Tanong
May kapangyarihan ba si Satanas na kontrolin ang klima o panahon?
Sagot
Ang dumaraming bilang ng mga natural na kalamidad at malalakas na bagyo ang dahilan ng pagtatanong ng mga tao kung sino ba ang may kontrol sa panahon: ang Diyos ba o si Satanas? Ipinapakita ng isang pagsisiyasat sa Kasulatan na walang kakayahan si Satanas at ang kanyang mga demonyo na kontrolin ang mga natural na kalamidad. Gayunman, dapat na seryosohin ng tao ang Diyablo, ang ating “kalaban” at dapat nating kilalanin ang kanyang pagiral at ang kanyang limitadong kapangyarihan sa sekular na mundo. Si Satanas, ang natalong anghel na bumagsak sa lupa, ay may kapangyarihang higit sa kaninumang tao ngunit hindi siya Diyos. Ang kanyang kapangyarihan ay galing lamang sa tunay na Diyos at nakakakilos lamang si Satanas ayon sa Kanyang kapahintulutan (2 Tesalonica 2:6-11).
Kung may kakayahan si Satanas na pakialaman ang panahon, ito ay dahil lamang sa pahintulot ng Diyos at Kanya itong pinipigilan gaya ng kaso ni Job. Pinahintulutan ng Diyos si Satanas na pahirapan si Job upang subukin ang kanyang pananampalataya, at kasama dito ang pagpapadala ng “apoy ng Diyos” (posbileng kidlat) na tumama sa mga tupa at mga pastol na namatay lahat (Job 1:16). Sinundan ito ng isang malakas na hangin (maaaring isang ipu-ipo) na gumiba sa bahay ni Job at pumatay sa kanyang mga anak (talata 18-19). Ngunit kung gawa man ni Satanas ang apoy na mula sa langit at ang ipu-ipo, nasa ilalim pa rin siya ng ganap na kapamahalaan ng Diyos upang ganapin ang Kanyang layunin.
Ang Diyos, hindi si Satanas ang may kontrol sa panahon (Exodo9:29; Awit 135:6-7; Jeremias 10:13).
Ang Diyos ang may kontrol sa langit at sa ulan (Awit 77:16-19).
Ang Diyos ang may kontrol sa hangin (Markos 4:35-41; Jeremias 51:16).
Ang Diyos ang nagpapanatili sa buong sansinukob (Hebreo 1:3).
Ang Diyos ang may kapangyarihan sa mga ulap (Job 37:11-12, 16).
Ang Diyos ang may kapangyarihan sa kidlat (Awit 18:14).
Ang Diyos ang may kapangyarihan sa buong kalikasan (Job 26).
Ang Diyos ang may ganap na kontrol at kapamahalaan sa lahat ng bagay, maging sa panahon. Sa pamamagitan ng Kanyang probidensya, pinagkakalooban Niya tayo ng ating mga pangangailangan at Kanya tayong iniingatan, ngunit pinahihintulutan din Niya si Satanas, ang mga demonyo at ang sangkatauhan na sanayin ang kanilang limitadong kakayahn upang gumawa ng kasalanan, kasamaan at kabuktutan. Ang mga nilalang ding ito ay responsable sa anumang sakuna at trahedya na resulta ng kanilang kasalanan. Alam natin na itinakda ng Diyos ang lahat ng mga bagay (Efeso 1:11; Roma 11:36) at dahil dito, ang Kanyang hindi nakikitang mga kamay ay nasa atin sa oras ng mga karamdaman at sakuna bagama’t hindi siya maaaring magkasala o gumawa ng anumang kasamaan (Santiago 1:13-17).
May kabuluhan ang lahat ng pagdurusa para sa mga mananampalataya, iyon man ay dahil sa tao o dahil sa isang natural na pangyayari. Hindi natin lubusang nalalaman ang dahilan kung bakit nagaganap ang masasamang pangyayari o kung bakit nangyayari ang mga natural na kalamidad. Ngunit nakatitiyak tayo na sa lahat ng ating mga nararanasang pagsubok at paghihirap, gumagawa ang Diyos sa lahat ng mga bagay para sa Kanyang kaluwalhatian at para sa ating walang hanggang ikabubuti (Roma 8:18-28).
English
May kapangyarihan ba si Satanas na kontrolin ang klima o panahon?