Tanong
Bakit iniisip ni Satanas na kaya niyang talunin ang Diyos?
Sagot
Mahirap isipin na ang isang nilalang na katulad ni Lucifer (Satanas) ay makikipagdigma sa Diyos at aakalain na magtatagumpay siya laban dito. Nauunawaan kahit ng pinakamakasalanang pagiisip na hindi magtatagumpay ang nilikha laban sa kanyang Manlilikha. Ngunit sa kabila nito, tinatangka pa rin ni Satanas na agawin ang trono sa Diyos at nagsisikap hanggang ngayon na labanan ang awtoridad ng Diyos, hadlangan ang Kanyang mga plano, at ligaligin ang Kanyang mga anak.
Maaaring ang dahilan ng saloobing ito ni Satanas ay ang kanyang sariling pagmamataas na siyang bumulag sa kanya sa katotohanan. Tinalakay sa dalawang mga sitas sa Bibliya (Isaias 14:12-15 at Ezekiel 28:11-19) na ang mataas na katungkulan ni Satanas ang dahilan kung bakit siya naalis sa kanyang puwesto. Sinabi sa mga sitas na ito ang tungkol sa isang anghel na may mataas na kalagayan sa langit, isa sa mga nilalang ng Diyos na naging mapagmataas. Sinubukan niyang agawin ang trono sa Diyos, ngunit inalis siya ng Diyos sa kanyang posisyon.
Malinaw na inihayag sa Bibliya ang impluwensya ni Satanas sa mga nagaganap sa mundo (Juan 12:31). Napakatalino ni Satanas. Dahil sa kanyang katalinuhang ito, nadaya niya sina Adan at Eba at naagaw sa kanila ang pamamahala sa mundo (Genesis 1:26; 3:1-7; 2 Corinto 11:3). Ang kanyang katalinuhan ang nagbigay sa kanya ng kakayahan na ipagpatuloy ang pandaraya sa sangkatauhan bagama’t ang kanyang kapangyarihan ay nasa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos (Job 1:12; Lukas 4:6; 2 Tesalonica 2:7-8). May ilang tagumpay si Satanas – bagama’t ang lahat ng iyon ay ipinahintulot lamang ng Diyos – at maaaring ang mga tagumpay na ito ang dahilan kung bakit siya nagpapatuloy sa kanyang pagiilusyon na maaari siyang magtagumpay laban sa Diyos.
Ang kapamahalaan ng Diyos sa mga gawain ni Satanas ay inilarawan sa paghingi ni Satanas ng pahintulot sa Diyos na saktan si Job (Job 1:7-12). Pinahihintulutan ng Diyos si Satanas na saktan ang Kanyang mga anak (Lukas 13:16; 1 Tesalonica 2:18; Hebreo 2:14), ngunit hindi Niya siya pinahihintulutan na ganap na magtagumpay laban sa kanila (Juan 14:30-31; 16:33). Ang isa sa mga dahilan sa patuloy na pagaambisyon ni Satanas na palitan ang Diyos ay ang kanyang maalab na kagustuhan na sambahin ng mga tao (Mateo 4:8-9; Pahayag 13:4, 12). Si Satanas “ang Masama” (Mateo 13:19, 38), habang ang Diyos naman “ang Banal” (Isaias 1:4).
Likas na masama ang hangarin ni Satanas. Wala siyang kapaguran sa kanyang pagpupunyagi sa paglaban sa Diyos, sa Kanyang mga anak at sa Kanyang katotohanan (job 1:7; 2:2; Mateo 13:28). Lagi siyang salungat sa kabutihan ng tao (1 Cronica 21:1; Zacarias 3:1-2). Bagama’t ang kanyang papel ay ipakilala ang kasalanan sa sangkatauhan (Genesis 3), nakamit niya ang kapangyarihan ng kamatayan – isang kapangyarihan na dinurog ni Kristo sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay (Hebreo 2:14-15). Direktang tinukso ni Satanas si Kristo at sinubukan Siyang linlangin sa pamamagitan ng pangako ng makamundong kapangyarihan at kapamahalaan (Lukas 4:5-8).
Sa kabila ng pagkabulag ni Satanas sa kanyang sarili na kaya niyang talunin ang Diyos, nakatakda na ang kanyang ganap na pagkatalo. Ang kanyang ganap na pagkatalo ay hinulaan sa Juan 12:31, Pahayag 12:9, at 20:10. Ang kamatayan ni Kristo sa krus ang basehan ng ganap na pagkatalo ni Satanas (Hebreo 2:14-15; 1 Pedro 3:18, 22). Ang pangyayaring iyon ang pinakasukdulan sa isang walang salang buhay kung kailan paulit-ulit na nagtagumpay si Kristo laban sa kaaway (Mateo 4:1-11; Lukas 4:1-13). Maaaring natuwa si Satanas ng mamatay si Kristo at naniwala na iyon ay isang tagumpay para sa kanya, ngunit gaya ng lahat niyang tagumpay, ang kamatayan ni Kristo ay maiksi rin lamang. Nang bumangon si Kristo mula sa mga patay, muling nagapi si Satanas. Ang ganap na tagumpay ay darating sa muling pagparito ni Kristo at sa pagdadala kay Satanas sa dagat-dagatang apoy (Pahayag 20:1-15).
Ang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ni Kristo ang nagbigay sa mga mananampalataya ng lakas upang pagtagumpayan ang kasalanan. Mayroon tayong katiyakan na, “Ang Diyos ang bukal ng kapayapaan at malapit na niyang pasukuin sa inyo si Satanas” (Roma 16:20). Nguni t ang ganitong personal na tagumpay ay nakasalalay sa biyaya at kapangyarihan ng Diyos sa ating mga buhay at sa ating kagustuhan na labanan ang mga pagtukso ni Satanas (Efeso 4:25-27; Santiago 4:7; 1 Pedro 5:8-9). Upang tulungan ang mga Kristiyano na magtagumpay laban kay Satanas, ipinagkaloob ng Diyos ang kapangyarihan ng dugo ni Kristo (Pahayag 12:11), ang patuloy na pananalangin ni Hesus sa langit para sa mga mananampalataya (Hebreo 7:25), ang pangunguna ng Banal na Espiritu (Galacia 5:16), at ang iba pang mga sandata sa pakikibakang espiritwal (Efeso 6:10-18).
English
Bakit iniisip ni Satanas na kaya niyang talunin ang Diyos?