settings icon
share icon
Tanong

Ayon ba sa Bibliya ang pagkasaserdote ng mga mananampalataya?

Sagot


May mga pangunahing talata na tumutukoy sa pagiging saserdote ng mga mananampalataya. Ito ay ang mga sumusunod: "Kayo rin naman na gaya ng mga batong buhay, ay natatayong bahay na ukol sa espiritu, upang maging pagkasaserdoteng banal, upang maghandog ng mga hain ukol sa espiritu na nangakalulugod sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu Cristo. Sapagkat ito ang nilalaman ng Kasulatan, narito aking inilalagay sa Sion ang batong panulukan, ang isang batong panulok na pangulo, hirang mahalaga, at ang sumasampalataya sa Kaniya ay hindi mapapahiya....datapwat tayo'y isang lahing hirang , isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bansang pagaaring sarili ng Diyos, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman hanggang sa Kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan" (1 Pedro 2:5-9).

Ang mga saserdote o pari sa Lumang Tipan ay pinili ng Diyos, hindi nagboluntaryo lamang at sila'y pinili para sa isang natatanging layunin: maglingkod sa Diyos sa kanilang buong buhay sa pamamagitan ng paghahandog ng mga hain. Ang pagiging saserdote ay larawan o tipo ng ministeryo ni Hesu Kristo, isang larawan na hindi na kinakailangan pagkatapos Niyang ihandog ang Kanyang sarili sa krus. Nang mapunit sa dalawa ang makapal na tabing sa templo na tumatakip sa dakong kabanal banalan sa mismong oras ng kamatayan ni Kristo, (Mateo 27:51), ipinakikita ng Diyos na hindi na kailangan ang mga saserdote sa ilalim ng Bagong Tipan. Ngayon, direktang makalalapit na ang mga tao sa Diyos sa pamamagitan ng Dakilang Saserdote ang Panginoong Hesu Kristo (Hebreo 4:14-16). Wala na ngayong tagapamagitan sa lupa sa pagitan ng tao at Diyos na nagsisilbing pari o saserdote ayon sa pagkasaserdote ng lumang Tipan (1 Timoteo 2:5).

Ang ating Dakilang Saserdote, si Hesu Kristo ay naghandog para sa lahat ng kasalanan sa lahat ng panahon, (Hebreo 10:12), at wala ng handog sa kasalanan ang maaari pang ihandog (Hebreo 10:26). Ngunit bilang mga saserdote na minsang naghandog ng iba't ibang uri ng handog sa templo, malinaw mula sa 1 Pedro 2:5,9 na pinili Niya ang mga mananampalataya upang maghandog ng mga hain ukol sa espiritu na nangakalulugod sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu Cristo. Binabanggit sa 1 Pedro 2:5-9 ang 2 aspeto ng pagkasaserdote ng mananampalataya. Una, ang mga mananampalataya ay pinagkalooban ng pribilehiyo. Ang lahat ng mga mananampalataya ay pinili ng Diyos: isang "lahing hinirang"..."bayang pagaaring sarili ng Diyos" (talata 9). Sa tabernakulo at templo ng Lumang Tipan, may dalawang lugar kung saan maaaring pumasok ang mga saserdote. Sa Dakong Kabanalbanalan, sa likod ng makapal na tabing ay tanging ang Dakilang Saserdote lamang ang maaaring pumasok, at iyon ay minsan lamang sa isang taon tuwing "Araw ng Katubusan" kung kailan nagaalay siya ng handog para sa lahat ng tao. Ngunit gaya ng binanggit sa itaas, dahil sa kamatayan ni Hesus sa kalbaryo, ang lahat ng mananampalataya ay direkta ng makalalapit sa trono ng Diyos sa pamamagitan ni Hesu Kristo na Siyang ating Dakilang Saserdote (Hebreo 4:14-16). Anong dakilang pribilehiyo ang makalapit sa mismong trono ng Diyos, hindi sa pamamagitan ng saserdote o pari dito sa lupa. Kung dumating na si Hesus at ang Bagong Jerusalem dito sa lupa (Pahayag 21), makikita ng mga mananampalataya ang Diyos ng mukhaan at maglilingkod tayo sa Kanya doon (Pahayag 22:3-4). Muli, anong dakilang pribilehiyo lalo na sa atin na minsang "hindi sa Kanya"..... "walang pag-asa"... at karapatdapat sa kaparusahan dahil sa ating mga kasalanan.

Ang ikalawang aspeto ng pagiging saserdote ng mga mananampalataya ay pinili Niya tayo para sa isang layunin: upang mag-alay ng mga handog na espiritwal (tingnan din ang Hebreo 13:15-16 para sa halimbawa), at magpahayag ng mga papuri sa Kanya na tumawag sa atin mula sa kadiliman patungo sa kagilagilalas na kaliwanagan. Kaya nga sa buhay (1 Pedro 2:5; Tito 2:11-14; Efeso 2:10) at maging sa salita (1 Pedro 2:9; 3:15), ang ating layunin ay maglingkod sa Diyos. Dahil ang katawan ng mananampalataya ay templo ng Banal na Espiritu (1 Corinto 6:19-20), kaya tinatawag tayo ng Diyos na paglingkuran Siya mula sa ating puso una, sa paghahandog ng ating buhay bilang mga buhay na handog (Roma 12:1-2). Isang araw, paglilingkuran natin ang Diyos ng walang hanggan (Pahayag 22:3-4), ngunit hindi sa isang templo, sapagkat "ang Panginoong Diyos at ang Kordero ang siyang templo doon" (Pahayag 21:22). Kaya nga kung paanong ang mga saserdote sa Lumang Tipan ay naglilinis sa anumang karumihan, na sumisimbolo sa kalinisang pangseremonya, ginawa din tayong Banal ng ating Panginoong Hesu Kristo sa harapan ng Diyos Ama. Tinatawag Niya tayo na mamuhay sa kabanalan ayon sa ating "banal na pagkasaserdote" (1 Pedro 2:5).

Sa pagbubuod, ang mga mananampalataya ay tinatawag na "mga hari at saserdote" at "saserdote ng hari" bilang larawan ng ating mabiyayang kalagayan bilang mga tagapagmana ng kaharian ng Makapangyarihang Diyos at ng Kordero. Dahilan sa pribilehiyong ito ng pagiging malapit sa Diyos, hindi na kailangan pa ang sinumang tagapamagitan dito sa lupa. Gayundin, ang mga mananampalataya ay tinatawag na pari o saserdote dahil ang kaligtasan ay hindi lamang kaligtasan mula sa apoy ng impiyerno, kundi sa halip, tinawag ang mga mananampalataya upang maglingkod sa Diyos sa pamamagitan ng paghahandog ng mga haing espiritwal; isang halimbawa ay ang pagiging masigasig sa mabubuting gawa. Bilang mga saserdote o pari ng buhay na Diyos, dapat nating ibigay ang lahat ng papuri sa Diyos na nagbigay sa atin ng dakilang kaloob, sa paghahandog ng Kanyang Anak para sa ating kaligtasan. Biang tugon, dapat din naman nating ibahagi ang kahanga-hangang biyayang ito sa atin ng Diyos sa ibang tao.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ayon ba sa Bibliya ang pagkasaserdote ng mga mananampalataya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries