settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa sariling katuwiran?

Sagot


Ang pakahulugan ng diksyunaryo sa sariling katuwiran ay "pagtitiwala sa sariling katuwiran o kabalanan, o mataas na pagtingin sa sariling kabutihan at hindi pagtanggap sa opinyon at paraan ng pamumuhay ng ibang tao." Kung Bibliya ang pagbabatayan, ang sariling katuwiran ay may kaugnayan sa legalismo, ang ideya na kaya ng tao na gumawa ng katuwiran na magiging katanggap tanggap sa Diyos (Roma 3:10). Bagama't kinikilala ng sinumang seryosong Kristiyano ang kamalian ng kaisipang ito, dahil sa ating makasalanang kalikasan, isang palagiang tukso para sa ating lahat na maniwala na tayo ay matuwid sa ating sarili. Sa Bagong Tipan, mabigat ang pagtrato ni Jesus at ni apostol Pablo sa mga taong nagtatangka na mamuhay sa sariling katuwiran.

Marahas ang pagkondena ni Jesus sa sariling katuwiran sa Kanyang pakikitungo sa mga pinuno ng mga Judio. Sa Mateo 23, kinondena ni Jesus ang mga eskriba at pariseo dahil sa kanilang mahigpit na pagsunod sa kanilang mga tradisyon para magmukha silang matuwid kaysa sa iba. Partikular na binanggit ni Jesus ang talinghaga ng pariseo at maniningil ng buwis para sa "mga taong matuwid ang tingin sa sarili at hinahamak naman ang iba" (Lukas 18:9–14). Sa talinghaga, inakala ng pariseo na ang pagtanggap sa kanya ng Diyos ay nakabase sa kanyang sariling mga gawa, habang kinilala naman ng maniningil ng buwis na wala siyang maipagmamalaki sa kanyang sarili para siya tanggapin ng Diyos. Sa mga Ebanghelyo, paulit-ulit na nagbanggaan si Jesus at ang mga pariseo at mga eskriba tungkol sa isyu ng tunay na pagiging matuwid. Gayundin naman, ginugol ni Jesus ang Kanyang lakas at panahon sa pagbababala sa kanyang mga alagad tungkol sa mga panganib ng pagiging matuwid sa sarili, at ginawang malinaw na kung hindi sa Kanya, wala silang magagawang anuman (Juan 15:5).

Ang pagturing ni Pablo sa sariling katuwiran ay pareho ng pagturing ni Jesus. Sinimulan niya ang kanyang argumento sa Roma tungkol sa biyaya ng Diyos sa pagkondena sa pagtitiwala ng mga Judio sa katuwiran ng pagtutuli (Roma 2:17–24). Sinundan niya ang argumentong ito sa kabanata 10, na sinasabing ang mga Judio na sinusubukang maging kalugod lugod sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang sariling katuwiran ay nagpapakita ng kanilang kamangmangan sa tunay na katuwiran ng Diyos (Roma 10:3). Ang konklusyon ni Pablo ay ito: si Jesus ang hangganan ng kautusan para sa katuwiran, hindi ang sinuman (verse 4).

Tinalakay din ni Pablo ang isyung ito sa kanyang sulat sa iglesya sa Galacia. Tinuruan ng mga bulaang mangangaral ang mga mananampalatayang ito na kailangan nilang gumawa ng ilang mga bagay para sila maging katanggap-tanggap sa Diyos, partikular ang pagpapatuli. Sukdulang sinabi ni Pablo na ang ganitong katuruan ay ibang Ebanghleyo at ang sinumang nagtuturo ng ganito ay dapat na "pakasumpain" (Galacia 1:8–9). Sinabi din niya sa kanyang mambabasa na kung ang katuwiran ay maaaring magmula sa kanilang sariling mga gawa, kung gayon "walang kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo" (Galacia 2:21) at maaaring makamit ang katuwiran sa "pamamagitan ng kautusan" (Galacia 3:21). Ang konklusyon ni Pablo tungkol sa mga mananampalataya sa Galacia ay naging hangal sila sa kanilang pagtatangka na maging ganap sa pamamagitan ng laman (Galacia 3:1–3).

Patuloy na nakikipagbaka ang mga mananampalataya sa saloobing ito. Likas sa ating makasalanang kalikasan na subukan ang paggawa ng isang bagay para maging karapatdapat sa ating kaligtasan. Ang kalayaan sa biyaya na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ng dugo ni Jesus na walang anumang kontribusyon mula sa atin, ay mahirap na tanggapin o maintindihan ng ating mapagmataas na isip at puso. Mas madaling ikumpara ang ating sarili sa iba kaysa kilalanin na hindi tayo magiging karapatdapat sa pamantayan ng isang banal na Diyos. Gayunman, kay Cristo, maaari nating malaman ang tunay na katuwiran. Kay Cristo, maaari nating maunawaan na ang kapatawaran ng Diyos ay makakamtan natin sa pamamagitan lamang ng biyaya ng Diyos. Dahil namatay Siya para sa ating lugar, nakinabang tayo sa kanyang banal na buhay at sa kanyang kamatayan na pambayad sa kasalanan (2 Corinto 5:21). Dahil sa kanyang paghahandog, maaari nating harapin ang ating kasalanan at dalhin iyon sa kanyang krus, sa halip na subukang maging karapatdapat sa Diyos sa ating sariling gawa. Tanging sa krus lamang natin makikita ang biyaya na tumatakip sa lahat ng ating kasalanan at gumagapi sa patuloy na pagkahilig natin sa pagiging matuwid sa ating sarili sa ating mga puso.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa sariling katuwiran?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries