Tanong
Kaya bang basahin ni Satanas ang ating isip o malaman ang ating iniisip?
Sagot
Una, mahalagang malaman na wala si Satanas sa lahat ng lugar – hindi niya kayang pumunta sa lahat ng lugar sa isang panahon. Ang Diyos lamang ang sumasalahat ng dako, at tanging ang Diyos lamang ang nakakaalam ng lahat ng bagay, habang kailangan ni Satanas na umasa sa kanyang hukbo ng mga demonyo upang gawin ang kanyang nais.
Kaya ba ni Satanas o ng mga demonyo na basahin ang ating iniisip? Hindi. Sinasabi sa 1 Hari 8:39 na ang Diyos lamang ang nakakaalam ng nilalaman ng isip at puso ng tao. Walang ibang may ganitong uri ng kakayahan. Alam na ng Diyos ang ating sasabihin habang pinagiisipan pa lamang natin kung ano ang mga salitang ating sasabihin (Awit 139:4). Ipinakita ng nagkatawang taong si Hesu kristo ang katangian ng Diyos na kaalaman sa iniisip ng mga tao: “Hindi na kailangang may magsabi pa sa kanya tungkol sa kaninuman, sapagkat nalalaman niya ang nasa isip ng lahat ng tao” (Juan 2:25; Mateo 9:4; Juan 6:64).
Itinuturo sa atin ng Bibliya na makapangyarihan si Satanas. Tila siya ang pinakamataas ang posisyon sa lahat ng anghel na nagkasala, dahil nakaya niyang kumbinsihin ang ikatlong bahagi ng bilang ng mga anghel na samahan siya sa kanyang rebelyon (Pahayag 12:4). Kahit na pagkatapos ng pagkakasala ni Satanas, maging si Arkanghel Miguel ay hindi nangahas na komprontahin siya ng walang tulong mula sa Panginoon (Judas 1:9). Si Satanas ang “pinuno ng mga kapangyarihan sa himpapawid, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos” (Efeso 2:2b). Gayunman, may limitasyon ang kapangyarihan ni Satanas at wala siyang kakayahan na malaman ang ating iniisip.
Kailangan ni Satanas at ng kanyang mga demonyo ng kakayahan na malaman ang lahat ng bagay upang basahin ang ating iniisip at wala sila ng ganitong kakayahan. Ang Diyos lamang ang tanging may kakayahan na malaman ang ating iniisip. Gayunman, inoobserbahan ni Satanas at ng kanyang mga demonyo ang kilos at galaw ng mga tao sa loob ng libu-libong taon. Kaya’t tiyak na natutuhan na nila ang maraming mga bagay tungkol sa atin sa paglipas ng mahabang panahon. Kahit na wala siyang kakayahan na basahin ang ating iniisip, maaari silang makagawa ng matalinong hula kung ano ang ating iniisip at tinatangka niyang gamitin ang kanyang kaalaman laban sa atin. Ito ang dahilan kung bakit tayo inutusan ni Santiago na “pasakop kayo sa Diyos,” (Santiago 4:7a) saka tayo sinabihan na “Labanan ninyo ang diyablo” (Santiago 4:7b).
English
Kaya bang basahin ni Satanas ang ating isip o malaman ang ating iniisip?