Tanong
May kakayahan pa ba si Satanas na makapasok sa langit?
Sagot
Si Satanas ay orihinal na isa sa mga banal na anghel ng Diyos ngunit nagrebelde siya laban sa Diyos at pinatalsik mula sa langit (Lukas 10:18). Unang antas pa lamang ito ng paghatol sa kanya ng Diyos. Nagapi na ang kaharian ni Satanas doon sa krus (Juan 12:31–32). Hindi maglalaon, tatalian siya sa banging walang hangganan ang lalim sa loob ng isanlibong taon (Pahayag 20:1–3) at pagkatapos, itatapon siya sa dagat-dagatang apoy para sa kanyang walang hanggang kaparusahan (Pahayag 20:10).
Hanggat hindi nahahatulan si Satanas, ang “prinsipe ng sanlibutan” sa dagat-dagatang apoy, (Juan 14:30), tila maaari pa rin siyang makapasok sa langit sa pahintulot ng Diyos. Sa Job 1:6, tumayo si Satanas sa presensya ng Diyos. May kapareho ding sitwasyon ang naganap sa 2 Cronica 18:18–21 na kinasasangkutan ng isang “nagsisinungaling na espiritu.”
Dahil ang Diyos ay banal at walang kahit anong bahid ng kasalanan (Isaias 6:3) at dahil ni hindi Siya maaaring “tumingin sa kasamaan” (Habakuk 1:13), paanong makakapasok si Satanas sa langit? Ang sagot ay ang “pagpipigil” ng Diyos sa kasalanan. Sa Job 1, tumayo si Satanas sa harapan ng Diyos upang magsulit ng kanyang sarili. Ang Diyos ang tumawag ng pagpupulong, nanguna sa usapan, at nanatiling may ganap na kapamahalaan (talata 7). Ang resulta ay limitadong kapangyarihan ni Satanas (talata 12) at pagluwalhati sa Diyos.
Narito ang ilang katotohanang mapapansin: 1) Walang kakayahan si Satanas na makapasok sa langit sa kanyang sariling kagustuhan. 2) Ang pagdalaw ni Satanas sa langit ay panandalian lamang. Limitado ang kanyang panahon sa harap ng trono ng Diyos. 3) Hindi nadungisan sa anumang kaparaanan ang kalinisan ng langit dahil sa isang maiksi at ipinahintulot ng Diyos na pagpasok doon ng isang makasalanan. At, 4) Ang pagpasok ni Satanas sa langit ay ipinahintulot bago ang Huling Paghuhukom. Pagkatapos ng Huling Paghuhukom, gagawa ang Diyos ng isang bagong langit at bagong lupa (Pahayag 21:1), papawiin ang luha sa ating mga mata (talata 4), ihahayag ang Bagong Jerusalem (talata 10), at ipinangako ang kumpletong kawalan ng kasalanan (talata 27).
Kung ating sinasabi, “Hindi pinahihintulutan ng Diyos ang kasalanan sa langit,” simple lamang nating sinasabi na hindi pinapayagan ng Diyos ang isang makasalanang tao na nasa kanya pang makasalanang kalagayan ang humarap sa Kanyang presensya. Ngunit posible para sa Diyos na utusan ang isang makasalanang anghel na tumayo (pansamantala) sa Kanyang presensya upang Kanyang pagutusan (Isaias 6), upang magbigay sulit sa Kanya (Job 1-2), o Kanyang hatulan (Pahayag 20:11–15) na hindi ikinokompromiso ang Kanyang kabanalan.
Sa huli, papawiin ng kabanalan ng Diyos ang lahat ng kasalanan. Hanggat hindi dumarating ang araw na iyon, kinokontrol ng Kanyang kabanalan ang kasalanan at nangangahulugan ito na may ilang okasyon kung kailan tinatawag ng Diyos si Satanas sa Kanyang harapan upang magbigay sulit sa lahat ng kanyang ginagawa sa sanlibutan.
English
May kakayahan pa ba si Satanas na makapasok sa langit?