settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Sarah?

Sagot


Nagsimula ang buhay ni Sarai sa paganong mundo ng Ur, sa lupain ng mga Caldeo na matatagpuan sa isang lugar na kilala ngayon sa tawag na Iraq. Siya ay kapatid sa ama at asawa din ni Abram, na tatawaging Abraham. Pareho ang ama ni Sarai at Abram ngunit magkaiba ang kanilang ina ayon sa Genesis 20:12. Nang mga panahong iyon, mas malinis ang genes ng mga tao kumpara sa kasalukuyan at hindi masama ang epekto ng pagaasawahan ng magkamag-anak sa kanilang magiging mga anak. Gayundin, ginugugol ng mga tao ang kanilang buhay sa malapit na ugnayan sa isa't isa sa pamilya, at normal na pumipili sila ng mapapangasawa mula sa kanilang sariling tribo o pamilya.

Nang makilala ni Abram ang buhay na Diyos sa unang pagkakataon, sumampalataya siya sa Kanya (Genesis 12:1–4; 15:6) at sumunod sa Kanya at sinunod ang Kanyang utos na iwanan ang kanyang tahanan at pumunta sa isang lugar na hindi pa niya narinig o nakita. Sumama sa kanya si Sarai.

Dinala sila ng kanilang paglalakbay sa isang lugar na tinatawag na Haran (Genesis 11:31). Sa siyudad na ito namatay ang ama ni Abram na si Terah at nagpatuloy sa kanilang paglalakbay si Abram, Sarai at ang pamangkin ni Abram na si Lot sa pangunguna at paggabay ng Diyos. Walang bahay at modernong kagamitan, maaaring napakahirap ng kanilang paglalakbay, lalo na para sa isang babae. Habang naglalakbay, nagkaroon ng tag-gutom sa lupain at ito ang nagtulak kina Abram at Sarai na pumunta sa Egipto (Genesis 12:10). Nang makarating sila doon, natakot si Abram na baka siya patayin ng mga Ehipsyo dahil maganda si Sarai at maaaring kunin ito bilang asawa ng sinumang magkakagusto. Kaya hiniling niya kay Sarai na ipakilala siya nito bilang kapatid—na totoo din naman ngunit sa layuning mandaya. Kinuha si Sarai ng Faraon at iniuwi sa bahay nito at tinrato si Abram ng maganda dahil kay Sarai. Ngunit sinaktan ng Diyos ang sambahayan ng Faraon at natuklasan ang pagsisinungaling ng mag-asawa. Ibinalik ng Faraon si Sarai kay Abram at pinahayo sila para muling maglakbay (Genesis 12). Bumalik sina Sarai at Abram sa lupain na ngayoý tinatawag na Israel. Nagkaroon sila ng maraming ari-arian at ng malaking kayamanan sa kanilang paglalakbay kaya naghiwalay sina Lot at Abram para magkaroon ng sapat na pastulan para sa kanilang napakalaking kawan (Genesis 13:9).

Baog si Sarai, isang isyu ng personal na kabagabagan gayundin ng kahihiyan sa kultura ng panahong iyon. Nagaalala si Abram na baka wala siyang maging tagapagmana. Ngunit binigyan ng Diyos si Abram ng isang pangitain kung saan ipinangako Niya na bibigyan Niya ito ng isang anak at ang kanyang angkan ay magiging sindami ng mga bituin sa kalangitan (Genesis 15). Ipinangako din ng Diyos sa mga inapo ni Abram ang lupain ng Canaan. Ang problema ay nanatiling walang anak si Sarai. Sampung taon pagkatapos na mangako ang Diyos kay Abram, bilang pagsunod sa kultura, iminungkahi ni Sarai kay Abram na anakan nito ang kanyang aliping si Hagar. Ang magiging anak ni Hagar ay ibibilang na anak ni Sarai, ayon sa kultura. Pumayag si Abram at ipinagbuntis ni Hagar ang isang anak na lalaki na tatawagin sa pangalang Ishmael. Ngunit nagsimulang magmalaki si Hagar at naging marahas ang pakikitungo ni Sarai kay Hagar, anupa't tumakas si Hagar dahil dito. Kinausap ng Diyos si Hagar sa disyerto at sinabihan na magbalik kay Abram at Sarai na kanya namang ginawa (Genesis 16).

Labintatlong taon pagkatapos na ipanganak si Ishmael, muling tiniyak ng Diyos ang Kanyang tipan kay Abram, sa puntong ito, ibinigay din kay Abram ang tanda ng pagtutuli at binago ang kanyang pangalan. Ang kahulugan ng Abram ay "mataas na ama," at ginawa itong Abraham na ang ibig sabihin ay "ama ng marami." Binago din ng Diyos ang pangalan ni Sarai na ang kahulugan ay "aking prinsesa," at ginawa itong Sarah na ang ibig sabihin ay "ina ng mga bansa." Sinabi ng Diyos kay Abraham na bibigyan siya ng Diyos ng anak kay Sarah. Sa anak na ito—si Isaac—itatatag ng Diyos ang Kanyang tipan. Pagpapalain ng Diyos si Ishmael, ngunit si Isaac ang anak sa pangako at sa pamamagitan niya pagpapalain ang mga bansa (Genesis 17). Ang ibig sabihin ng Isaac ay "tumawa siya." Tumawa si Abraham dahil sa edad na 100 taon, magkakaroon pa siya ng isang anak kay Sarah na 90 taon at isang baog. Tumawa din si Sarah dahil dito (Genesis 18:9–15).

Pagkatapos lamang na ipangako ng Diyos kay Abraham at Sarah na magkakaroon sila ng anak, ginunaw ng Diyos ang Sodoma atGomora, ngunit iniligtas Niya ang pamangkin ni Abraham na si Lot (Genesis 19). Naglakbay si Abraham at Sarah patungong Negeb at nanirahan sa Gerar (Genesis 20:1). Muling hiniling ni Abraham kay Sarah na magsinungaling ito tungkol sa kanyang pagkatao at kinuha si Sarah ng hari ng Gerar para gawing asawa. Nguni iningatan ng Diyos si Sarah na siyang magsisilang kay Isaac. Hindi nagkaroon ng relasyon si haring Abimelec kay Sarah. Binalaan siya ng Diyos sa isang panaginip at hindi lamang naghandog ang hari sa Diyos kundi binigyan pa niya ng mga regalo si Abraham at Sarah at pinayagan silang manirahan sa lupain (Genesis 20).

Nanatiling tapat ang Diyos sa Kanyang pangako na bibigyan Niya ng anak si Abraham at Sarah. Pinangalanan nila iyon ng Isaac at sinabi ni Sarah, "Nakakatawa ang ginawang ito sa akin ng Diyos at sinumang makarinig nito'y tiyak na matatawa rin." At sinabi pa niya, "Sa edad na iyon ni Abraham, sinong makakapagsabi sa kanyang ako'y mag-aalaga pa ng bata? Gayunman, nabigyan ko pa rin siya ng anak kahit siya'y matanda na" (Genesis 21:6–7). Bagama't dati na siyang tumawa dahil sa hindi paniniwala at kahihiyan, ngayon ay tumawa si Sarah dahil sa kagalakan at nais niyang malaman ng lahat ang nangyari sa kanya. Tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako at pinagpala siya.

Sa kasamaang palad, nanatili ang tensyon sa pagitan nina Sarah at Hagar. Nang ihiwalay si Isaac, nagdaos si Abraham ng isang salu-salo. Ngunit kinutya ni Ishmael na anak ni Hagar si Isaac. Sinabi ni Sarah na nais niyang mawala sina Hagar at Ishmael at dapat na walang bahagi si Ishmael sa mamanahin ni Isaac. Nagulumihanan si Abraham sa suhestyong ito ngunit sinabi ng Diyos sa kanya na gawin ang sinabi ni Sarah at sinabing ang kanyang lahi ay manggagaling kay Isaac. Pinaalis ni Abraham si Hagar at Ishmael at ipinagkaloob ng Diyos ang kanilang mga pangangailangan (Genesis 21:8–21). Pagkatapos nito, sinubok ng Diyos si Abraham at sinabi na ihandog nito sa Kanya si Isaac bilang haing susunugin. Nakahanda si Abraham na isuko ang kanyang anak at nagtiwala siya sa Diyos na sa anumang paraan ay tutuparin ng Diyos ang Kanyang pangako (Genesis 22; Hebreo 11:17–19).

Si Sarah ay simple, maganda (Genesis 12:11), at isang babaeng gaya rin ng ibang babae; nakagawa rin siya ng mga pagkakamali gaya natin. Inunahan niya ang Diyos sa pagtupad ng Kanyang plano at sinubukang ilagay sa sariling mga kamay ang katuparan ng lahat sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanyang alipin kay Abraham para bigyan siya ng anak. Dahil dito, pinasiklab niya ang isang alitan na tumagal ng 4,000 taon (Genesis 16:3). Tumawa siya dahil sa hindi paniniwala ng sa edad na 90 ay marinig nyang sinabi ng anghel kay Abraham na siyaý magdadalang-tao pa (Genesis 18:12), ngunit isinilang niya ang anak na ipinangako ng Diyos at nabuhay pa ng 30 taon at namatay sa edad na 127 (Genesis 23:1).

Ginamit sa Hebreo 11:11 si Sarah bilang isang halimbawa ng pananampalataya: "Dahil din sa pananampalataya, si Abraham ay nagkaroon ng kakayahang maging ama, kahit na siya'y matanda na at kahit si Sara ay hindi na maaaring magkaanak pa. Nanalig siyang tutuparin ng Diyos ang kanyang pangako." Ginamit si Sarah sa 1 Pedro 3:5–6 bilang isang halimbawa ng isang banal na babae na nagtiwala sa Diyos at ginayakan ang sarili ng pagpapasakop sa kanyang asawa habang sinusunod ni Abraham ang direksyon ng isang Diyos na hindi siya pamilyar ng panahong iyon. Marami siyang pinagtiisan sa pagtatangka na bigyan ng tagapagmana ang kanyang asawa at para maingatan ang kanyang asawa sa mga mapanganib na lupain. Sa huli, nagkaroon siya ng sapat na pananampalataya na sa edad nilang magasawa na 90 at 100 ay magkakaroon pa sila ng ipinangakong tagapagmana na si Isaac. Bagama't nabuhay siya sa isang mundo na mapanganib at puno ng kaguluhan, matatag na nanindigan si Sarah sa kanyang pagtatalaga ng sarili sa kanyang asawa at sa Diyos, at ang kanyang pagtatalaga ay ginantimpalaan ng pagpapala.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Sarah?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries