karapatang makibahagi sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay at sa Banal na Lungsod na binabanggit dito” (Pahayag 22:18–19)
Ang pagkilala sa isang saradong canon ay nangangahulugan ng pagtanggap sa kaisipan na naihayag na ng Diyos ang lahat na dapat malaman ng Kanyang mga anak. Nangangahulugan din ito na ang lahat ng nahayag sa Kasulatan ay kinasihan ng Diyos. Wala ng dapat idagdag at walang dapat na alisin o isantabi.
Ang isang saradong canon ay hindi nangangahulugan na tumigil na ang Diyos sa pagpapahayag ng Kanyang sarili sa mga tao ngayon, ngunit wala ng anumang bagong kapahayagan ng katotohanan sa labas ng Bibliya kung saan inihayag na ng Diyos ang lahat na dapat malaman ng iglesya. Inilagay na ng Diyos sa saradong canon ng Kasulatan ang lahat na dapat nating malaman tungkol sa Kanyang sarili, at kung ano ang magaganap sa hinaharap (tingnan ang 2 Timoteo 3:16b, 17).
English
Ang saradong canon (closed canon) – ano ang mga implikasyon nito?